Press Release
January 6, 2014

Enrile, sinagot ang inihaing kaso hinggil sa "PDAF Scam"

Bilang pagtugon sa utos ng Office of the Ombudsman, inihain ni Senador Juan Ponce Enrile ang kanyang Counter-Affidavit noong ika-20 ng Disyembre 2013, na pinabubulaanan ang mga kasong inihain ng National Bureau of Investigation, ni Atty. Levito Baligod at ng Field Investigation Office ng Office of the Ombudsman sa kanyang diumano'y pagkaka-sangkot sa "PDAF Scam".

Sa kanyang Kontra-Salaysay, unang binigyang-diin ni Senador Juan Ponce Enrile na mismong ebidensya ng gobyerno ang nagsasabi na hindi siya nag-endorso o lumagda sa kahit anong NGO na diumano ay sangkot sa tinatawag na "PDAF Scam", konektado man kay Napoles o hindi.

Dagdag pa ni Enrile, ang tanging papel lamang niya at ng kanyang opisina sa buong proseso ay ang tukuyin ang bawat proyekto na hinihingi ng mga opisyal ng lokal na pamahalaan upang mapondohan sa ilalim ng kanyang PDAF. Ang nasabing pamamaraan, ayon pa kay Sen. Enrile, ay naaayon sa kasalukuyang mga batas at patakaran na kinasanayan na ng lahat ng mambabatas. Binanggit pa niya na hindi nararapat ang paghahabla sa kanya dahil sinusunod lamang niya ang batas at ang mga itinakdang regulasyon.

Tinukoy din niya na sa kabila ng impresyon ng karamihan, tungkulin ng implementing agency ang pagtatalaga ng mga NGO at ang pagsasakatuparan ng mga proyekto. Ayon kay Sen. Enrile, minsan nang nasabi ng Kataas-taasang Hukuman na kontrolado ng Ehekutibo "ang paglabas ng pondo, hanggang sa aktwal na paggastos ng pondo para sa proyekto..." at kapag may kontrol, dapat may pananagutan.

Dagdag pa ni Enrile, dineklara at inamin mismo ng Commission on Audit na bawal ipagkatiwala o ipasa ang mismong tungkulin na ito sa mga mambabatas.

Sa kanyang sagot, pinabulaanan din ni Enrile ang teyorya ng gobyerno na "baka" hinikayat niya diumano ang implementing agency o ang NGO na waldasin ang PDAF. Sinabi niya na ayon mismo sa mga whistleblowers na sina Merlina Suñas at Benhur Luy, ang mga dokumento na tila nag-uugnay sa kanya o sa kanyang mga staff ay pawang pineke at palsipikado.

Dinagdag ni Sen. Enrile na hindi niya personal na kilala ang mga opisyal ng implementing agency na kasangkot, at ni minsan hindi niya nakilala si Janet Lim-Napoles o nakapunta man lang sa anumang pagtitipon nito. Binanggit din niya na kahit ang mga whistleblowers ay nagpapatunay na hindi siya, o maging sinuman sa kanyang staff, ang nakapunta sa opisina ni Napoles. Sinabi ni Enrile na walang kahit anong ebidensya na nagpapatunay na siya ay kasabwat ng mga ito.

Dugtong pa ni Enrile na walang testimonya o kaya'y dokumento na nagsasabing may natanggap siyang komisyon o lagay. Walang pasubaling sinabi niya na wala siyang natanggap na "kahit isang sentimong lagay o komisyon galing sa PDAF."

Inamin ng lahat ng whistleblowers na hindi nila nakita si Enrile na tumanggap ng kahit anuman galing kay Napoles, lalo na yung sinasabing 50% ng PDAF.

Ayon kay Enrile, mismong si Luy ay nagpahayag na wala siyang personal na kaalaman sa mga nilalaman ng kanyang talaan, at binabatay lamang ito sa mga utos ni Napoles. Dagdag pa rito, ang mga dokumentong pinagmulan nito ay pinagpupunit at sinira mismo ng grupo ni Luy.

Hiling lamang ni Senador Enrile na sa kabila ng mga akusasyon laban sa kanya, na maging patas ang paglilitis sa kasong ito, kung saan katotohan lamang, at hindi mga personal na galit sa kanya, ang tanging batayan.

Sinabi ni Senador Enrile na sumagi sa kanyang isipan ang kasabihan na karapatan ng kanyang mga kritiko ang magkaroon ng sariling opinyon, ngunit wala silang karapatan na baluktutin ang katotohanan.

News Latest News Feed