Press Release
February 3, 2009

Transcript of Sen. Mar Roxas' press conference at PIMRO

MAR: Nananawagan ako na magbitiw na sa puwesto si Chairperson Fe Barin at iba pang mga opisyal ng SEC na maliwanag na maliwanag na hindi nila kayang gampanan ang kanilang tungkulin na bantayan at proteksyunan ang pera ng mga plan holders at iba pang mga investors na bumibili nitong mga pre-need plans na ito. Ilang beses na ng nabangkarote ang mga kumpanyang ito subalit ang SEC ay parang wala, walang ngipin, walang isinagawang dagdag na proteksyon para sa mga plan holders na ito.

Dapat magbitiw na sila sa puwesto. O di kaya naman bilang mga appointees ni GMA, dapat sibakin sila sa puwesto ni GMA. Itong mga pangyayaring ito, hindi naman ito ang unang pagkakataon na nakita nating nabangkarote ang mga kumpanyang ito. Hindi natin masasabi na katamaran lang ito. Hindi din ito katangahan o kapabayaan. Sa paulit-ulit na pagkabangkarote ng mga ito, sa paulit-ulit na wala namang aksyon ang SEC, nasasabi natin na kasabwat na sila, may malisya na ito sa paggawa ng trabaho nila. Ayaw nilang proteksyunan ang mga plan holders, pinaboran nila ang interest ng mga kumpanya. At yan ang dahilan kung bakit paulit-ulit na nagbebenta ang mga kumpanyang ito, kaya maya't-maya may mga nababangkarote dito sa mga kumpanya.

Q: Ang Bangko Sentral wala bang responsibilidad dito?

MAR: Pre-need ito eh. Ang Bangko Sentral para sa mga bangko, ang Legacy banks. Ang pre-need, sa SEC.

Q: Harassment daw ng BSP official?

MAR: Kasama iyan sa ating titingnan sa susunod na hearing. Kailangang magpaliwanag ang opisyal ng Bangko Sentral kung ano ang nangyari dito. Pero huwag tayong ma-distract. Ang isyu dito ay ang pyramiding, ang pagbibiktima ng pera ng mahihirap, ng mga magulang na nag-sakripisyo para mailigtas sa edukasyon ng kanilang mga anak. Parati na lang ang kawawa, ang naiiwan, ang maliliit. Ang malalaki nakakapagsalba ng kanilang pera. Ang maliliit, wala, ampaw, parang bula ang kanilang hawak.

Q: Pwede bang ilipat sa Insurance Commission ang pag-handle dito?

MAR: Maaaring ilipat ito. Ang kapangyarihan para subaybayan ang pre-need industry ay ipinagkaloob sa SEC. Malawak ang kapangyarihang ipinagkaloob dito. Kung titingnan ang Securities Regulation Code, halos blank check, kahit anong sabihin ng SEC sa pagre-regulate nitong industry, pinapayagan sila. Kaya hindi masasabi na nakaposas sila, hindi masasabi na wala silang kapangyarihan, hindi masasabi na kailangan nila ng dagdag na batas. Kung gusto nilang sabihin, isulat sa Tagalog ang dokumentasyon, pwede iyon, walang hadlang dun. Halimbawa ang regulasyon ngayon ay kalahati ng ibinabayad ng mga plan holder ay dapat napupunta sa trust fund at hindi 5% lang, pwede nilang gawin iyon. Kung sasabihin na ang mga trust fund ay dapat nakaluklok sa mga bangko o institusyon na walang kinalaman dun sa mga preneed companies mismo, pwede nilang gawin ito. Ang kapangyarihan, ang poder, ay nasa SEC. Ang nakakalungkot at nakakagalit dito, bagamat ipinagkaloob natin sa kanila ang mga kapangyarihan para gawin ang lahat ng ito, hindi pa rin nila naproteksyunan ang mga planholders.

Q: Anong magagawa ng Senado kasi may properties pa si Delos Angeles para ma-distribute sa planholders ang mga ito?

