Press Release
July 25, 2014

Transcript of Sen. Grace Poe's dzRH interview
Hosted by Mr. Deo Macalma

Sen. Grace Poe: Magandang umaga po sa inyong lahat.

Deo Macalma: Marami po ang natuwa sa inyo ni Senator Binay kahapon, ma'am, at kayo lamang daw po ang medyo makabuluhan at may anghang ang pagtatanong kay Sec. Butch Abad. Ano po ang reaksyon ninyo, ma'am, na ayan ang paghanga po sa inyong dalawang bagitong Senadora?

Poe: Syempre po ako'y nagpapasalamat at napuna naman ng ating mga kababayan lalong-lalo na po kayo dahil kapag nagbibigay ng feedback na ganyan ay ibig sabihin ginagawa lang namin ang trabaho namin. Doon pa lang ay malaking inspirasyon na iyan sa amin dahil alam niyo naman na ngayon ang daming problema sa Senado so kung masasabihan ka ng ganyan ay maraming salamat.

Macalma: Ibig sabihin kayo po ay nagtatrabaho so pagkatapos po ng hearing kahapon Senadora Grace, so ano po ang maimumungkahi ninyo ngayon? Ano ang dapat gawin ng gobyerno sa natitira pang P90-billion na savings? Ang problema po ngayon ma'am, sabi ng mga kababayan natin, ang dami palang pera ng gobyerno bakit kailangang mag-privatize ng mga government hospitals, bakit hindi maibigay ang mga benepisyo ng mga empleyado ng gobyerno at pati na ang mga retirees ng AFP at PNP?

Poe: Yun nga po ang isa sa mga tinanong ko, sino ba ang nagdedetermina kung anong mga proyektong dapat pondohan ng DAP? Ngayon po, tama ang sinabi ninyo na mayroon tayong savings at kung anu-ano pang pinaghugutan ng DAP savings. Maganda naman na mayroong naiipon ang gobyerno pero sa puntong ito, kung gusto talagang makarating sa ibaba ang tulong ng ating pamahalaan, katulad niyang P90-billion. Alam mo lakay, nitong weekend, mayroon po akong public school na pinuntahan tapos mayroon po kaming feeding program doon na pinag-aralan natin kung papaano matutulungan yung mga bata. Nakita natin na malaki talaga ang tulong sa kanilang kalusugan at sa kanilang performance. Akalain ninyo po, ang hiningi lang ng DepEd na bigyan ng budget ng DBM ay P4 billion pero ang binigay sa kanila ay P2-billion para sa feeding program ng mga talagang buto't balat na mga bata. So ngayon maganda yon dahil at least ngayon nabigyan na talaga sila ng pondo pero kulang pa rin ang P2 billion para masama naman yung underweight lang or undernourished. So sabi ko imaginin niyo yun, P4 billion, samantalang magkano nga yung sinasabi nilang ginastos natin, halos P144 billion sa DAP, hindi po ba. Tapos may savings po tayo na P90 billion, so yun diretso na sa sikmura ng mga bata. Malaking tulong sana so kaya nga inisa-isa natin yung mga line items doon, kaya nga sabi ko "Ito ba talaga kailangan kaagad bayaran ito kasi emergency ba ito? Mukhang hindi naman yata talaga ganoon ka-importante." So yun po ang napag-aralan natin. Alam ninyo napakahirap pala ng budget. Talagang kapag sobrang matalino ka at yung isip mo ay hindi para sa kapakanan ng nakararami ay maaaring gamitin mo ito sa hindi kaaya-ayang paraan. So yun po, kung ano po yung aming masasabi para maiwasan ang ganitong uri ng sitwasyon ulit yan ay talagang kailangang pag-aralan sapagkat hindi po talaga ganoon kadaling gumawa ng safeguard dito sa ating budget.

Macalma: Senadora, alam po namin na malapit ang inyong puso sa mga batang mag-aaral so sa ganitong pangyayari, alam ko pong hindi pa ninyo nabanggit na maraming public schools na may kakulangan sa libro pa din. Alam po ba ninyong sine-xerox pa ang mga libro para may magamit po sila?

