Press Release
September 2, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' interview with Arnold Clavio of Unang Hirit

MAR: Igan, sa totoo lang hindi naman madali 'yung ginawa ko. Ito ang pinakamahirap na desisyon na ginawa ko sa buhay ko. Pero masasabi ko na tahimik naman ang kalooban ko. Dahil sa aking pagtitimbang, ito naman talaga ang dapat na gawin. Hindi ako papayag na ako pa ang magiging hadlang para tuluyang matunaw sa sambayanan 'yung Cory magic, EDSA...alam ko naman na nasa puso ng mga kababayan natin ang pagbabago, ang reporma para sa bansa natin.

Q: Kelan nagsimula na naisip mo na magbibigay daan ka na kay Sen. Noynoy?

MAR: Nagkaroon kami ng masinsinang pag-uusap, ilang beses kaming nag-usap. Nakita ko, nadama ko naman kay Noynoy, na talagang gusto niya na magpatuloy ng legacy ng kanyang magulang. Hindi naman ako sakim o matakaw sa puwesto. Nung kami ay nag-usap, kami lang, wala 'yung mga intermediary. Mahaba naman ang aming pagkakaibigan. Ang mga magulang namin magkakasama naman bago mag-Martial Law, magkasama silang lumaban kay Marcos. Mahaba na ang history namin so wala na 'yung bolahan, wala na 'yung fake moves...usap-usap, masinsinan talaga.

Q: Pumutok na ang Noynoy for President. Nakikita kayong magkasama. Kelan ba nagkaroon ng tensyon sa pagitan niyong dalawa?

MAR: Wala. Wala talagang tensyon. Dahil mahaba na ang history namin ni Noynoy at ng mga pamilya namin. Hindi ito dumaan sa pangkaraniwaan na may horse-trading muna, hindi. Ang tiwala ko kay Noynoy, gusto lang niya ang kapakanan ng bansa. Ganun din ang pagtingin ko kaya mabilis kaming nag-bottom line talaga. Ano ba ang gusto natin para sa bansa? Isinantabi namin ang personal na sitwasyon...mahirap din ito para kay Noy, 'yung maging taga-pasan ng legacy ng magulang niya.

Q: 'Yung desisyon mo, walang kapalit?

MAR: Wala. Hindi dumaan sa ganun. Sa pagitan namin ni Noy, hindi naman ka-cheap-an ang usapan namin. Pumasok ako sa public service para magsilbi. In the talks between Noy and I, walang horse-trading or anything. Pag-isipan mo, kung desidido ka na, kung anuman ang gusto mo, mag-usap tayo uli. Pero ang pinakamahalaga dito, ang mangingibabaw, ang magiging matimbang, ang kapakanan ng bansa. 'Yung maisulong natin 'yung...alam ko naman ang nadarama ng mga kababayan natin: reporma, pagbabago, pagtutuwid ng mga buhay dito sa atin. Iyan ang nangingibabaw na interest dito. Gusto kong makatulong, gusto kong bigyan ang lahat ng pagkakataon na mapukaw ito at magising ito sa bansa natin.

Q: 'Yung huling pag-uusap ninyo, ano ang nakita mo kay Sen. Noynoy o ano ang binanggit niya sa iyo na naisip mo, 'Ah, kailangan ko na mag-give way'...

MAR: Nakita ko kay Noy sa kanyang pagkukuwento niya sa akin, 'yung feeling niya na itutuloy niya ang laban ng magulang niya. Kapag dumating na dun ang usapan, hindi na 'yun kinukwenta eh, hindi na iyong ilan ang governor mo, ilan ang mayor mo...hindi na. At dun talaga, pati ako...nagsimula ang patatrabaho sa public service kay Tita Cory. Nakatira kami sa Amerika, naka-exile kasi kami nun. Nung lalaban si Tita Cory, nag-leave ako dun para tumulong sa kanyang kampanya. Ganun din siguro ang feeling ng napakaraming kababayan natin, yung mga kabataan pa noon...feeling siguro nila ganun uli ang kailangan kong gawin...na magsama-sama ang taumbayan, magtutulong-tulong, nasa kamay natin ang kinabukasan natin. Huwag natin papayagan na 'yung mga puwersa ng kadiliman ang mangibabaw dito.

Q: Nakita ko sa presscon na nag-iyakan ang mga staff mo. Nung nagsosolo ka na ba sa kuwarto, naiyak ka din ba? Nangangalahati ka na ng kampanya, umikot ka na, nagsakripisyo na ang isa mong mahal sa buhay...

MAR: Of course, hindi madali ito. Kaming dalawa ni Ate Korina, nag-uusap kami bilang, hindi lang magkasintahan kundi bilang mag-asawa na din in a few weeks...Siyempre masakit din iyan. Pero katulad ng sinabi ni Ate Korina sa akin, 'you do what is right, you do what is in your heart. Kung ano ang nasa puso mo.' At para sa akin, 'yun ang nangibabaw.

Q: Magaan ba ang kalooban mo?

