Press Release
July 26, 2014

Pahayag ni Senadora Nancy Binay sa selebrasyon ng
Sentenaryo ng Iglesia ni Cristo

Ipinapaabot ko ang aking mainit na pagbati at taimtim na pakikiisa sa Iglesia ni Cristo sa selebrasyon ng kanilang sentenaryo. Nagpapasalamat din ako sa patuloy na tulong at suporta ng Panginoon sa pagpapalakas ng simbahang Kanyang itinatag.

Sa ilalim ng wasto at pinagpalang pangangalaga ng mga Tagapamahalang Pangkalahatan - ang mga Kagalang-galang na Felix Y. Manalo, Eraño G. Manalo, at Eduardo V. Manalo - natunghayan natin ang paglago at pagtibay ng Iglesia ni Cristo.

Mula sa nag-iisang kapilya sa Punta, Sta. Ana, Manila noong 1914, ngayo'y laganap na sa buong mundo at ang pinakamalaking nagsasariling simbahan sa Asya ngayon ang Iglesia. Ang pagpapasinaya ng Philippine Arena sa loob ng Ciudad de Victoria ay isang simbolo at patunay ng tinatamasang tagumpay ng Iglesia ni Cristo sa loob ng sandaang taon nitong kasaysayan.

Kinikilala rin ngayon ang mga naging kontribusyon ng Iglesia Ni Cristo sa ating lipunan, mula sa pagpapalaganap ng pagmamahal ng Panginoon at pagpapatibay ng paniniwala ng mga Pilipino hanggang sa mga kawanggawang nag-aangat sa buhay at pagpapanday ng kamalayang pang-ispiritwal.

News Latest News Feed