Press Release
January 21, 2013

TRANSCRIPT OF INTERVIEW DZMM DOS POR DOS

Topics:

  • Questionable use of Discretion in disbursing funds

  • Independent Audit of Senate Funds

  • Reaction to statements of JPE's Chief of Staff

  • Comelec Rules on Media Campaigning

ANTHONY TABERNA (AT): Senator, magandang gabi po sa inyo.

SENATOR ALAN PETER S. CAYETANO (ASC): Magandang magandang gabi Anthony at Gerry at sa lahat ng ating kababayan. Andito tayo ngayon sa Cebu. Kanina nabanggit niyo ang Davao. Nandoon din ako nung IBP conference noon at kinakamusta ko rin sila.

AT: Kayo po baay nakarinig nung interview nila Karen at Vic kay Ma'am Gigi Reyes?

ASC: Hindi ko narinig pero kinuwento sa akin ng asawa ko. Gusto nga niya sana siya na ang sumagot tutal naman si Gigi naman daw ang sumasagot para kay Senate President. Pero sabi ako, "Ako nalang."

GERRY BAHA (GB): Ang boses o salita ni Senate President Enrile ay siya na ring salita ni Ms. Gigi Reyes?

On Discretionary use of Senate funds

ASC: Tatlong mabilis na punto.

Una, sobrang nakakahiya na pera ang pinag-uusapan ng mga senador kaysa sa napakaraming matitinding isyu tulad ng baha sa Davao, yung kalamidad sa Region 11 at yung peace and order situation.

Pangalawa, Kaya kaninang umaga nag-offer na ko ng solusyon. Para matigil na to at pati kami titigil na, kumuha tayo ng private accounting firm para i-audit na lahat ng pondo. Pero binunyag ko rin na bukod sa milyon-milyon sa opisina ng bawat senador, may P500 million na nasa ilalim ng Office of the Senate President.

Pangatlo, Lumalabas pala na ang total MOOE ng Senado ay mahigit sa P1.5 billion. So sabi ko kung yung P600 million ay napupunta sa iba't ibang opisina ng Senador, kung P2 million a month ang bawat isa at ang committees ay P400 million, may matitirang P500 million.

Kaya kanina sa ANC ang tanong ko ay "Paano ba ito? By certification din ba yan?" Kasi si Senator Enrile binabato sa amin na marami daw kaming pondo pero hindi sinasabi yung totoo sa pag gastos ng chairman.

Halimbawa, yung sinasabi niya na P10 million ang pondo ni Sen. Trillanes. Ang hindi sinabi ni Sen. Enrile ay P100,000 lang sa isang buwan ang MOOE ng chairman pag P10 million ang pondo. Yung mga miyembro ay P50,000. Kasi yung P100,000 ng chairman ay sagot yung pa-photocopy, pa-merienda, yung venue ng hearing and everything else.

Sa akin, ang tingin ko na nagbunsod ng paghihimutok nila ay ayaw talaga nilang magpa-audit. Lagi lang sinasabi ng Senate President ay "Kasuhan ninyo kami." Narinig ko na yan dati. Si GMA palaging ganyan. Palaging, "Let's move on. Tapos na yung issue na yan." At sasabihin nilang "Kasuhan niyo nalang kami."

On the issue of removal of staff

Pangalawa, yung tanong mo na binding ba yan,ngayon kasi nabubuko sila. Ang sinabi ni Senate President last week na kaya tinanggal yung dalawa kong staff ay dahil nag-expire yung kontrata. Ngayon naman sinasabi ng Chief of Staff niya na si Atty. Gigi ay inassign ko daw sa munisipyo ng Taguig kaya nila tinanggal.

Pero para lang masagot ko yun, hinahamon ko na mag-resign kung sino ang nagsisinungaling. Yung staff po na yun ay dalawa, sina Rosevic at Calil. Di po nagrereport sa munisipyo yun. Sa office kop o talaga nagrereport yun.