MAR: Oo. Tahimik ang kalooban ko. I am very, very at peace. Mahaharap ko ang mga ninuno ko, mahaharap ko ang taumbayan, mahaharap ko ang lahat ng nagtiwala sa akin, na ito ang ginawa ko para sa bansa. Hindi nangibabaw ang interest ni Mar Roxas. At siguro, 'yan din ang nakita niyo sa akin kaya nagtiwala kayo...

Gagamitin ko ang pagkakataon na ito para magpasalamat sa tiwalang ipinagkaloob niyo sa akin. Hindi po ito masasayang. Ang ipinagkaloob niyo po sa akin, hindi lamang po iyan para kay Mar Roxas. Para din yan sa idea na tayong mga Pilipino, nasa kamay natin ang kinabukasan natin. Tayong mga Pilipino, kung magsama-sama tayo, kung magtutulong-tulong tayo, tulungan natin ang puwersa ng reporma, tulungan natin ang pagbabago sa ating bansa, mababago din natin ang kinabukasan natin.

Q: Paano ito tinanggap ni Mommy Judy (Araneta)?

MAR: Sinabi lang niya, 'I am proud of you.' Hindi mo matatanggal 'yung emotion: may lungkot, of course may disappointment, tao lang ako. Pero 'yung pinakamabigat, nung bumaba ako sa stage, nadaan ko siya at ang sabi niya "I am proud of you.'

Q: Si Ate Korina?

MAR: Ganun din. Yung sa kanya naman, 'I love you no matter what.'

Q: Tuloy ang kasal?

MAR: Siyempre naman. Ang politika, politika. Iba ang puso.

Q: Papayag ka ba na...tutal nagbigay daan ka na kay Noynoy, sabi mo hindi mo siya iiwan...papayag ka ba sa Noynoy-Mar? Ikaw ba ang runningmate niya sa 2010 election?

MAR: Hindi kasama sa usapan yan. Walang trading, walang commitment. Sinabi ko nga kay Noy, 'wag nating bahiran itong pag-uusap natin ng horse-trading, ng ka-cheap-an. Ang pangit eh. Pumasok tayo dito sa public service, ang isipin natin, ano ba ang pinakamabuti para sa ating bansa? Ngayon, kung tahimik na ang kalooban mo at kalmante ka na din, kung anuman ang desisyon mo, mabuti na mag-usap tayo uli.

Q: Hindi pa desidido si Noynoy nung nagbigay-daan ka. Ngayon nag-deklara ka na. Nag-iisip pa siya. Tapos napag-isipan niya na mabigat ito at nag-desisyon siya na hindi tumuloy. Ano na ang mangyayari?

MAR: Hintayin na lang natin ang kanyang presscon. Iyan ang pinakamabuti. Mabigat din ang kalagayan ni Sen. Noynoy kasi nagdadalamhati pa sila. Hindi pa sila nagbababang-luksa. Lahat ng ito'y nasa tamang panahon.

Q: Reelectionist ka din di ba? Kino-consider mo din ba ito? O after ng kasal, personal na buhay na muna?

MAR: Well, ang aming ligawan, ang aming pagmamahalan ni Korina, nasa public service na ako nun. Alam niya kung ano ang buhay ko at alam ko kung ano ang buhay at propesyon niya. So, walang hadlang, walang dahilan kung bakit hindi ko iko-konsidera iyong pagiging vice president o iyong reelection kung...maraming test...walang dahilan kung bakit hindi ko ito titingnan. Bukas ako diyan. Pero hindi akin ang desisyon. Kasi kusang-loob, buong puso kong sinabi kay Noy na 'Ikaw ang magiging torchbearer ng forces of reform, pagbabago. Kung ano ang diskarte mom, buo din ang aking suporta.'

Q: Walang pressure sa iyo? Sarili mong isip ito? Walang naging kaibigan sa Liberal na medyo nag-isip para kay Noynoy na nasaktan ka?

MAR: Wala, sa sarili ko ito. Atsaka tulad ng nasabi ko, magkaibigan kami eh. Mag-seatmate kami sa Senado. Ang aming mga ate, mag-classmate sila. Lumaki kami magkakilala ang ama namin so magkakilala din kami. Magkasabay kami sa mga martsa, anti-Marcos, Cory-Cory...so there was no reason para hindi kami magtapatan kaagad. Kaya mabilis na mabilis ang aming pag-uusap. At ang nangibabaw talaga, ang naging importante dito, ang naging matimbang dito, ang bansa. Masasabi ko, sinsero, na isinantabi 'yung personal..ano ba ang pinakamabuti para sa atin?

Q: Ano ba ang isinulat mo nung Linggo dun sa 'Tatakbo ka ba?' run natin?

MAR: Para sa bansa.

Q: Nung sinusulat mo ba 'yun, nagdesisyon ka na nun?

MAR: Nasa kalagitnaan na ng pag-uusap 'yun. Siguro sub-conscious nandun na din iyon. Automatic lumabas, nasa puso eh. Para lahat naman ng ito ay para sa bansa kaya iyon ang sinulat ko dun. Yun na ang thread na nasa feeling ko, nasa kalooban ko.