Poe: Yun na nga, di ba dito po sa age ng internet at kung anu-ano pang high-tech, imagine nag-xerox pa ang mga bata. Samantalang sa ibang lugar, yung mga paaralan at public schools sa ibang bansa dito sa Asya ay mayroon nang tablet. Hindi na natin inaasa na magkaroon tayo ng mga tablet kaagad pero ang ibig ko lang sabihin kahit man lamang yung mga libro na iyan. Siguro malaking bagay na hindi na kailangan na mag-share pa sila ng isang libro. Pero hindi ko talaga alam yung kakulangan kung gaano pa talaga kakulang sa materyales pero alam ko talagang ang DepEd ay nabigyan ng mas malaking budget dito sa administrasyon na ito ngunit kulang pa rin, kaya tama po talaga na katulad sa inyo, natututukan nila yung mga ganyan para napapaalala din sa amin.

Macalma: Ito ay base na rin po sa mga text ng ating mga kababayan na talagang apektado ng mga ganitong sitwasyon. Yung mga magulang naaawa doon sa kanilang mga anak na, ito nga ay kulang sa libro, wala pang maayos na eskwelahan lalo pa't eto yung mayor ng San Antonio, Quezon kahapon ay kausap namin. 20 school buildings ang natanggalan ng bubong at yung iba ay talagang totally nasira ang kanilang mga eskwelahan. So yung mga ganitong sitwasyon natin na yun nga nalaman natin na P90-billion pa nga ang savings, wala ba kayong balak na yung bahagi man lamang ng pondong iyan ay ilaan para po sa mga public schools natin?

Poe: Dapat talaga, kaya nga yung kakulangan sa DepEd na sinasabi nilang P4 billion ang hinihingi nila subalit P2 billion ang binigay para sa pagpapakain ng mga bata ay itutulak natin kung maaari pang ipahabol iyan sa 2015 para madeliberate po sa budget. Kasi ang mahirap yun bang dinadagdag lang pero hindi naman pinagdedebatihan. Ayoko na para bang may nagsabi na "Ay, isiningit." Kailangan talagang makita kung saan napupunta at hindi overpriced yung pagkain at sino ang magiimplementa so lahat po iyan ay dapat pag-aralan. Pangalawa po, alam ninyo dobleng dagok talaga sa Quezon ang nangyari. Ilang bagyo na ang dumaan diyan at yung "cocolisap" pa. So yung sinasabi nila na nagkaroon tayo ng emergency sa cocolisap, sa totoo lang yung ating mga magsasaka ilang taon na nilang problema yan. Kaya nga noong lumala na ng lumala yung unang resolusyon ko sa Senado, last year pa, naghain na ako ng Senate inquiry sa cocolisap. So nitong taon na lamang po sinasabi na medyo problema noong nakaraang buwan pero matagal na po iyan kaya nga po yung kanilang mga pamatay at insecticide na kanilang kailangang gamitin ay kailangan talagang mapondohan iyan. Imagine, galling iyan ng Batangas at lumipat sa Quezon, baka mamaya kung saan-saan pa iyan lumipat.

Macalma: Senadora, yung hearing kahapon ay napakatagal. Seven hours, ipagpapatuloy pa ba ang hearing ng DAP at ipapatawag ba muli si Sec. Butch Abad o itong si COA Chairperson Grace Tan naman ang ipapatawag ng inyong komite?