MAR: Kung ako ang tatanungin, kailangan ipa-sheriff na lahat iyan, ipa-attach para hindi malustay ang mga assets na ito nang sa gayon ay makasiguro tayo na hindi mawala ang mga assets na ito at mapunta sa mga plan holders para mapunuan ang mga kakulangan.

Dapat kunin lahat ng SEC ang mga assets na ito, ipa-sheriff na ito, ipa-attach niya ng sa ganun ay hindi mawala ito. Halimbawa, noong Disyembre, isang linggo bago nag-aplay ng dissolution itong si Delos Angeles, ay ibinenta niya itong P55 milyon niyang lupa sa Ayala Alabang. Dinispose na niya eh. Ilan pa bang pagtatago, pag-didispose ng assets...nagbenta daw siya ng diyaryo, ng mga ari-arian. Kung ang lahat ng ito na-attach, napa-sheriff, kung humakbang agad ang SEC, lahat ito na-attach at lahat ito na-preserve para sa kapakanan para sa plan holders.

Dapat talaga ma-attach ang mga ito at kailangan ang SEC ang sumubaybay dito. Iyan ang dahilan kung bakit gusto ko ng pukpukin ang SEC kahapon. Mabagal talaga. At mukhang hindi lang mabagal, 'yung tinatawag na willful negligence or criminal negligence. Alam nila kung ano ang dapat nilang gawin pero hindi nila ginagawa kasi pino-proteksyunan nila 'yung malalaki at hindi nila tinataguyod Ang mga interes ng plan holders.

Q: Can the SEC attach the properties?

MAR: The SEC can go to the courts and get a court order precisely. But they are not even doing that.

'Yung SEC dito sa pre- need, yan ang BFAD sa gatas. Kung natuklasan na merong melamine na lason ang gatas na ito at hindi humakbang ang BFAD, hindi ba dapat finire-out na ang mga BFAD na 'yan at kinasuhan... dahil may nasaktan, 'yung mga nakainom ng gatas na may melamine. Dito sa mga produkto ng pre-need, ang bantay diyan ang SEC. Pinayagan nila na patuloy na magbenta ng ganitong uri ng produkto na may lason o kahinaan sa loob. So lahat ng pre-need plan holders na namili ng mga ito, lahat sila damay, lahat sila biktima ng kawalang aksyon ng SEC. Dahil kung umaksyon ang SEC katulad ng BFAD sa pagtigil ng pagbenta ng mga gatas na may melamine...

Q: Kung may assets nga si Delos Angeles pero ayaw pa rin kumilos ang SEC?

MAR: Kaya nga nanawagan ako na magbitiw na nga eh. Kaya ako nananawagan ako, kung ayaw magbitiw si Fe Barin o kung ayaw siyang sibakin ni GMA, eh di dapat si GMA maging pre-need czar na rin ng sa ganun ay siya na ang mamahala ditto at siya na ang humarap sa taong bayan para sabihin na ang inyong pera ay ligtas, ang inyong pera ay babantayan ko. Yan ang tungkulin ng lider ng gobyerno. Ang chief, ang head ng gobyerno natin ay si GMA. Eh di maging pre-need czar siya.

Q: Ipapasilip din ba ang estado ng ibang pre-need companies?

MAR: Hindi lang ipapasilip, kasama 'yan sa susunod na hearing natin. Para malaman ng publiko kung ano ba sa mga kumpanyang ito ang matatag at kung dapat ba magpatuloy silang mamili ng mga produktong ito o kung patuloy silang maghulog sa mga planong nabili na nila.

Q: Convince ba kayo na Nograles is more of a victim or a partner?

MAR: I don't know enough. I don't know enough to make a judgment. The subsequent hearings will reveal that.

Q: Resignation of Barin only?

MAR: Fe Barin and everybody down na dapat nagbantay sa pre-need industry na hindi naman umaksyon.

Q: Wala daw kinalam yung Dir. Aquino?

MAR: Sino ba nag-appoint diyan? Talagang...hindi naman minamaliit ang kanyang degree. Pero para mo na ring sinasabi na ang isang doctor na siyang mag-oopera sa pasyente ang kanyang training ay isang karpentero. Ang karpentero marunong mag-lagare. Pero iba ang kakayahan para maging doctor at iba din para sa ibang gawain. Hindi siya equipped, hindi siya trained by training as well as experience. So paano niya malaman na itong binebentant securities ay toxic pala. Paano malaman kung hindi niya naman pala alam.