Q: Ano ang maaasahan namin ngayon kay Mar Roxas?

MAR: Unang-una kagabi, pagkatapos kong ma-meet iyong mga supporters, nag-meeting pa kami uli nila Sen. Noynoy...paano ang pagtutulong. Sinsero, kusang loob: Gusto kong manalo si Sen. Noynoy. Gusto kong manalo ang puwersa para sa pagbabago, sa reporma. 'Yun ang mahalaga dito. Hindi lang ito politika, hindi lang parang basketbol. May pagkakataon tayo para mapukaw itong feeling talaga na magkaroon ng pagbabago. Kusang loob talaga ito. Nandun ako, hanggang mga 1 or 2 0'clock kami na nag-uusap. Paano, ano schedule, sino mga tao mo...

Sa totoo lang, hindi naman siya naka-set up para rito. Biglaan din. Kung anuman ang maitutulong ko, nandiyan ako para sa kanya.

Q: Nagmula ito kay Sen. Jovy Salonga, nag-umpisa ito nung in-anawns niya na ikaw ang standard-bearer ng Liberal. Tapos nung sinabi niya na ang labanan sa 2010 ay Roxas vs Villar. Tapos kagabi, ang higpit ng yakap ninyong dalawa. Nakita ko na nag-uusap kayo. Ano pinayo niya sa iyo?

MAR: Sabi ni Ka Jovy, hindi ka magkakamali basta bansa ang direksyon mo, ang compass mo. Kung ang compass mo ay bansa, hindi ka magkakamali. Iyan ang advice niya bilang ama-amahan, nagkasama sila nung tunay kong ama eh.

Q: Ano ang sinabi mo sa kanya?

MAR: 'Yun naman talaga ang matimbang, ang nangingibabaw ka Jovy.' At ang sabi niya, you can really never go wrong kung ang kapakanan ng bansa ang paiiralin mo.

Q: Pakitama ang kasaysayan. Dumating ba ang pagkakataon na ang amo mo ay nag-give way din kay dating Sen. Ninoy?

MAR: Hindi. Patapos na ang term ni Marcos. Ang expectation ng lahat, Liberal Party ang susunod. 2-Party system tayo nun, eh Nacionalista sila nun. Nung panahon na iyon, natural nun na ang bawat partido magkakaroon ng kumbensyon. Nung panahon na iyon, ang pinaka-nauuna sa kumbensyon nun, 'yung Gerry Roxas na pinuno ng Liberal Party at si Ninoy Aquino na sec-gen noon ng Liberal. So, ganun ang usapan. Eh Martial Law. Doon talaga humanga ako sa tatay ko, nakita ko siya sa kataas-taasan ng kanyang kapangyarihan. Nasa Senado siya, pangulo siya ng oposisyon...ni minsan hindi ako umuwi galing sa eskwela na walang tao sa bahay, marami palagi, punong-puno. Tapos, bigla na lang nakita ko wala na, wala ng tao, pati 'yung mga kaibigan niya hindi na nagre-return call. Pero hindi siya bumigay. Ni minsan hindi siya tumapak sa Malakanyang. Talagang pinanindigan niya ang prinsipyo. Dun talaga, more than during his good times, talagang humanga ako sa ama ko nung panahong iyon. Si Ninoy naman, alam naman ang kasaysayan niya. Biro mo 7 taon 'yun na nasa preso siya pero hindi din siya bumigay. Ganun talaga ang buhay eh. Yan ang baraha ng buhay eh.

Q: Kung dadalaw ka sa puntod ng tatay mo, masasabi mo na dapat proud siya sa iyo...

MAR: Iyan ang pinaka-matimbang sa akin. Na hindi ko nilagay sa alanganin ang pamilya. Ginawa ko ang dapat kong ginawa para sa bansa. At iyan talaga ang habilin ng aking lolo: Country above self.

Alam ng ating mga kababayan, ito na siguro ang pinakamabigat na desisyon sa buhay ko. Gusto ko malaman ninyo, ang nangibabaw talaga dito, ang naging matimbang dito, ang kapakanan ng bansa. Sinserong-sinsero, mula sa aking puso, mahal na mahal ko po ang ating bansa, mahal na mahal ko po kayo. Hindi ko po kayo pababayaan, itutuloy po natin ang laban. Ang laban para sa reporma, sa pagbabago dito sa ating bansa. Sumama po kayo, ipadama po ninyo na gustong-gusto niyo po ng pagbabago dito. Nasa ating kamay ang ating kinabukasan. Huwag nating pabayaan na ang puwersa ng kadiliman ang siyang mangibabaw dito. Hindi ko po kayo pababayaan. Lalaban po tayo!

Huwag po nating tingnan sa pamamagitan ng posisyon o ng ambisyon 'yung pagseserbisyo. Ang pinakamahalaga po dito, tuloy po ang aking pagdama, tuloy po ang aking trabaho, ito po ay trabaho para sa pagbabago para sa ating lahat.

News Latest News Feed