Press Release
November 19, 2008

KIKO: MALACAÑANG ANG PANALO SA SENATE COUP

Nagpahayag ngayon ng pagkadismaya si Independent senator Kiko Pangilinan ukol sa mga pangyayari sa Senado, at sinabing tanging Malacañang ang nanalo sa naganap na kudeta sa Mataas na Kapulungan.

"Kahit paano pa nila ipaliwanag ang resulta, sinadya man o hindi, mas lalong lumakas ang impluwensya ng Malacañang sa takbo ng Senado dahil sa pagtatalaga kay Enrile at Zubiri bilang mga bagong opisyal at liderato nito. Bukang-bibig lamang ang nagsasabi na lalong lalakas ang pagiging independyente ng Senado. Maliwanag na nakipagsabwatan ang mga taga-oposisyon at administrasyon sa Senado ng dahil sa kani-kanilang ambisyon sa 2010 at ang resulta, Malacañang pa rin ang panalo at nangingibabaw, sinadya man nila o hindi."

Napilitang magbitiw bilang Senate President si Senator Manny Villar matapos mawalan ng suporta noong Lunes. Sa gitna ng sinasabing sabwatan ng mga nagbabalak tumakbo sa pagkapangulo sa 2010, nahalal si Senator Juan Ponce Enrile bilang kapalit ni Villar.

"Hanggat walang matibay na alternatibo sa dalawang hanay, administrasyon o oposisyon, 'di uusad at magbabago ang pulitika at pamamahala sa bansa. Sa ngayon, ang tingin ng mamamayan pare-parehas lang lahat na namumulitika at sariling interes ang inuuna. Nakakalungkot isipin."

News Latest News Feed