Poe: Alam po ninyo, grabe ano, parang kalbaryo yung hearing na iyon matagal talaga subalit kulang pa rin sapagkat marami pa tayong kailangang pag-aralan. Ngayon, yung chairman po ng Senate committee on Finance ay si Sen. Escudero, sinuspend po niya yung hearing ngunit wala naman po siyang pinapalabas kung mayroon pang karugtong ang hearing. Pero sa tingin ko po kung magkakaroon ng susunod na hearing, tama po kayo, dapat magtanong sa mga auditors, kung sino yung nakapag-audit na ng mga proyekto na kasama dito sa DAP. Tapos siguro suriin ang mga SARO lalo na ng malalaking halaga at makita kung saan ba nanggaling na savings yung pondo kasi madaling magsabi na ito ang savings ng gobyerno pero saan-saan bang departamento kinuha yan sapagkat yang savings na yan ay maaaring ginamit sa mga ibang proyektong may kabuluhan tulad nga sa airpoirt na talagang kailangan natin. Bakit nagkaroon ng savings sa DOTC? Yun po pwede sana nating matanong.

Macalma: Samantalang maraming goverment hospitals ang kulang sa hospital beds na lamang.

Poe: Oo nga po. Isa pa po, sobrang daming buwis ang binabayaran natin at marami pa nga ang hindi nagbabayad ng tamang buwis. Ganito karami ang kinikita natin at mabuti naman yun na maraming pera ang gobyerno pero halimbawa na lang sana yung VAT sa gamot sa cancer ay tanggalin na dahil napakamahal talagang magpa-chemo hindi ba. Pwedeng pag-usapan na tanggalin ang VAT. Suntok sa buwan pero bakit di natin pinag-uusapan yan? Nakikita natin na marami tayong savings--marami tayong naipon, ang problema lang natin ay yung pinagkagastusan ng naipon natin, di lahat ay napunta sa tamamg paraan. Dapat itong liwanagin.

Macalma: Sa nangyari ngayon, marami yata ang nagsasabing dapat tanggalin na si Sec Butch Abad. Sa palagay nyo kaya sa gantiong problemang nagawa ng DBM Sec sa pondo ng bayan, dapat ireconsider na kaya ang desisyong mananatili si Abad?

Poe: Personally, nakita ko talagang kasama ang pagtitiwala ng taumbayan ang iyong pananatili sa pwesto. Gusto kong makita ang mga SARO dahil dun natin makikita kung mali ba ang mga payo na ginawa ng ating Sec sa ating pangulo lalo na't nagsalita na sya. Sana nung una pa lang ay nagsalita na sya agad para mabigyan pa sya ng pagkakataong depensahan ang naging payo nya sa pangulo. Gusto kong makita lahat ng dokumentong hiningi ko. Kaya hindi naman ako nagsasabi na nagmamadaling magresign kasi minsan ang pagpapatalsik sa isang tao ay isang political move lamang. Alam naman nating tulad ng ginawa last administrasyon na pag may mainit sa mata ng tao, lilipad sa ibang bansa pero ang totoo nun, di naman naayos problema. Dapat ganito, manatili ka sa pwesto mo, habang nandyan ka ay panindigan mong ipakita kung paano nagasta ng tama at kung may mali man ay aminin mo. Umalis man sa pwesto o hindi, pwede namang kasuhan.

Macalma: Scripted daw po ba ang hearing kahapon?

Poe: Meron naman talaga tayong kanya-kanya gustong maipalabas. Nakikita kong may ibang gusto talagang ipakita ang kagandahan ng DAP. Una, gusto kong maintindihan dahil wala akong naranasang SARO nung kami'y nahalal. Wala na ang mga ganyan. Nag-aral ako at may mga karagdagan akong tanong.

Macalma: Tuloy na raw po ang tambalang Poe at Chiz? At kukunin daw kayo ng administrasyon?

Poe: Unang-una po wala pong tambalang ganyan. Kaibigan ko si Sen. Chiz at minsang tinanong ako kung papayag ka bang makalaban mo sya? Syempre ang sagot ko ay ayaw ko naman syang makalaban. Sabi ko, mas OK kaming magkakampi sapagkat matagal na kaming magkakilala. Pero di ko naman sinabing may tatakbo na sa amin. Hindi po ibig sabihin nun ay may tatakbo sa amin. Hindi po totoo yon. Marami pa akong dapat patunayan ngayon.

News Latest News Feed