Press Release
May 21, 2009

TRANSCRIPT OF PRESS CONFERENCE AT SENATE LOUNGE
 SENATOR MANNY VILLAR

Q: On the Committee of the whole decision to proceed with the C-5 hearings

Villar: Kanina po ay ginanap nila ang hearing. Hindi naman ako nagugulat sa resulta. Ito ay inaasahan natin. Ito na rin naman ang inaasahan ng lahat na magiging resulta. Pagkahaba-haba nga ng prusisyon, sa simbahan rin ang tuloy. Ganoon nga ang nangyari. Kung natatandaan nga ninyo, meron nang post-dated decision, nabuko lang. Bagamat nalulungkot rin ako para sa institusyon, hindi ako nagugulat. Biro mo nga kanina, pati iyong complainant bumoto. Pati iyong unang nag-accuse sa akin, bumoto rin. Lahat ng miyembro ng Mayorya na nandoon ay nagsiboto rin. Ito na iyong sinasabi natin na wala namang hustisya tayong makukuha dito sa hearing na ito. Tapos na ang desisyon dito at iyong presensya lalong-lalo na ng mga presidentiables ay talaga namang nakakalungkot din dahil maliwanag namang conflict of interest. Hindi lamang iyong mga nag-accuse ang bumoto, pati na iyong mga presidentiables na maliwanang namang may conflict of interest din ay bumoto. Ito ay kumpirmasyon lamang nung ating sinasabi na wala akong hustisyang makukuha o makakamtan dito sa hearing na ginagawa nila. Hindi naman kasi tama halimbawa iyong complainant ay boboto. Hindi rin tama na iyong unang nag-akusa ay boboto. Hindi tama na ang mga presidentiables ay boboto. Subalit iyan po ay pilitan. At sinabi ko nga na sa hearing na ito ang ating tinututulan ay iyong ginawa na tailor-made na rules para sa akin lamang. Kaya siguro mauunawaan ng ating mga kababayan na hindi ako sumali dito. Pero ayoko rin namang isipin ng ating mga kababayan na ako ay ayaw sumagot, o ayaw magpaliwanag. Doon sa privilege speech ko ng April 20, sinagot ko na sa floor bagamat meron din akong ibang binanggit doon ang aking mga kasagutan dito. Sa isang press conference na dito rin natin ginawa sa lounge, ay sinagot ko ang mga katanungan, ang lahat ng issue. Marami po kaming dini-distribute ngayon na primer, pamphlets, sa websites bilang kasagutan sa mga issues dito. Pati nga mapa kami ay namimigay nang sa ganoon ay maunawaan ng ating mga kababayan ang katotohanan sa issue na ito. Uulitin ko na sinasagot kong lahat iyan, lahat ng dumating na issue ay iniisa-isa natin. Hindi lamang sa inyo Senate media, pati sa ibang media ay nagpapadala na rin kami ng mga primer sa ibang panig ng ating kapuluan, sa ating mga kaibigan, sa radio, sa mga interview, lahat po ng mga issue ay pinipilit nating ipaliwanag.

Kahapon ay sinamahan ko kayong mga kaibigan na mamamahayag doon sa lugar. Palagay ko naman matalino kayo at alam ninyo kung ano ang totoo sa hindi. Tinuro ko sa inyo ang dalawang proyekto na pinagsimulan ng isyung ito, iyong double entry at ipinakita ko rin sa inyo ang alignment, ang linyahan ng dalawang project. Inuulit ko na iyong isang toll project na may bayad na bagamat hindi pa natutuloy sa ngayon at iyong C-5 naman na surface road o iyong hindi elevated at walang bayad. Pinaliwanag ko rin kung bakit doon dumaan ang kalye na iyan. Nakita ninyo siguro na sa kaliwa dadaan tayo sa mga patay, hindi naman pwedeng bulabugin namin ang mga patay. Doon naman sa kabila, nakita nyo rin na napakaraming bahay na kailangang tibagin. Sabi ko nga, immoral naman na hindi mo padaanin at wasakin ang mga bahay doon para lamang ikaw ay kumita ng mas malaki sa iyong lupa. Hindi po maganda iyan.

