Press Release
March 11, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' INTERVIEW
 WITH DZMM'S TED FAILON

On Legacy and Pre-Need hearing

Ted: Napanood niyo po ba si Mayor Delos Angeles kagabi sa balita?

MAR: Sa news? Hindi kasi nasa meeting ako, nabalitaan ko na lang. Nakakatawa na lang eh, dahil ang babaw-babaw, lumang tugtugin na po ito, bulok na itong style na ito. Ito ang style ng lahat ng wala ng isasagot kaya ililihis na lang, lilituhin ang publiko at sasabihing politika daw. Politika ba si Nanay Beth, si Nanay Mila, si Nanay Myrna? 'Yung libo-libong naging biktima? Hindi po politika 'yun. Ito po ay kawawang mga kababayan natin na naghahabol lang ng paraan para maibalik ang pera nila at managot kung sino ang dapat managot kasi nawala itong pera nila.

Ted: May binabanggit si Piccio na itong si Dir. Aquino daw ay parang gusto na ding magsabi ng katotohanan at looking forward sila sa susunod na hearing ng inyong komite. Kailan nga ba ang susunod na hearing?

MAR: Tuloy-tuloy ito, hindi po natin bibitiwan ito. Ang gusto po natin ay lahat po ng magsasalaysay, lahat ng magtetestigo ay may pinanghahawakan na dokumento. Kung napansin niyo nga po nung nakaraang hearing maganda ang takbo dahil lahat ng pinagsasabi dun, may hawak na tseke, voucher, may hawak na pruweba, hindi lang palitan ng salita. 'Yan ang dahilan kaya iniingatan natin na lahat ng magsasalita ay nagsasabi ng pawang katotohanan lamang. Dahil itong hearing, itong pagdinig na ito ay para malaman ang buong katotohanan.

Ted: Sabi po ni Atty. Malaya (lawyer of Celso delos Angeles), meron daw silang prepared statement para makasagot sa mga sinasabi ng testigo pero wala naman daw silang right to reply?

MAR: Ito po ay isang pagdinig, ang hearing ay para malaman kung ano ang sasabihin ng mga testigo. Nung pagkatapos naman po ay binigyan naman po ng pagkakataon si Celso delos Angeles para itanggi itong mga tseke na ito. Eh hindi naman niya matanggi-tanggi dahil nasa likod, may stamp na na-encash itong P30 million na ito. Ang punto po dito ay itong mga kababayan natin, kawawang-kawawa, ipinuhunan nila ang kanilang mga pawis, buhay at dugo para lamang maisiguro ang kinabukasan nila sa edukasyon, sa tahimik na pagreretiro at burol o libing na maganda naman. Lahat ito ipinagkagtiwala sa kanya. Siya mismo ang nagsabi hindi na niya makakayanan bayaran lahat ito. At ngayon nalaman natin ang dahilan kung bakit hindi na mapagbabayaran. Kasi ang pera, labas-masok dito sa mga planholders na ito, labas-pasok din sa kanyang personal. Hindi naman dapat ito. Dapat iningatan niya ang mga perang ito dahil hindi niya pera ang mga ito, pera ito ng mga planholder niya.

Ted: Next hearing kelan kaya? Meron pa yatang ibang witness na hawak sila Piccio?

MAR: Ini-schedule po natin iyan. Next week to 10 days kasi lahat po ng mga transcript ay iniipon po muna natin, iniisa-isa para may patutunguhan ang hearing. Napakarami pong nagpaparating, through text, by email, by personal appearance, gusto din nilang tumestigo. Nagpapasalamat nga tayo sa PEP Coalition, ang laking tulong po nila para malaman ang buong katotohanan dito.

Ted: Napakinggan ko ang sinabi ni SEC Commissioner Martinez tungkol sa SPIN Corporation ng anak niya...may nabasa ako na ang address ng SPIN Corporation ay siya ring address kung saan nakatira si Commissioner Martinez...