Ang problema kay Atty. Gigi yung kanyang hipag kasi at pamangkin ay nasa Taguig at kritiko ng asawa ko kasi tumatakbo bilang konsehal yung kanyang hipag doon sa mga Tinga. So siguro dahil Muslim si Calil at mayroon kaming Muslim village, nakakita ng kamukha at akala nila na doon nagrereport. Pero hindi doon nagrereport yun.

Ang punto ko naman ay yun ba ang issue sa Senado ngayon? Ang issue ay kung bakit ang mga Senador ay pirmahan lang ang liquidation. At bakit ang mga senador ay pwedeng may bigyan, pwedeng may hindi.

Transparency we demand from others should also apply to us

Right now, nakakahiya na magiimbestiga kami ng ibang tao o grupo tapos kami hindi above reproach. Noong panahon ni Gen. Garcia, pinagsisigawan namin yung mga military na buksan yung account nila, si Justice Corona sabi namin na ilantad yung mga account niya na personal, tapos ngayon ang pinabubuksan ko ay hindi personal account ni Sen. Enrile kundi account ng opisina niya at ng Senado hindi magawa. Ang mag-a-audit naman ay hindi naman kung sinu-sino lang kundi credible private auditing firm para hindi niya maimpluwensiyahan.

GB: Tama ba, Senator, na kayo nalang ang mga senador sa mga opisyal ng pamahalaan ang hindi nagbibigay ng resibo sa inyong mga gastusin kundi certification lang?

ASC: Siguro sa MOOE. Pero marami kasi ang may intelligence funds. So sa intelligence funds kasi certification ang binibigay at ganoon din sa discretionary funds.

GB: Pero sa MOOE kayo nalang?

ASC: Mukhang ganoon. Kaya nga ang nasabi ko sa ANC kaninang umaga, yung mga gumagamit ng tama ng pondo ay hindi kami mag-o-object na resibuhan lahat yan. Kasi makikita mo naman magkano yung pagkain, pang-taxi, pagpapakain ng witness, pang-photocopy. Pero doon sa binubulsa ang pera ay di papayag yan.

Bakit ngayon namemersonal na si Senate President?

Bakit ngayon namemersonal na si Senate President? May drama drama pa na pa-resign-resign pa. Pero magbobotohan din pala nung mga kakampi niya. Ang hinihindi lang naman ng tao ay simple lang, "Magkaroon ng imbestigasyon at i-audit ng mabuti."

Kanina may nag-file sa ethics committee. Hindi ko pa nakikita at ako ang Chairman ng ethics committee. Kaya imbes na makipagkomprontasyon ako sa Senate President ang mungkahi ko nga ay legislation nalang, huwag na tayo magingay pero i-a-audit natin at ipaiimbestiga.

Yun ang ibabalik ko lang kay Ma'am Gigi.

GB: May binabanggit po si Miss Gigi kanina na kayo daw ay humihingi pa daw dati at nabigyan pa kayo ng sub-committee. Kayo daw ang humingi dahil may additional budget yun.

ASC: Natural naman. Sabi nila hiporkito. Sino ba namang Congressman or Senador na hindi humihingi ng committee? Kasi sa committee, doon ka nagkakatrabaho. Kapag wala kang committee, hindi ka nagttrabaho.

Pangalawa, ang budget ng lahat ng committee ngayon ay P420 million. Ang budget ng BCDA committee ay for 2 years and a half ay zero. So masama ba na humingi ng kaunting budget doon para kapag naghhearing kami ay may pondo? Para kapag sa BCDA ka humingi ng pondo, kami na mismo ang magpapa-photocopy at hindi kayo.

So yung sinasabi ni Gigi ay parang pinapalabas niya na masama. Wala namang ibang hihingan kundi ang Senate President. Lahat naman, kahit nung minority si Sen. Pimentel ay sa Senate President humihingi ng pondo yun.

Bakit gusto lang ni JPE siya lang happy?