Iyong ipinaglalaban ng Minorya dito, iyung mga rules na sa aming palagay ay hindi naman nabigyan ng sapat na pagkakataon ang miyembro ng Minority para magpaliwanag. Hindi sila binigyan ng pagkakataon na makipagdebate man lang tungkol sa ating mga rules. Talagang maliwanag na pag-alis ng hustisya dito sa ating institusyon. Kaya bagamat ako po ay nalulungkot, pero iyan po talaga ang buhay. Pinagtutulong-tulungan po tayo pero ako po ay dumidiretso sa tao. Kaya nga sabi nila bakit daw ako sa media nagsasabi, ang assumption ko kasi syempre kapag sinabi ko sa inyo, syempre naman sasabihin ninyo sa mga tao ang aking sinabi para maipaliwanag. Sa pamamagitan ng pagpapaliwanag sa inyo ay malaking bahagi ng ating mga mamamayan ang aking napapaliwanagan na rin. Kaya ako ay tumawag na muli ng press conference ngayon para muling ipaliwanag ang aking hindi partisipasyon, hindi lamang ako, iyong buong Minority ay hindi nagpa-participate sa hearing na iyan. Sabi nga ni Sen. Joker Arroyo, sa kanyang ginawang article kahapon maski naman si NInoy Aquino hindi sumama doon sa hearing tungkol sa kanya noong kitang-kita niya na merong special set of rules na ginawa para sa kanya. Sana po maunawaan ng ating mga mamamayan.

Nililiwanag ko na hindi po ako nawawalan ng galang sa Senado bilang isang institusyon. Mahal ko po ang Senado. Ito po ay pinamunuan ko. Naging pangulo po ako ng Senado. Mahal ko po ito bilang isang institusyon. Ipinaglaban ko po ang kalayaan ng institusyon noong mga panahon na nacha-challenge ang kalayaan niyan. Hindi ko po maaaring dumihan ang pangalan ng Senado. Dangan nga lamang sa aking paniniwala ang Senado naman din ay isang institusyon na tinitingnan ng ating bayan bilang sandigan ng katarungan, isang institusyon na magiging halimbawa ng katarungan sa ating bansa. Ano mang bagay na hindi susunod dito, sa aking palagay, ay hindi dapat salihan. Iyon lamang ang aking komenta sa hearing. Nalulungkot ako, marami rin naman sa mga bumoto kanina ay mga kasamahan din natin subalit naiintindihan ko na sila ay miyembro ng Mayorya. At ito nga rin ang ipinapaliwanag ng ating mga kasamahan na dito ay political ang linyahan. Ang Mayorya na nandoon ay bumoto lahat at ang Minorya naman ay wala. Kaya walang kinalaman ito kung merong fairness o wala. Nais ko pong ulit-ulitin, mahal ko po ang Senado. Ayoko po na masira ang imahe nito. Ito po ay ating pinamunuan. Dito po sa aking hindi pagdalo sa Ethics Committee, ito po ay pagpapatuloy ng pagmamahal na iyan sa Senado bilang isang institusyon na sandigan ng katarungan sa ating bansa. Iyon lamang po at ako ay nagpapasalamat sa inyong lahat. Nagpapasalamat din ako sa inyong pagdalo kahapon sa ating ocular inspection. Bagamat merong pumupuna pa rin, hindi maintindihan kung ano ang aking ipinakita, ako naman ay naniniwala sa inyong lahat. Alam ko naman na nalalaman ninyo ang totoo sa hindi. Napakalaki ng aking pagtitiwala sa inyong lahat.

Q: Sabi ni Sen. Jinggoy Estrada, bagamt bumoto siya duda daw siya na may ginawa kayong kasalanan?