On LPG Hoarding

Q: Statement on LPG hoarding?

MAR: Malinaw na nagkakaroon ng hoarding o kaya price fixing o kaya pagkukuntsaba dito sa LPG na ito. Nung mataas ang presyo ng LPG wala naming shortage ah. Bakit ngayong mas mababa na bigla nagkaroon ng shortage? Kailangan buksan ng DoE ang libro, ang operations ng mga kumpanyang ito at alamin kung bakit binagalan nila, binawasan nila yung kanilang pagbili ng supply ng LPG. Nagpapakita ito ng kahinaan, ng kapalpakan ng gobyerno. Kahit saan tayo tumingin - dito sa pre-need, sa bangko, sa LPG - lahat na lang nakikita na mahina, ang kapalpakan. Ang lagi na lang biktima ang mahihina.

Q: Will this affect DOE Angie Reyes' confirmation?

MAR: Lahat ng mga ito maitatanong sa kanyang confirmation. Kasi naman malinaw na malinaw, bakit nung mahal ang LPG, walang shortage. Ngayon na mura, merong shortage. So para sa akin ang burden of proof ay nasa mga kumpanya at nasa DOE patunayan nila na walang collusion, walang kutsabahan, walang restraint of trade na nangyayari. Alam natin ang katotohanan, nagkukulang ang mga tangke, nagkukulang supply ng LPG ngayon na nagmura ang presyo.

On additional 1 year sa college for Nursing and Education

MAR: Dapat pag-aralan mabuti ito ng CHED. Magpapatawag tayo ng hearing para alamin kung ano ang kanilang mga dahilan. Tama na ang Pilipinas ay atrasado sa mga pagdagdag ng mga taon sa pormal na edukasyon n gating mga kabataan. Kung titingnan sa buong Asya, kulang tayo ng isang taon. Six years elementary, fours high school, four years college, 14years lahat. Sa ibang bansa, halimbawa sa Indonesia, sa Malaysia, sa Thailand, ang bilang ng kanilang formal education ay pumapatak na sa 15 or 16 na taon. Kaya agrabyado an gating mga graduates kumpara sa graduates ng ibang bansa.

Pero hindi naming pwede na bigla-bigla na lang ginagawa ito. Kailangan paghandaan natin ito. Kailangan gawan ng programa para unti-unti ang implementasyon nito. Halimbawa yung mga magulang, na bumili ng preneed na sa akala nila ay 4 years lang yan, pinaghandaan 4 years lang, tapos bigla maging 5 years, anong mangyari sa kanila?

Siguro itong 5-year program, magsimula ito dito sa mga freshman na magsisimula pa lang sa taong ito. Yung pumapasok na first year, 'yun alam nila na five years na ang programa nila. Pero yung mga nasa kalagitnaan na, paano naman na papalitan ang reglamento o standards eh nasa gitna na sila ng kanilang pag-aaral.

So kailangan pag-aralan itong mabuti. Ipapatawag natin ang CHED para paliwanagan nila tayo.

Q: Proposal din dati na instead of six years, dagdagan ang basic education?

MAR: 'Yung pagdagdag ng isang taon whether sa elementary o sa secondary o kaya sa college, madali sabihin magdagdag ng one year. Ang tanong is, saan ang classroom para sa one year na yan, saan ang teachers? Saan ang tuition? Yan ang dahilan kung bakit dapat dahan-dahan, mahinahon ang desisyon dito. Kasi halimbawa mag-desisyon ang CHED na magdagdag ng one year, tapos magdagdag din ang DepEd ng one year, tapos magpasa uli ng batas na magdagdag ng one year, eh di three years nadagdag sa kabataan. Kaya siguro maging education czar na din si GMA para mapagkawing-kawing niya, mapag-kabit-kabit niya ang policies nitong mga ahensiya na nagre-report sa kanya.

News Latest News Feed