Press Release
March 9, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' AMBUSH INTERVIEW AFTER THE HEARING BY THE SENATE TRADE AND COMMERCE COMMITTEE ON THE PRE-NEED INDUSTRY

MAR: Kahit ano pang mangyari hindi ko titigilan si Celso. Ang isyu dito ay ang panloloko ni Celso sa mga taong ito.

Sa dami ng pera na umikot dito hindi na natin alam kung sino ang mga unang nag-invest. Ang aking habol lamang dito ay ang mga katulad ni Nanay Beth, ni Nanay Mila, na walang kalaban-laban, walang kaalam-alam, nagtiwala sila, ginawa nila ang lahat ng tama, nag-ipon sila, nagsakripisyo sila, nag-trabaho sila, siniguro nila ang kinabukasan ng kanilang mga anak at kanilang mga sarili sa pamamagitan ng kanilang mga pensyon o kaya sa memorial. At ngayon naglaho na lang ito, nawalang parang bula. Kaya para sa akin, ito ang ninakAw ni Celso, bukod pa sa pera. Katahimikan, pag-asa, ito ang ninakaw niya sa napakaraming kababayan natin.

Q: Rep. Zialcita's name was mentioned in the hearing. What will the committee do with regards to that?

MAR: Lahat ng dokumentasyon at testimonya ay pormal namin ita-transmit kay Speaker Nograles para ang Kamara de Representante na ang magdedesisyon kung ano na ang gagawin nila dito.

Q: Kailangan ba siyang imbestigahan ng House?

MAR: Hindi ko alam kung anong gagawin ng House. Ang masasabi ko lang, kung nangyari iyan sa Senado, sigurado nasa ethics committee iyan.

Q: Senate President JPE called for resignation of SEC Commissioner Martinez. Do you support his call? Magfa-file nga ba ng formal resolution calling for his resignation?

MAR: Napag-usapan namin ang pag-file ng formal resolution, at si Sen. Biazon din ay susuporta dito. Matindi itong hatol ni Senate President Enrile dahil tinaya niya ang kanyang liderato dito. At alam kong susuportahan siya ng ibang senador dito.

Nakita natin na sinikreto ni Martinez at ni Delos Angeles. Kung titingnan natin itong mabuti, baka may iba. Dalawang transaksyon ito, simula 'yung bahay lang, tapos 'yung huli ito namang sasakyan. At sa dalawang transaksyon na ito, ang laki ng pakinabang ng kanyang anak. Una, nagbenta ng kotse, binayaran ang kotse pero ang ng kotse hindi naman inilipat. So ang kotse, nasa pag-aari pa rin ng Spin Marketing na pag-aari ng anak ni Martinez at sila ay nakatanggap na ng pera para sa sasakyan na ito. Dito sa lupa, gayundin. Ipinakita sa pamamagitan ng mga tseke na P3 milyon ang ibinayad ng Legacy para dito sa lupa na ito na inilipat sa pangalan nung anak ni Delos Angeles, na ngayon naman ay binili ng anak ni Martinez. Hindi natin alam kung nagkaroon talaga ng tunay na transaksyon dito, kung papel lang, kung nagkaroon talaga ng transfer of money, mapapakita natin ito sa pagbukas ng mga bank records.

Q: Matatapos na ang term ni Commissioner Martinez this March?

MAR: Ang tagal na niyang nandiyan, ilang taon niyang inupuan, ilang taon niyang sinubaybayan itong pre-need na ito. Masasabi na, hindi niya talaga maiiwasan, na itong pagkabangkarote, itong kapalpakang ito ay sa ilalim ng kanyang termino bilang taga-subaybay ng mga pre-need companies na ito.

Q: Sa committee report, ilalagay niyo na kasuhan si Martinez sa Ombudsman sa kabilang kawalang aksyon ng Ombudsman?

