Press Release
April 6, 2011

VILLAR, 'TO THE RESCUE' SA MGA INABUSONG OFW SA DUBAI
15 OFW, pinauwi sa bansa

Muling makakapiling ng 15 Overseas Filipino Workers ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay sa Pilipinas matapos dumanas ng pang-aabuso at pagdurusa sa bansang Dubai.

Ito ay dahil sa tulong at pagpupunyagi ni Nacionalista President at Villar Foundation Founding Chairman Sen. Manny Villar sa pamamagitan ng Sagip OFW program, isa sa mga flagship program ng Villar Foundation.

Kabilang sa 15 OFWs na lumapag kahapon (Miyerkules) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) lulan ng Emirates Airlines flight EK-332 ay sina: Marivic Pepaña na ayaw pakawalan ng kanyang amo kahit tapos na ang kanyang kontrata; Jackielyn Diones, nakaranas ng pagmamaltrato at hindi binigyan ng kanyang amo ng dalawang buwang sweldo; at si Norilyn Concepcion na nakaranas din ng pagmamaltrato mula sa kanyang amo.

Ang mga ito ay kabilang sa maraming Pilipino na kinakanlong ng Filipino Workers Resource Center (FWRC) sa Dubai na binisita ni Villar kamakailan. Personal na inalam ni Villar ang hinaing at mga pangangailangan ng naturang mga OFW nang siya ay makipagdayalogo sa mga ito kasama ang mga opisyal ng konsulado ng Pilipinas sa Dubai.

Naantig ang damdamin ni Villar matapos mapag-alaman ang mga pagmamaltrato at pagmamalupit na dinanas ng mga OFW sa kamay ng kanilang mga amo. Ang iba sa kanila ay biktima ng pang-aabuso at marami sa mga ito ang hindi nakatanggap ng sweldo.

"Nakakaawa ang kalagayan ng marami nating kababayan sa iba't-ibang panig ng mundo. Di natin matiis na di sila damayan at tulungan sa kanilang dinaranas. Kaya ang ilan sa kanila ay minarapat nating i-uwi sa Pilipinas para makapiling nilang muli ang kanilang pamilya at mga mahal sa buhay at makapag-umpisang muli," ani Villar.

Personal na sinalubong ni Villar ang 15 OFW sa NAIA kasama ng mga kamag-anak at kapamilya ng mga ito. Kaugnay nito, nagpasalamat si Villar sa tulong ng mga opisyal ng OWWA at ng Philippine Consulate sa Dubai.

Iginiit ni Villar na hindi siya titigil sa pagtulong sa mga OFW sa abot ng kanyang makakaya. Aniya, ang mga OFW na tinaguriang mga bagong bayani ng Pilipinas ay hindi dapat iwanan at pabayaan lalo na sa panahon ng pangangailangan.

Maliban sa 15 na dumating kahapon, may lima pang OFW na pauuwiin si Villar sa susunod na mga araw matapos ayusin ang pag-proseso sa papeles ng mga ito pabalik sa Pilipinas.

Nakagawian na ni Villar na magpa-uwi ng mga OFW-in-distress sa tuwing bumibisita ito sa mga bansa sa Gitnang Silangan.

News Latest News Feed