Press Release
February 14, 2012

Transcript of interview with Umagang Kay Ganda
ANCHOR: ANTHONY TABERNA

TABERNA: Nasa linya ng telepono si Sen. Francis 'Chiz' Escudero. Sen. Escudero umagang kay ganda po sa inyo.

ESCUDERO: Tonying, sayo at sa televiewers ng UKG, magandang umaga sa inyo. Good morning.

TABERNA: Opo. Bakit nga po ba kayo bumoto na respetuhin ang TRO ng Korte Suprema, Sir?

ESCUDERO: Pinaliwanag ko kahapon 'yan, Tonying. Una sa lahat nalulunkto akong kailangan pa namin pagbotohan 'yan dahil pano kung gayahin kami ng iba-ibang sanggunian sa buong bansa na magbobotohan sila kung susundin o hindi ang utos ng Korte depende kung ayon sila o hindi. Hindi din ako sang-ayon, Tonying, sa naging TRO ng Korte, pero dapat ipaglaban namin na tama kami, sa Korte Suprema. At hindi makipagpatigasan kami ng mukha sa impeachment court at makikipagtitigan sa mga taga-Korte Suprema.

TABERNA: Ano po ba sana ang nangyari, Senator, kung binawela po ninyo ang TRO o mas pinasya ng mga nakararami na suwayin ang TRO?

ESCUDERO: Well, gaya nga ng sabi ko, magsisilbing masamang ehemplo ito. Pangalawa, baka magresulta ito, in the worst case, sa anarkiya, Tonying, kung saan baka sasabihin ng ibang institusyon o kumpanya at tao, kung ang Senado pwedeng gawin, edi kami pwede na rin kapag hindi kami sang-ayon, pag sa tingin namin mali, pag sa tingin namin masama 'yung desisyon e hindi kami susunod. Ayoko pong gamiting ehemplo po iyon.

TABERNA: Pero ang katanungan po eh paano n'yo po tinatanggap ang obserbasyon na 'yung sampung senators na bumoto para po suwayin ang Korte Suprema e sila po 'yung hindi humadlang sa katotohanan at parang nagiging baliktad po ang nagiging imahe noong labing-tatlo?

ESCUDERO: Well pinapaliwanag ko po 'yan, Tonying, sa paghahanap namin ng katotohanan, hindi kami binibigyan ng lisensya na lumabag sa batas sa paghahanap ng katotohanan. At ginawa na po namin 'yan noon, Tonying. Nauna pa kami nga dyan kumpara sa ibang mga kasamahan namin sa Senado. Tiniyak naming wala kami ding lalabagin na batas dahil kung 'yan din ang gagawin namin, anong pinagkaiba namin sa kanila? Sa iba, Tonying na walang pakundangan kung lumabag sa batas, alang-alang sa pera, sa pagnanakaw, sa pwesto o sa kapangyarihan? I think we should be able to put a good example and set the moral high ground in so far as searching for the truth is concerned. Hindi maaaring maging katulad nila kami. Ika nga Tonying, the end does not justify the means. Kahit gaano kaganda ang intensyon mo, kung sa pagkamit mo naman ng iyong layunin e marami kang tatapakan, sasagasaan at sisirain e hindi naman siguro tama ho 'yun.

TABERNA: Oo nga pala po, Senator. Ayon po sa bank manager ng PS Bank na si Mrs. Tiongson eh peke po 'yung dokumento na ipinakita ng prosekusyon. Ano pong reaksyon n'yo po dun? ESCUDERO: Tinitiyak namin 'yun, Tonying. Parang napakagaan kasi sa kanyang sabihin 'yun. Sabi ko nga ikumpara mo na muna sa original dahil tiningnan lang n'ya eh. Tingnan mo kung may original o wala. Kung wala, dalawang bagay 'yan Tonying, una, tiyak ko may papataw na censure, reprimand o contempt ang Senado sa pagbibigay ng prosekusyon ng maling kwento o ng pekeng dokumento. Pangalawa, kung tama naman 'yun Tonying, maliwanag na merong nalabag sa Bank Secrecy Law na ang pinapataw ng parusa ay limang taong pagkakakulong, pinakamataas. So eitherway Tonying, merong mali dito sa nagawa o naganap.

TABERNA: Ang sabi po ng office ng sergeant at arms ng Senador e wala pong little lady na lumapit kay Cong. Umali nung pong araw na binabanggit po n'ya. Ang tingin po ba n'ya dito ay naglulubid ng kasinungalingan ang prosekusyon?

ESCUDERO: Alam mo, bagaman hindi po sila under oath, may obligasyon po sila sa amin na magsabi ng totoo. Ika nga, candidness, truthfulness and fairness. Dagdag pa siguro 'yun, rektang o tahasang pagsisinungaling kung saka-sakali na mapapatunayan ngang hindi totoo 'yun. Maari rin silang patawan ng disciplinary action ng presiding officer. Alam mo Tonying minsan, may mga nakakatawang parte ng impeachment. Minsan tumatawa din kami mismo subalit 'wag sanang isipin ninuman lalung-lalo na ng panig ng prosekusyon at depensa o sinumang testigo na ito'y larong-bata lamang at walang mga seryosong consequence, kung hindi po nila seseryosohin o lalaru-laruin lamang, at hindi magsasabi ng totoo sa loob ng impeachment court.

TABERNA: Paano po makakaapekto doon sa kampo ng prosekusyon kung mapapatunayan nga na peke, hindi po faithful reproduction ng mga bank documents ito pong ipinresenta po ng prosekusyon.

