Press Release
March 8, 2009

TRANSCRIPT OF SEN. MAR ROXAS' INTERVIEW
WITH DZBB'S NIMFA RAVELO

On Legacy

MAR: Huwag na kasi nilang takutin ang mga witnesses ng makapagsabi sila ng katotohanan.

Q: May mga witnesses po na lumapit sa inyong opisina?

MAR: Hindi ko sila hinarap. Ang aking mga abogado ang humarap sa kanila para makagawa sila ng kanilang sinumpaang salaysay, 'yung mga dokumento nila maayos nila, mabigyan sila ng katahimikan ng kalooban, hindi sila natatakot para masabi nila ang buong katotohanan bukas.

Q: 'Yung mga mababanggit na pangalan bukas, ipapatawag niyo din ba?

MAR: Siyempre. Parang sinulid ito eh, susundan natin ang sinulid hanggang makita natin ang kabuuan nitong scam na ito. Bakit nangyari ito. Eh alam natin na 2 years ago, sa isang regular na pagpupulong ng SEC, ng BSP at ng Insurance Commissioner at ng PDIC, ito 'yung apat na ahensiya ng gobyerno na sumusubaybay sa pinansiyal na aspeto ng ating bansa. Sa isang regular na miting, alam na nila na bulok itong produkto nitong Legacy na ito. Eh bakit pinayagan pang magbenta ito ng bulok na produkto dalawang taon. Eh di sana nabawasan na iyong mga nalokong kababayan natin.

Q: Sabi niyo may nakitang pagkukulang sa SEC, BSP. Sakop din ba ito sa iniimbestigahan ng Ombudsman?

MAR: Eh sakop din dapat. Pero palagay ko ang Ombudsman bising-busy sa pagdedepensa ng kanyang pagkawalang-ginawa dito sa mga kasong nakabinbin sa opisina niya. Hindi ko na alam kung saan pa siya kukuha ng oras para tingnan ito.

Ang punto dito ay napakarami ng ating mga kababayan na naging biktima nito. Kawawang-kawawa talaga. Talagang nakakalungkot makinig sa kanilang mga problema. Itong mga biktima, tulala sila dahil ang kanilang pinanghahawakang kasiguruhan nawala na lang na parang bula ng makita nilang na tinakbuhan na pa sila ni Celso.

Q: Kung gagawa kayo ng Committee Report, kasama ba ang pagsasampa ng kaso laban sa SEC at BSP?

MAR: Una, sasampahan ng kaso si Celso delos Angeles at ang Legacy. Ipapa-sheriff ang kanyang mga ari-arian para makasiguro na kung anuman ang ma-recover ay magamit para sa kapakanan ng mga biktima, hindi sa kapakanan ng pagluluho ni Celso.

Pangalawa, 'yung mga pagkukulang ng mga ahensiyang dapat nagbabantay dito ay sasabihin din natin. Kung administrative cases sasabihin natin, kung iba sasabihin din natin.

Pangatlo, kung ano pa ang mga dapat gawin para sa pagsubaybay, lalong-lalo na dito sa pre-need ay ilalagay din natin dun.

Q: Bakit si Celso hindi naco-contempt?

MAR: Dahil sumisipot po siya. Ang mga naco-contempt 'yung mga hindi sumisipot sa Senado. Nagpupunta naman si Celso kaya hindi naco-contempt. Nung nakaraang hearing ay merong pakiusap na malubha ang kalagayan ng kanyang ina. Eh sa hearing naman po na iyon ay hindi naman naka-schedule ang kanyang testimonya kaya pinabayaan na muna natin siya doon sa kanyang ina.

Para sa akin, ang presensiya ni Celso sa hearing sa puntong ito ay hindi na importante dahil ide-deny lamang naman niya ang lahat.

Q: Hindi siya compelled na mag-attend ng hearing bukas?

MAR: Pinadalhan siya ng imbitasyon, bahala siya kung sisipot siya o hindi. Ang importante dito ay mailagay natin sa record 'yung nalalaman, 'yung sinumpaang salaysay nitong mga witness na ito. Kasi iyan ang magiging basehan sa pagpa-file ng kaso. Makakatulong ito sa mga kasong finile ng SEC, ng Bangko Sentral, ng mga biktima. Makakatulong ito sa lahat. So kung nandun man o wala si Celso, ang sasabihin lang naman niya wala akong kinalaman diyan, matibay ang kumpanya, hayaan niyo akong magbayad. Eh di sige magbayad siya. Hindi naman kailangan ng hearing para magbayad siya. Bayaran niya itong lahat, titigil ito eh. Ang punto dito ay pinaglalaban natin 'yung mga biktima ng panloloko niya.

Q: Nagsinungaling din siya sa Senate ng sabihin niya na nung naging mayor siya, nag-divest na siya ng shares niya sa Legacy. Pero dun sa sinasabi ng mga testigo, hindi naman daw ito totoo?

MAR: Bukas malalaman ang katotohan at kung ano ang laman ng mga sinumpaang salaysay ng ating mga testigo.

Q: May nagtetext din na humihingi ng protection? Pwede pang madagdagan itong dalawa?

MAR: Opo. Nung huling hearing 'yung kanilang marketing manager sa Davao ay lumantad na. Nagbigay siya ng testimonya na si Celso mismo ang nag-uutos sa kanila, tinuturuan sila kung paano magbenta ng mga ito. At ang pera na tinatanggap nila, dinedeposito sa isang account na hindi naman ang account ng Legacy.