MAR: Ito ay isa pang pagpapatunay na may kaugnayan itong si Ginoong Martinez kay Celso delos Angeles. At kahit na magkaibigan pa ang kanilang mga anak, itong transaksyon na mga ito ay hindi katanggap-tanggap...at kung connect the dots, connect the dots, makakabuo tayo ng isang interpretasyon na hindi kagandahan. Lalo na itong si Commissioner Martinez ang siyang sumusubaybay sa pre-need at lahat nitong mga bagay tungkol sa pagbantay sa pre-need ay dumadaan sa kanya.

Ted: Ang damdamin ng iba, planholders and families, mainit na ang usapin...'yung iba nagsawa na sa mga hearings na sa kalaunan ay walang nangyayari. Alam natin syndicated estafa na ito pero si Ginoong Angeles ay kumakana pa on the side. Kelan makikita na 'yung taong responsable sa kinasasadlakan nila ngayon ay naghihimas na ng bakal?

MAR: Hindi natin ito titigilan pero ang sitwasyon natin ngayon, ang lahat ng ito ay nasa kamay ngayon ng Department of Justice, para alam ng mga taga-pakinig kung nasaan na ngayon. Ang Department of Justice ang mag-fa-file ng cases laban kay Celso delos Angeles. Itong Department of Justice na ito ay babantayan natin ito. Hindi natin papayagan na magkalimutan na lang. Hindi natin papayagan na idri-dribble na lang ito pagkatapos linggo, buwan hanggang sa matapos ang isang taon wala na lang nangyari, nagkalimutan na. Hindi po, pupukpukin po natin, kakalampagin po natin hanggang sa mag-file na ng kaso.

Ako mismo, sa ngalan ng mga planholders, tutulungan natin ang mga planholders, na sila rin ay makapag-file ng kaso. Alam niyo ho, napakamahal mag-file ng kaso kasi iyong filing fee napakamahal. Kaya iniipon natin, inaaral natin para lahat itong mga planholders na ito ay magsama-sama para sa isang class action...

Ted: Baka pwedeng bigyan ng special attention ng DOJ ang kasong ito...

MAR: Kausapin ang DOJ. Ito ang gusto kong itanong sa kanila. Noong 2005, gumawa na ng task force laban sa katiwalian sa mga bangko, Task Force against Bank Fraud in 2005. Eh hanggang ngayon wala pa ring naifa-file na kaso eh. Kaya ano pong maaasahan natin, ang publiko, kayo sa media, anong maaasahan natin na gumawa na naman ng panibagong task force itong DOJ na ito.

Una, task force sa mga kasong na-file ng SEC at Bangko Sentral. Anong maaasahan natin diyan?

Pangalawa, kahapon lamang ay gumawa na naman ng panibagong task force para imbestigahan si Commissioner Martinez. Anong maaasahan natin diyan? Eh noong 2005 meron na ding nabuong task force, apat na taon na ang nakalipas at hanggang ngayon ay wala pa ring naifa-file na kaso.

Iyan po ang isyu ngayon sa Department of Justice. Anong maaasahan natin at lahat itong kamay na bakal na ipinapakita ng gobyerno natin laban sa mga kritiko ng gobyerno ay dapat gamitin nila dito laban sa mga nanloko, nagnakaw dito sa mga pangkaraniwang Pilipino.

Ted: Meron din dating task force sa DOJ at NBI para sa CAP...umalis ang abogado kasi tinakot kaya nawala na lang 'yung kaso...

MAR: 'Yung babae pumunta na lang sa Amerika, natakot kasi hinaharass siya dito. Hanggang ngayon wala ngang nangyari. Kaya ito ang tanong ngayon...

Hindi po ito tungkol kay Mar Roxas. At sa totoo lang si Ginoong Celso delos Angeles ay magiging incidental na lang dito, siya ang nasa sentro pero hindi siya ang pokus. Ang tanong ngayon, paano ang mga biktima? Paano si Nanay Beth? Si Nanay Mila? At iba pang biktima? Paano ang pera nila? Paano nila makukuha muli kahit capital lang na maibalik sa kanila? Paano mananagot ang dapat na managot dito?

News Latest News Feed