ESCUDERO: Eitherway Tonying, hindi po makakaapekto 'yan pag hindi naman ebidensya mismo yung mga dokumentong 'yun. Ginamit lamang na basehan sa pag-request nila na ma-issuehan sila ng subpoena. Pero 'yung mga dokumentong 'yun mismo e hindi naman pinipresentang ebidensya pa ng prosekusyon. So 'yung teorya ng prinsipyo ng fruit of the poisonous tree, ika nga, dahil ilegal 'yung pagkakakuha ng dokumento, e ni hindi mag-aapply dahil hindi naman inaalok itong dokumentong ito bilang ebidensya kung hindi bilang basehan lamang ng pag-request ng pag-issue ng subpoena.

TABERNA: 'Yan po ay sa istriktong usapan. Pero sa paningin po ng publiko na nakakabasa ng mga balita ay ang mga dokumentong ito na minamarkahan pa lamang, hindi pa inooffer bilang ebidensya, ay meron na po silang nabuong desisyon. Papano po 'yun?

ESCUDERO: Well Tonying, actually to be fair, hindi pa minamarkahan. Wala pang, hindi pa ito exhibit ng prosekusyon. Ni wala pang marking 'yan. Dahil nga nauna nang naging issue kung pwede bang buksan o bulatlatin ang dollar acocunt o hindi. At ang naging desisyon nga ng Korte Suprema at Senado ay sa ngayon, hindi.

TABERNA: Maiba ho pala ako bago ko lang kayo bitawan. Kayo ho ba ay natawagan o nakausap ni Executive Sec. Jojo Ochoa?

ESCUDERO: Well binanggit ko 'yan Tonying, kahapon pa lamang na nagkita kami dalawang beses itong linggong ito, na hindi naman kakaiba. Nung nakaraang linggo pala Tonying. At hindi naman kakaiba dahil hindi naman kaila sa inyo at sa publiko na magkaibigan kami ni Jojo.

TABERNA: Galit po ba kayo sa kampo at mga abogado ni Chief Justice Corona dahil po sa alegasyon ginagapang po ng Palasyo ang mga senador?

ESCUDERO: Hindi ako isa Tonying sa mga nagreklamo kahapon. Ika nga sa kwentong bato-bato sa langit, hindi ko naman pakiramdam na ako'y tinamaan. Pero bilang miyembro ng Senado, marapat na i-reprimand o i-censure 'yung mga abogado ni Chief Justice Corona. Dapat bigyan sila ng tinatawag nating stern warning na wala namang ganyanan. Dahil tama si Sen. Cayetano kahapon. Alam n'yo dahil sa ginawa ng mga abogado ni CJ Corona e isa-isa pa tuloy kami kailangan magpaliwanag at alisin ang duda ng marami sa ating mga kababayan na nagkaroon ng ganyan. 'yung boto namin kahapon Tonying, walang kinalaman sa ginawa ng defense panel nung Linggo. Sa katunayan kung mas malalaman o susuriin lamang nila, siguro mas marami pang boto ang nakuha nila, nakuha nung panig na sundin 'yung TRO, kung hindi nila ginawa 'yung ginawa nila noong Linggo.

TABERNA: Okay. Pipilitin n'yo po bang ipaharap sa impeachment court 'yung sinasabing source ng mga abogado ni Corona dun po sa di umano'y panggagapang na ito?

ESCUDERO: Again, hindi naman ako, I don't feel alluded to Tonying, at saka sakin tapos na dapat 'yun matapos ang reprimand. Hindi na mahalaga sakin kung sino't ano ang source nila dahil baka mamaya Tonying, malihis pa lalo 'yung trial namin sa mga ganyang bagay. Mas importante tapusin on the merits 'yung trial at para naman hindi na kami masyadong mabagabag at maapektuhan pa sa aming legislative work sa Senado.

TABERNA: Dalawang tanong na lang po. Pareho po ninyo pagpapaliwanagin ang prosekusyon at depensa sa magkaibang issue. Kung hindi po kayo maging kuntento sa paliwanag, ipapakulong n'yo po ba 'yung mga abogado na ito?

ESCUDERO: Personally Tonying, hindi ako pabor na magpakulong kaninuman. Siguro tama nang paalalahanan sila eitehr with a stern warning, reprimand or censure. Pero hindi na siguro dapat umabot sa pagpapakulong ng sinumang abogado. Kung may paglabag mang ginawa ang prosekusyon panel at sinuman sa secrecy of bank deposits, trabaho ng Department of Justice, in the spirit of fairness na imbestigahan at sampahan ng kaso ang sinuman. Kabilang na Tonying ang BSP, kaugnay ang trabaho nilang pangalagaan at ipatupad ang ating banking laws.

TABERNA: Huling tanong ko po sa inyo, ano pong mensahe ninyo sa ating taumbayan lalung-lalo na po sa mga nag-iisip na hindi po patas ang ilan pong senator-judges?

ESCUDERO: Well, karamihan sa mga kasamahan ko nagtatanong hindi dahil sa bias kundi dahil nafu-frustrate sila sa uri at klase ng pagtatanong at objection ng magkabilang panig. Humahaba tuloy 'yung proseso at hindi lumalabas yug mga simpleng katanungan at kasagutan. Hindi namin ginusto ang impeachment na ito Tonying, at siguro ito'y finile sa amin at sang-ayon sa Konstitusyon trabaho namin na gampanan at litisin ito, desisyunan at tapusin. Pag-intindi ang aking hinihiling. Hindi lamang sa ngalan ng aking kasamahan, kundi sa ngalan ng institusyon na aking kinabibilangan, ang Senado.

TABERNA: Sen. Chiz Escudero, maraming salamat po sa inyo at isang umagang kay ganda. Happy Valentine's Day din po sa inyo.

ESCUDERO: Ganun din at sa inyong lahat, Happy Vday po. Thank you. Good morning.

News Latest News Feed