Press Release
October 18, 2011

Opening Statement of Senator TG Guingona on Poll Fraud Probe

Magandang umaga sa inyong lahat.

Technically, ito ang unang araw ng ating imbestigasyon sa bintang na nagkaroon ng malawak na dayaan sa eleksiyon sa pagka-pangulo ng bansa nuong taong 2004.

Ito ay resulta ng pagbubunyag ng isang naging pasahero ng second-hand helicopters ng PNP sa katauhan ng dating Shari'a court judge Nagamura Moner.

At sa araw na ito, kahit na malayo pa ang araw ng todos los santos, parang gusto ko nang sabihin na kailangang maniwala tayo sa mga "ghosts" o "multo".

Ang tinutukoy ko, ang "ghosts of the past" o "ang mga multo ng nakalipas".

Totoo pala: ang isang pagkakamali ay laging nagbubunga ng mga multo. Laging babalik ang mga ito mula sa libingan. Hindi matatahimik kahit kalian.

Ito po ang goal o layunin ng imbestigasyon ng ating Blue Ribbon Committee sa akusasyon ng dayaan sa 2004 elections.

Una, tukuyin ang mga pamamaraang ginamit sa sinasabing dayaan.

Pangalawa, kilalanin ang mga taong may pananagutan sa dayaang iyon.

Pangatlo, tingnan kung kailangang gumawa ng dagdag na batas o kung dapat ayusin ang mga umiiral nang batas para hindi na mangyari ang ganuong dayaan.

Layunin din nating papanagutin ang mga taong sangkot sa panloloko sa bayan.

At sana, pagkatapos nating gawin ang lahat ng ito, tuluyan na nating mailibing ang mga multo ng 2004 elections.

Makipagtulungan po tayong lahat sa imbestigasyong ito.

Ilabas natin ang katotohanan. Huwag nating takpan. Huwag nating pigilan.

Kung hindi tayo magtatagumpay dito, siguradong patuloy tayong mumultuhin ng dayaan sa 2004 elections sa darating pang mga panahon.

News Latest News Feed