Press Release
January 25, 2012

Transcript of Radio Interview of Senate President Enrile
with Kabayan Noli De Castro DZMM Teleradyo

Radio Interview with Kabayan Noli De Castro DZMM Teleradyo

On the Impeachment

Q Ano ho ang dahilan kung bakit maagang na-adjourn yung hearing?

SP Dahil una, may objection yung depensa na magprisinta yung prosecutor ng ebidensiya tungkol dun sa Article 2 na nagsasabi na merong mga hindi sinama ang Chief Justice sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth na kanyang mga kayamanan o ari-arian. Pangalawa, yun ding allegation nung Article 2 ng Articles of Impeachment na nagsasabi na siya ay nagsamsam ng mga iligal na mga ari-arian. Na yun nga, ang Article 2 ang sinasabi lang yung unang panig nung Articles of Impeachment nung inilista nila yung grounds kung bakit dapat i-impeach yung Chief Justice ay ang dahilan nila sa Article 2 ay hindi niya dinisclose o sinabi sa publiko yung kanyang ari-arian sa ilalim ng Statements of Assets and Liabilities report. Ngayon, pinag-uusapan namin yun nung pumasok si Senator Miriam at sinabing dapat ang bigat ng ebidensiya na kailangan ay overwhelming evidence. Hindi natapos yun. Pagkatapos, hiningi ni Cong. Niel Tupas na maging flexible o hindi maging mahigpit ang paglilitis. Ang sinabi ko, gaano ba ka-flexible ang gusto ninyo, o kagaan ang gusto mong mangyari. Tinanong ko kung anong mga reglamento na dapat pag-aamin, pagiging flexible. Hindi naman niya masagot, hindi naman niya masabi. Kako, ako ay handing pagbigyan kayo para lamang makita ninyo na hindi namin hinahadlangan yung pagka-prisinta ninyo ng ebidensiya. Tinutulungan ko na nga sila. Hindi naman nila masabi, kaya ang pinagkayarian namin, dapat bigyan namin ng pasya, pasyahan namin ang isyu na ito, dahil nung kamakalawa, nung last day ng hearing, hindi ko na matandaan kung anong araw yun, sinabi ko sa kanila na wag na nating pagtatalunan ito. Submit kayo ng mga memorandum ninyo na magpapatibay nung argument ninyo, pag-aaralan namin at pagpapasyahan namin.

Kahapon, nagfile na yung depensa ng memorandum nila, wala namang memorandum yung prosecution. Kaya binigyan ko sila ng taning hanggang alas-diyes ng umaga na iprisinta yun at pagpapasyahan namin. Kung ang desisyon ng Senado--hindi ko desisyon yun--ay payagan, papayagan. Kung ang desisyon ng Senado ay hindi papayagan, hindi sila pwedeng magsubmit o magsusumite ng ebidensiya tungkol dun sa ill-gotten wealth. Ill-gotten wealth, yun lang. Ako naman, despues I am prepared na kung yun lang na hindi sinama yung mga ari-arian, baka i-correct.

Q Ang kinakatwiran ng prosecution, kaya daw hindi sila nagsumite ng memorandum na hinihingi po ng Korte, ay dahil wala naman kayong binigay na deadline po.

SP Alam mo, hindi naman sila bibigyan ng deadline, na kailangan biglaang deadline. Hindi reasonable. Kung yun mismong depensa, alam nila na kailangan yun, the urgency of the issue, hindi ko dinidiktahan, I am giving them the discretion kung kailan. Pero ilang araw na ang nakalipas, hindi sila gumawa. Ganun din ang nangyari dyan sa preparation nila, hindi ba kaagad-agad, pagkatapos nung natanggap namin yung Articles of Impeachment, sinabi ko na kahit may Pasko, mag-issue na tayo ng summons sa Chief Justice at bigyan natin sila ng sampung araw magfile ng kanilang answer, at five days naman yung kabila na magfile ng kanilang reply. Yung panig ng depensa, hindi ko sinasabi ito dahil gusto ko ipaliwanag na magaling sila, o pinapanigan sila, o pinapaburan sila. Tumupad sila kaagad-agad. Bago Christmas day, finile nila yung kanilang answer. Finile din ng prosecution yung reply nila. Ngayon, between nung ginawa nila, isinampa nila yung Articles of Impeachment, hanggang dun sa reply nila, Mahabang panahon yun na i-prepare nila yung ebidensiya. Kailangan, bago ka gumawa ng complaint, ng paratang, o information kung fiscal ang magpaparatang, nandiyan na ang mga ebidensiya na pinagbabatayan mo dun sa mga sasabihin mo dun sa complaint mo. Hindi pwedeng imbentuhin lang yung complaint o yung Articles of Impeachment na walang ebidensiya, katibayan, mga batayan nung sinasabi mo, dun sa mga isinulat mo na mga paratang dun sa tao na nasasakdal.

Q Ano po ang inyong reaksiyon dun sa sinasabi ng prosecution na ito raw naman ay hindi criminal kundi administrative case lamang at hindi dapat mahigpit.

SP Ang gusto nila, disciplinary action. Kung disciplinary action ito, paano mo madidisiplina yung kataas-taasang hukom? Pangulo ng third branch ng gobyerno? Sino ka? Ibig sabihin niyan, itong mga bata na ito ay kulang sa pag-aaral. Kung pinag-aralan nila kung anong klaseng kaso ito, makikita nila yun amin ding nakita. Maliwanag yun sa Rules of Court. Rule 1 lang, Rule 1. Kung hindi rin lang binasa yun, sinabi ko basahin ninyo ang Rule 1, ano ba ang sinasabi ng Rule 1 ng Rules of Court? Ang mga kaso lang ay civil case, criminal case, at special proceedings. Yung civil case, dalawa yan. Dalawang klase yan. Ordinary civil case o special civil action. May mga reglamento yan sa Rules of Court. Pero yung rules of evidence, applicable sa lahat yan. Ngayon, kung pag-aaralan mo yung impeachment, mas malapit sa criminal case kesa sa civil case sapagkat kaya nga sila tinatawag na prosecutor, para silang fiscal. Ano ibig-sabihin nun? At kino-convict yung nasasakdal at ang parusa ay tanggalin sa trabaho at disqualified na hahawak ng anumang posisyon, maski na isang janitor lang sa gobyerno, pag siya ay naconvict. Sa mga desisyon sa ibang bansa, lalo na sa state level, sa America, sinasabi rin na ang impeachment trial is in the nature of a criminal case. Kung hindi sila nag-aral, hindi ko kasalanan yun.

Q Ang ating mga kababayan dito ay pinagpaparating po ng kanilang mensahe sa inyo na sana daw po ay pangalagaan ninyo ang inyong kalusugan lalo't lalo na mahalaga kayong nandiyan.

SP Okay lang yan, ang aking blood pressure ay 110/60. Hindi ko problema yan, sanay ako sa pressure kaya lang kung minsan nagiging seryoso ako sapagkat hindi naman pwedeng tawanan dun. Alam mo, isipin natin na ang nasasalang sa harapan ng hukuman na yan ay isang dapat tingalain na ginoo, simbulo ng hustisya sa ating bansa. Kung babastusin natin yan, binabastos natin ang sarili natin, sapagkat anong klaseng hustisya ang nananatili sa ating bansa? Kung yung wish nung simbulo natin na hustisya ang kataas-taasang hukuman ng Pilipinas, ay di maaring babastusin, pag ginawa mo yan sa ibang bansa, talagang baka susugurin ka.

News Latest News Feed