Press Release
April 16, 2009

STATEMENT OF SUPPORT OF SENATOR MAR ROXAS ON THE LAUNCHING OF MAKABAYANG KOALISYON NG MAMAMAYAN (MAKABAYAN)

"Mula po sa Partido Liberal, bilang pangulo ng aming partido, ipinapaabot ko po ang aming malugod na pagbati at pagsuporta sa Makabayan assembly na itinataguyod at itinatatag ngayong umagang ito.

"Ang ipinaglalaban nating lahat ay iisa: ang ating kalayaan, ang dignidad at isang bansang marangal at walang dungis ang ngalan. Ipinaglalaban natin ang isang lipunan na kung saan patas ang lahat, na ang lahat ng pananaw ay nirerespeto, na ang lahat ng tao ay kabilang sa iisang bayan.

"Iisang lupain ang pinagmulan nating lahat. Iisang araw lang ang sumisilay sa ating baybayin. Iisang hanging habagat ang yumayapos sa ating lahat. Lahat tayo ay Pilipino, isang lahing ipinagmamalaki natin sa kabila ng magkakaibang paniwala, konteksto o estado sa buhay.

"Kami sa Partido Liberal ay naniniwala sa isang makabagong demokrasya, iginagalang at pinapakinggan ang pananaw ng lahat. Lahat tayo nagmamahal at mahal ang ating Inang Bayan. Kaya para sa amin, kailangang pakinggan ang lahat ng pananaw, lahat ay dapat suriin sa patas at resonableng pamamaraan at ang lahat ay dapat pumasa sa sukatan na kung ano ang tama para sa kapakanan at naaayon sa kagustuhan ng nakararami. Sa mga dahilan pong ito, taos-puso po naming sinusuportahan ang adhikain ng Makabayan.

"Sa puntong ito--dahil nakikita ko po ang inyong mga mukha, napakaraming kilala sa audience--lilihis lang po ako sa statement ng aming partido para ipaabot ang isang palaisipan na pinagdedebatehan din po naming sa aming partido at kailangan ding masimulan ang inyong pagdedebate at pag-iisip dito.

"Itong pagtaguyod ng Makabayan grupo, ang punto po nito, tulad din po ng aming isinusulong sa Partido Liberal, ay ang pagtataguyod ng ating ating bansa tungo sa kaunlaran, tungo sa kapayapaan. Pero makakamit lamang ito kung meron tayong political power. Ang poder po sa politika ang siyang kasangkapan para maisakatuparan po natin ang ating hangad, ang ating pagnanais, ang ating pangarap para sa ating bansa. Itong political power na ito dumadaan po ito sa punto ng halalan.

"Kaya dito po sa 2010 malaking pagkakataon po ito para maitaguyod natin sa ating bansa yung ating pangarap para sa isang makabagong bansa at makabagong pamumulitika dito sa ating bansa. 'Yan po ang gusto kong itanim sa ating isip ngayong umagang ito. Habang sine-celebrate natin ang pagtaguyod nitong ating bagong grupo, Makabayan, the point of this is to obtain political power so that we can institute the reforms and the vision that we have for our country.

"Kami po sa Partido Liberal at ang inyong lingkod, si Mar Roxas, ay handa pong sumuporta, sumabay, hindi lamang sa likod ninyo kundi kasabay ninyo, para maitaguyod natin ang isang makabagong bansa para sa kapakanan nating lahat.

News Latest News Feed