Press Release
September 24, 2013

Transcript of Sen. Grace Poe's interview with Joel Reyes Zobel, DZBB

Joel Zobel: Ma'am mukhang this week po ay idedeliver daw ni Sen. Jinggoy Estrada at Sen. Ramon Revilla yung kanilang privilege speeches. Doon sinasabi mas malaking iskandalo ang kanilang ibubulgar mas malaki pa sa pork barrel scam, kaya lang ang sinasabi ng ilang analyst na baka daw damay-damay mentality at baka madamay ang buong senado sa speech na ito. Kayo po bilang isang neophyte senator, ano po ang inyong posisyon dito?

Sen. Grace Poe:Karapatan nila yan bilang senador, pwede naman silang magbigay ng speech kahit kailan kahit hindi i-schedule. Matagal na po kasi na may usapan na may mangyayari, hintayin na lang po natin. Ako hindi ko alam kung ano ang nilalaman nito, kahit mga kaibigan ko sila hindi sa akin sinasabi kung ano man ang laman niyon. Bilang isang Pilipino at isang miyembro ng senado, pag may paratang sa iyo,ang dapat mong gawin ay harapin ang paratang na iyan at huwag magdamay lamang kasi kung damay-damay, ang isa sa mga ayaw ng mga Pilipino ay mangdamay lamang para isalba ang sarili. Hindi ko talaga alam at hindi ko sigurado kung matutuloy ang privilege speech na iyan.

Joel Zobel: Kayo po ba medyo ina-anticipate niyo po ba ang speeches na yan?

Sen. Poe: Syempre naman kung matutuloy ba ito at kung totoo ba ang tsismis. Pero ako po nakatutok po ako ngayon dahil ipiprisenta ko din po sa plenaryo yun Freedom of Information Act na pinaghirapan din natin na pagsama-samahin ang iba't ibang versions nito. Yun din po ang ating armas kung saka-sakali na magkaroon ng mga ganito, mas madali po natin na makukuha ang mga impormasyon at puno't dulo ng dokumento sa mga ganitong sitwasyon.

Joel Zobel: Actually dapat daw maisabay sa ibinabalangkas na Whistleblowers Act ang Freedom of Information, totoo ba yun?

Sen. Poe: Yun po yung sinabi natin na mas maganda kung may magpapatunay sa mga dokumento na yan. Syempre kung may mga tao na magsasabing totoo yan, dapat din na protektahan din sila.

Joel Zobel: Tingin niyo po ba ay dapat na magpatuloy ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kahit nasa Ombudsman na ang kaso?

Sen.Poe: Sa tingin ko talagang dapat ipagpatuloy. Bago ako naging isang senador naging pribado din po akong mamamayan. Para sa akin malaking bagay na nagkakaroon ng pagdinig sa senado kasi nagkakaroon ng opinyon ang ating mga kababayan kung hindi dahil sa senado hindi natin madidinig nang diretso mula sa bibig ni Benhur Luy kung ano ba talaga ang nangyari. Importante syempre talaga ang sangay ng ating gobyerno yung hudikatura, yung Ombudsman, Sandiganbayan, pero syempre nagiging parang tradisyon na hindi lang in aid of legislation kundi para din ihayag sa taong bayan. Importante po sa akin yan, sa tingin ko naman pwede nilang i-invoke yung kanilang mga karapatan at ito naman po ay katanggap-tanggap, sa tingin ko hindi naman basta-basta huhusga ang ating mga kababayan tungkol dito.

Joel Zobel: How do you find the senate, ano ang timplada niyo dito sa kasalukuyang trabaho niyo po dito?

Sen. Poe: Malungkot at masaya. Bagong trabaho, bagong hamon, pero malungkot kasi syempre kasama ko rin naman yung mga nasasangkot sa gulo. Bilang kaibigan pag nakikita kong nahihirapan din sila, hindi mo naman pwedeng sabihin o gatungan, hindi mo rin naman pwedeng kampihan. Katulad sa media, marami kayong kaibigan sa public service, pero trabaho ninyo na kailangan ninyong tanungin kung ano talaga ang nangyari. Isang malaking hamon pero pagkakataon na magkaroon ng pagbabago na kung saka-sakali, sa maliit na paraan magiging kasapi ako ng nagsusulong sa pagbabago na ito para sa ating mga kababayan.

Joel Zobel: Meron pong panawagan na i-abolish ang pork barrel, isa kayo sa maapektuhan, ano po ang dating sa inyo nito?

Sen. Poe: Sinasabi ko rin po na yung mga mahal natin sa buhay pinagdarasal din tayo. Malamang itong pork barrel na ito nakabuti na rin para malayo tayo sa tukso at pagkakamali. Subalit, yung plano ko talaga na alam nating may pagkakataon na makatulong tayo sa ating mga kababayan, nakipag-usap kami kasama ng Ateneo na kung pwede silang magbigay ng libreng pananghalian, maganda sana kung makakapili ng schools habang isinusulong natin ang libreng pananghalian na panukala na sa saili ko sanang initiative ay magagawa ko sa mga pinkamahihirap na paaralan. Subalit hindi na natin magagawa ito dahil wala na yung PDAF pero may mga pribadong kumpanya katulad ng Jollibee na nagsabi ng kanilang interes na tutulungan nila tayo para pumili ng mga paaralan para ipagpatuloy pa rin ang ganitong programa. May mga hamon, hindi magiging madali, pero para sa akin ang trabaho bilang isang mambabatas ay gumawa ng batas, bantayan ang iba't ibang sangay ng gobyerno.

Joel Zobel: Ang sinasabi basang-basa daw ang papel ng senado at ng mababang kapulungan, hindi ba kayo nagsisisi na pinasok niyo po itong pagiging senador?

Sen. Poe: Hindi lang po nababad, kinukula po ngayon. Lumalabas lahat po ng putik, lahat ng mantsa, hindi po madali. Alam niyo po Mr. Zobel hindi po ganon kalaki ang kompensasyon sa senado, maganda lang po ang nakukuha mong respeto bilang isang mambabatas. E kung yun po ay mawawala pa, nakakalungkot talaga. Sa abo't ng aking makakaya, ay gagawin ko para hindi matanggal ang karangalan na iyan.

News Latest News Feed