 Villar: Ako ay nagpapasalamat kay Sen. Jinggoy sa kanyang pagsasabi nun. Alam ko na nahihirapan siya sa pagboto na iyan, sumusunod lamang siya sa linya ng Mayorya. Alam ko na sa kanyang puso naman ay alam niya kung ano talaga ang katotohanan dito.

Q: Tisnubibo n'yo raw ang mga media kahapon?

Villar: Palagay ko insult naman iyan sa katalinuhan ninyong lahat. Ako po ay may mataas na paggalang sa ating mga kasamahan sa media lalong-lalo na ang Senate. Normally dito pinapadala ang magagaling. Hindi ako naniniwala na kayang itsubibo ito. Meron naman ding ipinapakita na background information na pagkakataon din para i-double check iyong mga information. Kaya hindi po totoo iyan. Ako po ay naniniwala talaga na hindi kayang itsubibo ang Senate media.

Q: One of the reasons na binigay nila for voting yes is to give you an opportunity to present your side ...

 Villar: Kasi ang problema kapag sumali ka diyan samantalang alam mo na ang magiging desisyon ay kawawa ka naman. Subalit sino mang senador na nais malaman ang katotohanan at gusto akong bigyan ng pagkakataon na magpaliwanag sa kanya, ako ay libre at ako ay nahahanda umupo at ipaliwanag ito sa kanya. Gayon pa man sa taong-bayan inilalahad ko lahat ng sagot sa katanungan. Lahat ng puntos diyan ay ating sinasagot. Hindi naman ako sumasang-ayon doon.

Q: Ibig sabihin, one-on-one kayo magpapaliwanag hindi sa collective body?

Villar: Unang-una sinagot ko na iyan sa privilege speech. Kaya nga nais kong burahin sa ating isipan na hindi pa ako nagsasalita doon. Nagsalita na ako doon. Iyong iba kasi naghahanap pa ng dagdag na salita, hindi na talaga mauunawaan ang sasabihin ko. Subalit pinakamahalaga sa aking palagay na ang taong-bayan ang makaalam. Nag-uusap naman kami ng mga kasamahan ko sa Senado nang regular at ipinapaliwanag ko naman sa kanila isa-isa at sumasang-ayon din naman sila dangan nga lamang nagdidispensa dahil miyembro sila ng Mayorya. Subalit iyan naman ay available sa inyong lahat, public records po iyan at kami naman ay nahahandang i-furnish ang ating taong-bayan ng ano mang impormasyon na gusto ninyong malaman. Kaya wala akong obligasyong nakikita na ipaliwanag ito doon sa mga taong sa aking palagay ay tapos na ang desisyon. Pero sa inyo pong lahat ready po tayo, lalong-lao na sa taong-bayan.

Q: Sabi ni SP Enrile, kahit hindi kayo umattend sa Committee of the whole hindi pa rin magiging one-sided ang decision kasi may ways sila to gather information tulad ng pagpapatawag ng eksperto at mag-conduct ng kanilang sariling ocular inspection ...

Villar: Iginagalang ko ang pangulo ng Senado at kapag sinasabi kong SEnado as an institution, I do not refer to the Senate President. Ako ay dumaan din diyan, napakahirap din naman talaga ng role ng isang SP, bumabalanse ka rin sa iyong mga kasamahan.

Q: Sen. Pimentel will file a petition with the Supreme Court questioning the Committee of the whole proceedings.

Villar: Merong mga ginagawa ang Minority na tungkol sa rules, mga legal moves nila. Diyan naman bagamat ako ay kasama nila, kung ano man ang strategy ni Sen. Nene ang dapat ninyong tanungin ay si Sen. Nene. Basta ang sa akin lang, ang usapan naming ay ako ang magpapaliwanag sa C-5 at sasagot sa ano mang issue subalit doon sa rules ng komite na makakaapekto sa lahat ng senador hindi lamang ngayon kundi sa mga darating na panahon, iyan ay iniiwanan ko sa ating Minority na pinamumunuan ng ating magiting na Minority Leader na si Sen. Pimentel?