Itong mga testimoniya na ito ang siyang magpapako kay Celso. Dahil itong mga kasinungalingan, itong raket, itong scam na ito hindi naman maisi-sikreto ito. Napakalaki nito at maraming nakakaalam nito at unti-unti lumalabas na sila.

Q: Sabi niyo magbayad lang si Celso quits na kayo. Si Gen. Dela Paz nakabayad na, so quits na din daw ba?

MAR: Ang sinasabi kong quits, quits sa Senado. Hindi ibig sabihin wala na siyang pananagutan sa batas. Sinasabi nila unfair daw sa Senado, ayaw na nilang umapir sa Senado. Eh di bayaran na nila itong mga tao na ito. Pero hindi ibig sabihin na napawalang sala na sila, na quits na sila sa batas. Sinasabi lang nila hinaharass sila, kinakawawa sila. Eh sila naman ang nagkawawa sa ating taumbayan eh.

On Ombudsman Merceditas Gutierrez

Q: Frozen muna ang impeachment kasi naka-break ang Congress. Pwede gamitin ang pagkakataon para mahilot ang mga congressmen.

MAR: Talagang ang pangangailangan ng bansa natin ay ang tinatawag na transparency. Ngayon pa lang sabihin na niya kung sino-sino ang mga may kaso, ilantad niya. Para malaman kung maiimpluwensiyahan ba ang mga boto nila o hindi, kung nakaupo ba ang mga ito sa committee on justice o hindi. Para sa ganun ay makita natin kung pantay ang laban, para transparent, makita ng lahat. And in the first place, 'yan naman talaga ang layunin ng opisina niya, hindi ba? Para matanggal ang graft and corruption, na maging transparent, nang sa gayun ay makausad naman tayo sa development natin. Hanggang sa ngayon ang pagkukulang ni Mercy ay inuupuan niya, hindi niya ina-aksyunan, itong mga kasong ito.

Ito nga simpleng-simple. Itong Euro General. Sumumpa iyan sa Senado, sinalaysay niya na siya ang may kasalanan, wala siyang otorisasyon, pinilit niya na kunin itong perang ito ng wala sa reglamento, pinawalang-sala niya ang mga underlings niya dahil 'yung mga reklamo ng mga subordinates niya ay sinapawan niya ng kanyang otoridad, noted ang inyong reklamo pero ako ang boss dito kaya i-release niyo na ang perang iyan. Nagsinungaling siya sa Bureau of Customs nung hindi niya dineklara ang perang dala niya. Bakit hanggang ngayon wala pang kaso? Ano quits na lang? Kalimutan na lang. Simpleng-simple lang ito.

Idagdag pa natin 'yung sa Mega Pacific. Bago tayo nag-adjourn inapprove natin 'yung poll automation. Eh 'yung sa Mega Pacific, Supreme Court na mismo ang nagsabi may anomalya, may baho, bilasa ito sa baho, sa anomalya, pero hanggang ngayon wala pa ring kaso.

Kaya dito kay Mercy wala naman akong inaasahang mangyayari pa. In fact nakita natin ang tunay na buod ni Mercy. Kasi nung napahiya siya, nung sinabihan siya ng World Bank na 'Uy Mercy, Mayo 2006 pa lang alam mo na ito, sinabihan ka sa Washington.' Anong ginawa niya? Ang buwelta niya, naghanap siya ng kaso na luma, na pinawalang-sala na ng COA, laban sa isang miyembro ng Liberal Party. Kasi ako ang pangulo ng Liberal Party.

Q: Sabi nga niya gumaganti lang daw kayo kasi pinakasuhan niya ang isang member ng Liberal Party?

MAR: Kita mo talaga, lalagyan niya talaga ng kulay. Sagutin na lang niya. Para siyang si Celso delos Angeles. Imbes na lagyan niya ng kulay ito, lagyan niya ng politika, sagutin na lang niya ito at ang mga issue na nakapaloob sa impeachment case na iyan.

Ganun din kay Celso, bayaran niya ang mga biktima niya, sabihan niya na, o sige, dito ang umpisa ng pila, lahat ng may hawak nitong policy na ito babayaran. Okay. Ganun lang naman talaga ang gusto natin mabayaran ang ating mga kababayan para hindi sila maloko.

Q: 'Yung Liberal Party sa House may unified position ba dito?

MAR: Wala po. Ito'y nagpapakita na iyong sinasabi niyang hakbang ito ng Liberal Party ay hindi totoo. Dahil ang totohanan dito ay hindi namin pinag-usapan sa partido at walang direktiba sa partido na isusulong ito. Ito sinusuportahan ko bilang senador, bilang kinatawan ng sambayanan. At sinusuportahan dito ito ng ilang kasamahan natin sa Liberal Party pero hindi po ito party stand.

Q: Paano lulusot sa Kamara itong impeachment complaint, marami namang kaalyado ang Malakanyang na sumusuporta kay Ombudsman Gutierrez?

MAR: Titingnan natin. Marami ang pag-uusap po diyan sa Kamara de Representante, maraming may reklamo kay Mercy at marami po diyan ang gusto lamang ay tuwid at tapat na pamamahala. Titingnan natin.

On Sen. Lacson's alleged involvement in Bubby Dacer case

Q: Support niyo ba Lacson?

MAR: Mataas ang aking tiwala, malaki ang aking tiwala kay Sen. Lacson, sa kanyang serbisyo sa ating bansa ay tuwid at tapat. Kung meron mang mga kaso laban sa kanya ay confident naman tayo na masasagot ito ni Sen. Lacson.

News Latest News Feed