Hindi namin nirereklamo na may pondo ang mga senador, ang nirereklamo namin ay bakit gusto lang ni JPE na siya lang ang happy? Halimbawa hindi siya happy dahil iba kami ng stand sa RH bill at Sin Tax bill at napapagusapan ang Corona trial kung saan siya bumango at nalaman-laman namin na nakikipag-meeting pala sila sa kampo ni Corona kaya pala umaasa sila.

Alam ninyo, tama yung mga kababayan natin na nagsasabi na magandang nag-a-away-away kami dahil ang katotohanan lumalabas. So nung naglaban si Pacquiao at si Marquez ay naunahan ng Miriam versus JPE. Magsintindi ito. Maraming issues ang lumabas.

Kanina yun lang naman ang sinasabi ko. Yun siguro yung narinig ni Ma'am Gigi. Ang sinabi ko lang kung bakit ang paliwanag nila sa pondo ay pabago-bago at bakit ang paliwanag nila sa staff ko kung bakit tinanggal pabago-bago, tapos kami ang hipokrito. Samantalang binaggit ko na yung mga issues.

Halimbawa, sinabi niyang naimbestigahan na siya noong panahon ni Cory. Hindi naman siya naimbestigahan. Ang mismong nagsabi sa akin ay executive secretary ni President Cory. Sinabi daw sa kanya na "Hindi ka kakasuhan dahil tumulong ka sa amin." Ang nilagay niya sa libro niya ay hindi siya inimbestigahan. Hindi niya sinama yung "dahil tumulong ka."

Yun ang pinapaliwanag ko. Yung sa staff namin ang paliwanag niya kung bakit tinanggal ay expired ang contract. Hindi naman niya sinabi na sa anim na taon na naging senador ako, sa tuwing mag-e-expire yan ay automatic na ni-re-renew. Anong nangyari ngayon at biglang nagbago at tinanggal? Kahapon sinabihan na hindi lang daw sila binalik sa mother unit kundi sa June tatanggalin na sila sa Senado.

AT: Ano po ba kung masama kung si Atty. Gigi yung nagpapaliwanag at tumitira kay Alan? Alan pala ang tawag niya sa inyo.

ASC: Wala namang personalan yun. Ang point ko lang naman bakit iba ang paliwanag niya at iba ang paliwanag ni Sen. Enrile? Sino ba ang nagpapatakbo ng Senado, siya ba o si Sen. Enrile? Kasi ngayon kapag nag-speech ako halimbawa bukas sa Senado, sino ang sasagutin ko, yung chief of staff o yung senador?

Yun lang naman. Sana magusap sila at yung storya nila ay magtugma. Iba ang sagot kasi ng chief of staff, iba ang sagot ng senador.

Nagtataka ako ngayon nung nabanggit ang salitang "audit" ay siya (JPE's Chief of Staff) na ang umaatake sa amin

AT: Kasi importante yung tanong ni Gerry kanina na binding ba para kay Sen. Enrile ang lahat ng binigkas ng kanyang chief of staff considering na ang mga sinabi po kanina ni Atty. Reyes ay hindi po basta basta? Sabi nga po namin ni Gerry kanina ay kumpleto ng passion at conviction sa kanyang pagsasalita at ang kanyang huling pananalita ay "Mga hipokrito kayo."

ASC: Usually kapag ang chief of staff ang nagsasalita ay kailangan ng authority ng senador. Kaya usually kapag nagaway away ang mga senador, kinakausap ang staff na huwag din silang magaway kasi normal na magkaiba ang opinion ng mga senador.

Pero medyo special si Atty. Gigi kasi sa lahat mabibigat na issues, sa impeachment, sa Cam Sur at even sa lounge na bawal ang ibang staff kundi siya, mabigat yan kapag nagsalita. Kasi sa lahat ng usapin ng senador palaging andiyan yan. Parang kanang kamay na rin yan ni Sen. Enrile at minsan siya ang nagsasabi kung anong gustong mangyari ni Sen. Enrile.

Sa amin mabigat yun. Parang siya ang taga-awat at nagsasabi kung ano ang gusto ni Sen. Enrile. Nagtataka ako ngayon nung nabanggit ang salitang "audit" ay siya ang umaatake sa amin. Medyo unethical yun at unprofessional sa senado pero baka naman bugso lang ng damdamin niya.