MAR: Kahit walang aksyon ang Ombudsman ay trabaho pa rin natin, obligasyon pa rin natin na sabihin kung ano ang dapat mangyari. Para pagdating ng tamang panahon na nasa tama na ang Ombudsman, alam na nila ang dapat.

Q: Criminally liable ba siya?

MAR: Sigurado ako sa administrative, ewan ko lang sa criminal.

Q: Kahit as an accomplice?

MAR: Depende sa dokumentasyon.

Q: Any more hearings? Malapit na ba itong matapos?

MAR: There will be additional hearings. Pero magsusulat kami ng isang interim report kasi marami na itong natuklasan natin, marami ng impormasyon, marami ng dokumentasyon. Kailangan na ding mag-file ng kaso itong si De los Angeles, nakikita na natin ang modus operandi ng kanilang scam. At siya mismo hindi niya itinanggi na pangulo ng kumpanya niya si Carol atsaka chief finance officer niya itong si Nami. Hindi niya tinanggi na matataas na opisyal ang mga ito na nakakaalam ng mga pasikot-sikot ng pera, paandar ng pera sa loob ng kanyang korporasyon. Kaya maaasahan na itong sinasabi ng dalawang ito, lalo na at may back-up silang mga dokumentasyon, mga voucher, mga cancelled checks at iba pa, ay nasa sa tama. At ito ang magiging basehan ng aming committee report at ang naging batayan ng aming judgment na scam nga ito.

Q: Pagka-implicate kay Rep. Zialcita?

MAR: Pasa sa House at bahala na sila kung anong magiging desisyon nila dito.

Q: 'Yung sa DOJ...

MAR: 'Yung sitwasyon dito sa DOJ ay nakakalungkot, nakakagalit, na malaman na meron palang task force nung 2005, hanggang sa ngayon ay wala pa ring naipa-file na kaso. So 'yung akala ko na mabilis na aksyon ng DOJ, na gumawa agad ng task force para dito sa Legacy, 'yung akala ko ay napakagandang aksyon, hindi pala. Nagkaroon ako ng duda nung sa huling hearing parang ang bagal-bagal at hindi maganda ang sinagot nung director ng DOJ. Lalo na ngayon na kinumpirma ng assistant secretary ng DOJ na meron na palang task force na ginawa nung 2005 hanggang ngayon 2009, plano pa lang nila na mag-file ng kaso. Eh anong maaasahan natin dito? Anong maaasahang katarungan, hustisya, ng ating mga kababayan tulad ni Nanay Mila, Nanay Beth na nakita niyo naman ay walang kalaban-laban ito sa mga pating, sa mga buwaya na katulad ni Celso delos Angeles.

Q: Hindi lang sa SEC may connection si Celso. Meron din sa DOJ....

MAR: Hindi ko alam. Pero hahalungkatin natin 'yan. Meron ba kayong tip?

Q: Time frame kelan tatapusin ang investigation?

MAR: Mahirap magkaroon ng time table kasi sa bawat hearing may mga bagong ebidensiya, bagong testigo na lumalabas at mga mab ibigat ang kanilang mga sinasabi. Ngayon pa lang ay meron ng dalawa na nagsabi na susubaybayan nila ang hearing, kung fair ang treatment, kung bibigyan sila ng respeto, iyan ang magiging batayan nila kung lalabas din sa susunod.

Pangalawa, napakarami na gusto ding mag-testigo na mga investors, iyan iba namang kategorya iyan.

Q: Kelan ilalabas ang interim report?

MAR: Masasabi ko iyan by the end of this week.

Q: May iba pang public officials na involved dito?

MAR: Tulad ng sinabi ni Carol at Namy, sa kahigpitan ng oras, ito na muna ang sasabihin nila. Sa totoo lang, hindi ko pa alam kung ano ang laman ng maleta at kahon na dala nila. Sila lang nakakaalam nun.

Q: May lutang pa kayang iba?

MAR: Titingnan po natin 'yun.

News Latest News Feed