Q: Itong decision ng Committee of the whole, nakikita n'yo ba itong masamang precedent sa mga senador na kakandidato?

Villar: Sinasabi ko lang na ayaw kong manakot sa bagay na iyan subalit ito pong ginagawa ng Senado ngayon ay isang bagay na darating ang panahon, iyong ilan sa mga bumoto na iyan kapag sa kanila ginamit ito ay maiintindihan nila kung bakit mali ito, kung bakit one-sided ang rules na ito. At iyang set of rules na iyan sa palagay ko kapag sa kanila inapply ay hindi rin sila papayag na sumali.

Q: Magpapadala ba kayo ng lawyer sa preliminary inquiry?

Villar: Kami ay hindi nagpaparticipate dito, ang Minority, lawyer o staff, hindi kami nagpapadala. Subalit as I said, ang aming legal strategies ay iniiwan po natin sa ating mga lawyers. Ako lamang ay sumusunod sa kanilang rekomendasyon. Syempre nag-uusap kami sa Minority dahil sabi ko nga, mabuti rin naman na meron kaming team work sa bagay na ito bagamat nililiwanag ko na in principle, hindi namin kinikilala itong proceedings na ito.

Q: What if mag-ocular inspection ang Committee of the whole, willing po kayo na sumama?

Villar: Ang problema kasi kapag officially ang committee hindi siguro dahil hindi nga kami nagpa-participate. Pero kung iimbitahin nila ako bilang isang kaibigan na senador, sasamahan ko sila. Pero hindi as a part of the committee hearing.

Q: May sariling mapa raw na nakuha si Sen. Jamby?

Villar: Hindi ko maintindihan kung bakit napakahirap intindihin na dalawang proyekto talaga iyan at hindi pwedeng pagsamahin. Technically it is not possible dahil sa iyong isa ay elevated at iyong isa ay surface road kaya nakakalungkot at hindi maintindihan ang simpleng paliwanag.

Q: Bakit daw hindi ninyo kami idinaan sa Camella Homes?

Villar: Nasa Molino iyon, malayo iyon. Doon sa C-5 wala kaming proyekto doon, meron kaming lupa, iyong memorial park. Sabi ko nga paano mo idadaan sa memorial park, kawawa naman ang mga patay doon kaya doon na lang sa harap ng memorial park na lang idaan. Pero wala kaming Camella doon. Nakakalungkot na kung ano-ano ang pinagsasabi. Kung gusto n'yo ring mag-tripping sa Camella, marami po tayong mga ahente na available sa buong kapuluan. Baka po iba ang sinasabi nila, baka iyong Daang Hari iyon, iba iyon.

Q: In bad taste ang pagboto ni Sen. Jamby?

Villar: Talaga naman. Biro mo, ikaw ang complainant boboto ka din? Meron ba namang ang accuser, ang complainant ang magde-decide ng substance ng kanyang complaint? Ano ba iyon? Nakakatawa na rin naman. Iyan ay ebidensya ng injustice dito. Sabi ko nga, presidential elections kasi ito. Alam ko naman na pulitika lamang ito pero syempre kailangan ding gandahan ang cover para hindi halata. Subalit alam naman ng ating mga kababayan that is all about 2010 presidential elections.

Q: On Katrina-Hayden video

Villar: May karapatan ang mga kababaihan dito sa ating bansa, hindi lamang sa ating bansa, anywhere in the world. Kahit na paano naman ay hindi tama na labag sa kagustuhan ng sino man, babae man o lalaki, na mangyari sa kanya ang nangyari na iyon. Palagay ko wala namang makakapagsabi na ito ay tama. Iyon ay isang bagay na labag sa batas. Sino mang gumawa niyan ay dapat na pagbayaran ang ginawa niya.

News Latest News Feed