AT: Kayo daw ang nangangantiyaw pa na,"Wala bang papasko diyan?"

ASC: Unang una matagal na kaming hindi magkasundo sa Kongreso ni Sen. Enrile. Naalala ko lang kasi kanina pa kami nagiisip ni Lani kung anong nangyari na two years ago, apat o lima lang kaming senador na natira sa session hall tuwing last day at napagusapan lang namin na sa Senado dapat no work no pay. Kung wala ka sa session hall, wala kang bayad. Yun ang kantiyawan namin noon.

So kung nag-Merry Christmas at iba ang interpretasyon nila, nasa kanila yun. Pero hindi maintindihan ni Gigi at JPE na hindi nila pera yan. Ang pera ng Senado pera ng bayan yan. Hindi ka pwedeng mamili kung kaninong opisina ng senador ang bibigyan o hindi at hindi pwedeng bigyan ng Christmas gifts.

Lumalabas kasi, kaninang umaga nasabi ko ito, nung hinanap namin ang voucher nung P250,000 wala pala. So yung sinasabi ni JPE na yun ay savings, kung savings ng isang senador yun hindi mo pwedeng ipamigay yun. Ibabalik mo sa Senado yun at irerealign mo pa yun. Walang item sa Senado na gift to senators. Mayroong MOOE. Pero para maging MOOE yun, irerealign lang.

AT: Ang tanong dun ay, sinauli niyo po ba?

ASC: Kanina sinabi ko sa kanila, katulad ni Sen. Koko, inimpound namin yung pera. Kasi maraming tseke ang pumapasok sa amin every month pero isang account lang yun. Minsan sampu o bente.

Pagpasok akala tuloy namin MOOE yun. Nung lumabas yung issue na ito, sinabi ko na itabi muna ito at yan ay magiging ebidensya. Kung yan ang illegal ang pagbibigay, ibabalik natin sa gobyerno.

Sabi nila na bakit hindi sa kanila ibalik. Eh paano kung sa kanila lang mapunta yun? Hindi ganoon kasimple yun. Nalaman ko this last few days lang na wala palang voucher yun. So kung galing doon sa MOOE at savings niya yun, ang question ko sa COA "Bakit hanggang ngayon hindi nila nilalabas kung paano niliquidate ng Senate President yung P250,000 na binigay sa bawat opisina ?" Para ito sa resident auditor ha. Bilib naman ako sa Chairman dahil mahigpit yun at maraming repormang ginawa.

On change of Senate Leadership

GB: Sabi niyo kanina na drama lang yung pag-resign o pagdeklara na bakante yung position. Kaya niyo na po ba? May numero ho ba para mapalitan ang Senate President?

ASC: Sa akin naman, never naging primary intention ko na palitan siya. Kasi wala naman akong manok na ipapalit sa kanya. Sanay na ko sa minority. Ang sinasabi ko ay ilang beses na kasing ginawa sa lounge yan na kapag sinagot mo siya ay sasabihin sa mga kasama na, "Kapag ganyan magreresign nalang ako. Kayo nalang." Pero hindi naman niya ginagawa. Tapos magbobotohan sila na siya pa rin.

Unang beses lang na sa harap ng camera niya ginawa. Pero inaddress pa niya yung issue. Sa akin maski hindi siya nagresign kanina pero sinabi niya na ipa-audit na natin ito ay okay na.

Siyempre nung una kong narinig naantig din yung kalooban ko kasi parang lolo niyo na rin si JPE at hindi mo masasabi na lahat ng ginawa niya ay mali. Yung araw araw mong nakikita ay napapamahal din sayo. Hindi lahat ng gawin niya ay mali.Hindi naman kayo nawawalan ng oras na maglambingan. Noong nagmano nga ako diyan nung Christmas at sinabing "Manong Johnny sana maintindihan niya na iba lang tayo ng panig sa mga issue" ay ang ganda ganda ng yakap niya sa akin noon. Akala ko talaga ay okay kami.

