Press Release
September 29, 2009

"ERAP HINDI AATRAS SA PAGTAKBO SA HALALAN- ENRILE"

Naninindigan ang Chairman Emeritus ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP) at Senate President Juan Ponce Enrile na hindi aatras sa pagtakbo bilang pangulo para sa 2010 election si dating Pangulong Joseph Ejercito Estrada.

Ang pahayag ni Enrile ay bilang tugon sa naganap na pagpupulong nitong nakaraang linggo ng gabi ni Sen. Benigno "Noynoy" Aquino III at dating pangulong Estrada, na kung saan ay inabot ng tatlong oras ang pag-uusap na dinaluhan rin ni Senate Pro-tempore Jinggoy Estrada at mga kapatid ni Noynoy.

Ayon kay Sen. Enrile, 99.99% ng tatakbo si Erap sa nalalapit na halalan at naniniwala ito na hindi mababago ng ginagawang pag-uusap nila ni Sen. Aquino ang nais ng mga supporters ng dating pangulo na muling maluklok ito sa palasyo ng Malakanyang.

"He already stated in Pangasinan that he 99.99% running in election" ani Enrile.

Sinabi rin ng pinuno ng senado na hindi ang kampo ni Erap ang nagpatawag ng pulong kundi ang kampo ni Sen. Aquino.

"I don't think it was arranged by the Erap camp" pahayag ni Enrile.

Hindi rin maintindihan ni Enrile kung ano ang kahihinatnan ng nasabing pagpupulong kung sakaling magkaayos ang dalawa, dahil sa hindi naman magwi- withdraw si Erap sa pagtakbo sa nalalapit na halalan.

"Magkaayos sila sino ang magwi-withdraw? I don't think Erap will withdraw, dahil kami sa partido niya hindi niya sinabihan kung siya ay magwi-withdraw, I don't think he will withdraw, Iam a chairman emeritus of the party" wika pa ni Enrile.

Hindi naman itinanggi ng senador ang pagkakaalam nito sa nasabing pagpupulong ni Noynoy at Erap, subalit naniniwala ito na malabo ng magkaroon ng common candidate ang oposisyon, dahil sa desisdido na ang dating pangulo sa muling pagtakbo sa 2010 election para sa pangpanguluhan.

Magugunita na sinabi ni Sen. Aquino sa mga mamamahayag na naging maayos ang pagpupulong nila ni dating pangulong Estrada, para sa pagkakaisa ng hanay ng oposisyon, subalit hindi naman napiga ang senador ng mga mamamahayag kung sino sa kanila ni Era pang magbibigay daan para sa nalalapit na halalan.

News Latest News Feed