Press Release
November 30, 2008

TRABAHO VIA ECO-TOURISM, ISINULONG NI REVILLA

Upang makalikha ng trabaho at pagkakakitaan sa pamamagitan ng eco-tourism, iginiit ni Senador Bong Revilla ang pangangalaga at rehabilitasyon ng mga mangrove forests sa buong kapulohan.

Sa kanyang mensahe sa isinagawang paglagda ng Memorandum of Agreement (MOA) para sa Philippine Independence Park Cum EcoTourism and Mangrove Rehabilitation Project na ginanap kamakailan sa Aguinaldo Shrine sa Kawit, Cavite, sinabi ni Revilla na makikinabang ang bansa sa aspetong ekolohikal at pang-ekonomiya mula sa tamang pangangasiwa at restorasyon ng mga bakawan.

"Unang-una, ang mga bakawan ay lumilikha ng kanyang sariling environment. Kumbaga, gumagawa siya ng kanyang sariling barangay na tinitirhan ng mga isda, crustaceans, ibon at iba pa. Because of the uniqueness of the mangrove ecosystems and their protection against erosion, they are often the object of conservation programs in different countries," wika niya.

Binigyang-diin ni Revilla na makakatulong na maibsan ang unemployment sa bansa sa pamamagitan ng pagtatanim at maayos na paggamit ng mga bakawan. Pinunto niyang itinuturing ang bakawan bilang mahalagang pinagkukuhanan ng pagkakakitaan ng 70% ng mga munisipalidad sa bansa.

"Makakatulong ang mga bakawan sa paglikha ng trabaho sa pamamagitan ng direktang utilisasyon nito gaya ng pangangalap ng bunga at paggawa ng asukal. Importante at potensiyal din itong maging pangmatagalang mapagkukuhanan ng panggatong at uling. Nagkakaroon din ng atensyon sa mga species nito gaya ng Nypa palm, na nakakalikha ng alcohol na maaaring gawing gasolina. Makakapagbigay din ang mga bakawan ng indirect employment sa pamamagitan ng eco-tours at pangingisda," paliwanag ng mambabatas.

Tinukoy pa ng senador ang ulat ng environmental watchdog na International Union Conservation of Nature (IUCN) na nagsasabing nalagas na ang mga mangrove forest ng Pilipinas ng hanggang 80 porsiyento.

Ayon sa IUCN, halos kalahati ng mga mangrove species ng mundo ay makikita sa Pilipinas. Gayunpaman, sa kabila ng mga batas mula pa noong 1975 na nagbabawala sa pagkalbo sa mga bakawan, kapos ang pagpapatupad nito, kung kaya't patuloy ang malawakang pagkawasak ng mga bakawan.

"Lumitaw din sa mga pag-aaral na patuloy ang pagnipis ng ating mga mangrove forest mula noong -70's hanggang sa mga taong kamakailan sa taunang rate na 5,553 ektarya. Mula sa tinantiyang 400,000 hanggang 500,000 ektarya ng mangrove forest noong 1920, bumaba ito 139,100 ektarya noong 1988. Kailangang kumilos na tayo," ani Revilla.

Sa ilalim ng MOA para sa Philippine Independence Park Cum Eco-Tourism and Mangrove Rehabilitation Project, si Revilla, kasama ang kanyang LGU co-implementors, ay nangakong magbibigay ng suportang-pinansiyal para sa pagtatanim ng bakawan sa tabing-ilog sa makasaysayang Aguinaldo Shrine, gayundin ang pagpapaunlad ng extension ng Freedom Park nito.

Ang Aguinaldo Shrine ay ang ancestral home ng Emilio Aguinaldo, na unang pangulo ng Republic of the Philippines . Mula sa bintana nito, prinoklama ang kalayaan ng Pilipinas mula sa Espanya noong Hunyo 12, 1898. Mula noon, itinataas dito ang bandila ng Pilipinas ng mga matataas na pambansang opisyal tuwing Araw ng Kalayaan (Hunyo 12) upang gunitain ang pangyayari.

"Tunay na dapat na magkaroon ng konkreto at matibay na pundasyon sa pagsusulong ng proyektong ito at gawin ang lugar bilang showcase ng eco-tourism na nakasentro sa rehabilitasyon ng bakawan, at sa market, financial at economic prospects nito," sabi ni Revilla.

News Latest News Feed