Kaya nung una kong narinig naantig ako. Pero naisip ko na hindi naman pala irrevocable at nagbotohan din sila. Ito ay para maisip ng mga mamamayan na willing naman pala siyang bumaba.

Pero hindi kasi ito ang issue. Ang issue ay ang pera ng Senado at saan ba napupunta at bilyon yun. Tama si Sen. Lacson na kaysa magcast tayo ng aspersions ay ipa-audit nalang natin. Yun ang mas importante sa akin ngayon.

Cayetano questions Comelec Rules on Media Campaigning

GB: May pahabol lang na tanong yung aming executive producer pero wala pong kinalaman sa teleserye. May kinalaman po ito sa airtime sa radyo at telebisyon. Mayroon daw po kayong plano na kuwestiyunin yung airtime limit sa mga kandidato?

ASC: Unang una Gerry pati pagiinterview sa news ay kailangan daw ipaalam sa Comelec bago gawin. So isipin mo kung may nangyayari na shoot out sa isang lugar ay bago mo interviewhin yung kapitan na kunwari ay kandidato ay ipapaalam mo pa sa Comelec. Sa tingin ko mali yun dahil prior restraint yun.

Pangalawa, 180 minutes lang ang ginawang allotment sa radyo sa buong Pilipinas. Ibig sabihin nun kung 30 seconds ang isang spot, 360 spots ka lang meron. Kung 80 ang probinsya ibig sabihin 4 na spot lang bawat probinsya ang gagawin mo?

Alam mo yung mga mas mahihirap na kandidato ay sa radyo umaasa. Usually yung commercial mo ay trinatranslate mo. Ang tingin ko sa TV areas ay mahirap. Kasi bihira ang kandidato na may 120 million for 120 minutes. Bukod sa TV kasi may ibang gastos.

Kaya sabi ko in principle disagree ako. Pero actually may 1 or 2 candidates lang na tatamaan na yung TV nilimitahan nila sa aggregate. Pero sa radyo napakarami ang tatamaan niyan at hihigpitan pa nila yung interview.

GB: Sa Supreme Court niyo dadalhin?

ASC: I'll try muna na sa Comelec. If after a few days hindi nila pansinin, we have no choice but sa SC na humingi ng TRO. Ang iniisip kasi ng Comelec para makatipid ay gagawin to. Pero mas mahal pa kung ikaw ang magiikot ikot. Kapag ikaw ang pumunta sa ibang probinsya gagastos ka sa ticket, sa tarpaulin, sa sasalubong sayo, sa sasakyan mo, sa hotel na tutulugan mo at tapos ilang tao ang makakausap mo. Sa isang rally isang libo. Halimbawa limang rally ka sa isang araw eh di limang libo.

Samantalang sa radyo, pagdating mo sa Davao, Cebu at Dagupan halos ang buong probinsya ay maririnig ka. I think ang ginagawa ng Comelec magandang pakinggan pero hindi praktikal.

Last point nalang. Sa Amerika ang ginawa ni Obama ay hindi niya kinuwestiyon na magastos ang eleksyon. Pero humingi siya sa tao na magambagan. Kaya $1 billion ang na-raise niya sa small donors. Kaysa ang pera ay manggaling sa drug or smuggling lords, nanggagaling sa maliit na tao. Media ang ginamit niya para maabot ang mga kababayan niya sa buong US.

Yun ang pakiusap ko sa Comelec. Wag tayong magpabango lang at isipin na ang radyo ay hindi importante. Dahil 100 million ang Pilipino, mahigit 40 million ang botante, sa 90 days hindi mo talaga maiikot. Kaya kapag nilimitahan mo ito masyado ang kawawa ay ang kandidatong sinsero pero walang masyadong pera at ang taong hindi maririnig ang plataporma ng kandidato.

GB: Bawas na po ng 20 minutes ang oras ninyo. *laughs* Maraming salamat po.

ASC: Maraming salamat din at God bless!

News Latest News Feed