Press Release
May 5, 2013

Trillanes, awtor ng 31 batas at 734 panukala

Nanatiling isa sa pinakamasisipag na mambabatas ang muling tumatakbong si Senador Antonio "Sonny" F. Trillanes IV matapos itong makapaghain ng 734 panukala sa Senado kung saan 31 sa mga ito ay ganap na naging batas noong ika-14 at 15 Kongreso.

Karamihan sa mga batas na ito ay naglalayong mapalakas ang programa ng pamahalaan kontra korapsyon, masiguro ang kapayapaan at maibsan ang kahirapan ng ilan sa ating mga kababayan.

Kabilang sa mga naisabatas na panukala ni Trillanes ay ang New AFP Modernization Act, Immediate Release of Retirement Benefits of Government Empoyees, Archipelagic Baselines Law, Anti-Trafficking in Persons Act, Salary Standardization Law 3, Pag-IBIG Fund Law, Magna Carta for Disabled Persons, at Cheaper Medicines Act.

Si Trillanes din ang isa sa mga pangunahing may-akda ng Philippine Coast Guard Law, Tourism Act, Military Service Board Act, PNP Education and Promotions Act, Expanded Senior Citizens Act, University of the Philippines Charter, Prosecution Service Act, at Philippine Disaster Risk Reduction and Management System Act.

"Higit pa sa karapatang makaupo sa Senado, naniniwala ako na ang mandato ng taumbayan ay isang sagradong katungkulan," aniTrillanes. "Kaya naman inihain ko ang mga panukalang ito sa pagnanais na mabigyan ang bawat Pilipino ng pagkakataong mabuhay ng mas maganda, magkaraoon ng oportunidad at pag-asa sa hinaharap para sa kanilang pamilya at sa ating bansa."

Dagdag pa ni Trillanes na tumatakbo sa ilalim ng Team PNoy: "Ang mga batas na ito ay testamento ng aking pangako sa ating mga kakababayan na magbigay ng nararapat na serbisyo at magpanukala ng mga batas na naaayon sa kanilang pangangailangan."

"Ngayong darating na halalan, tayo ay haharap sa husga ng taumbayan na puno ng pag-asa at pananalig na ako po ay nakapagsilbi sa abot ng aking kakayahan at puno ng integridad," giit ng senador.

Ipinangako ng batang senador na kung papalaring maluklok muli sa Senado ay ipagpapatuloy nito ang pagsusulong ng reporma sa mas malawak na sektor ng lipunan gaya ng kalusugang pangkalahatan, edukasyon at trabaho para sa lahat, pag-aalaga sa kalikasaan, at sapat na pagkain.

Si Trillanes ay kasalukuyang tagapangulo ng Senate Committee on Civil Service and Government Reorganization, Senate Committee on Amateur Sports Competitiveness, at Senate Select Oversight Committee on Government Procurement. Pumapangalawa ito sa may pinakamaraming panukalang batas na inisponsor sa plenaryo at sa bilang ng isinagawang committee hearing sa nakaraang dalawang Kongreso.

News Latest News Feed