Press Release
November 14, 2008

Senator Mar Roxas' interviews on the fertilizer fund probe - DZMM's 'Dos Por Dos'

Q: Ano ang ibig sabihin ng 'poderoso'?

MAR: Ito ay isang salita na minsa'y ginagamit na, may kapangyarihan, sobrang taas o sobrang laki ang kapangyarihan. Galing sa salitang poder. Maraming poder.

Q: Sa tingin niyo ba ay poderoso si Joc-Joc?

MAR: Iyan ang sabi niya. Biro mo, isang undersecretary, sa kanyang say-so lamang, higit sa P700 million ay mapapa-release niya. Iyon ang kanyang testimonya niya kahapon, kaya nag-komentaryo kami na sobrang laki ang kapangyarihan niya, ganyang kabigat ang kanyang salita sa loob. Talagang hindi katanggap-tanggap. Kadalasan, ma-approve man ang SARO mo, buwan-buwan bago lumabas. Ito, 'pag approve ng SARO, nandiyan yung cash, release kaagad, sobrang bigat ang salita o direktiba na nagmula sa kanya, kay Joc-Joc.

Q: Ano ang overall assessment ng Senado kahapon?

MAR: Yung aking personal assessment ay mahirap lunukin, mahirap sikmurahin yung sinasabi ni Joc-Joc kahapon, dahilan sa hindi ito consistent sa alam ng ating taong bayan. Unang-una sasabihin niya na ganitong kalaking halaga, hindi alam ng Pangulo ang pag-release. Mahirap talagang paniwalaan iyan. Kilala natin ang Pangulo bilang isang micromanager. Pati yung mga seating arrangement, pinapakialaman ng Pangulo. Mayroong meeting na gusto niya yung mga resource persons nasa kaliwa o nasa kanan. Nanungkulan ang Pangulo sa Department of Agriculture noong naging impatient siya sa mabagal na pagtakbo ng DA. Diba sabi niya, once a week or every other day siya nag-opisina sa DA. Talagang ang Pangulo ay nakikialam at mabutingting sa kanyang trabaho sa kanyang gawain sa gobyerno.

Sa testimonya ni Joc-Joc, kung bolahin niya, mambola na lang siya, pero huwag naman yung sinungaling. Sabihin niya na 'pina-receive ng Pangulo, dahilan sa concerned siya sa rice crop natin,' okey iyon. Pero hindi kasama yung Pangulo sa anomalya. Pwede iyon e. Pero sabihin na ganitong kalaking halaga, hindi alam ng Pangulo na lumabas sa kaban ng bayan, parang sobra naman.

Q: Hindi kaya kulang ang ginawa ng Senado para lumabas ang katotohanan?

MAR: Kahapon kasi, mahalaga na ilagay sa record yung testimonya ni Joc-Joc, dahilan sa dito sa tatlong taong ito, sa anim na hearing, sa halos tatlong libong pahina ng dokumentasyon, hindi pa nadinig si Joc-Joc. So mahalaga na malagay na sa record yung testimonya ni Joc-Joc. Ngayon, sa mga susunod na hearing, kukumpara natin ngayon. 'Sabi ni Joc-Joc, kayong regional director ng DA ang gumawa nito. Ngayon, ano masasabi niyo rito?' Maihaharap natin ngayon yung dalawang under-oath na testimonya.

Kasi ngayon, haka-haka lang iyon. Hanggang mailagay sa record under oath yung testimonya ni Joc-Joc, wala ka namang mapagkukumpara. Kahapon, it was really to obtain the testimony of Joc-Joc, at sa susunod na mga hearings, doon natin mapapakita yung inconsistencies. Malalaman natin ngayon kung sino nagsisinungaling, kasi hindi naman ngayon masasabi na puti ito o itim iyon. Iisa lang iyan. Either yung regional director o provincial director ang nagsisinungaling o si Joc-Joc ang nagsisinungaling, pero hindi pwede na pahero silang nagsasabi ng totoo.

Q: Napansin niyo ba na bumabanat si Joc-Joc sa mga mababang tao lamang?

MAR: Siguro ang kalkulasyon niya na hindi napipiyok o hindi nasisipa ang mga nasa baba. Pero mga nasa baba, yung kanilang mga career, yung kanilang retirement, yung kanilang katayuan, malalagay ngayon sa alanganin. Hindi naman pwede na sasabihin na nawala itong P728 million, na overpriced ito, na mali yung bili nito. Lahat ng mga anomalyang ito, sila gumawa, tapos hindi sila madadala sa hustisya. Bilang pagdepensa sa sarili nila, magtuturuan ngayon iyon. Ngayong umaga lang, lumabas yung balita na si Secretary Yap, tinuro rin si Joc-Joc. Ngayon, magbabakbakan ngayon, sino ba ang nagsasabi ng totoo rito.

Q: Napag-usapan na ba kung kailan ang susunod na hearing?

MAR: Sa pagkaunawa ko, baka next week, sa Wednesday. Pero hindi pa sigurado, maglalabas din ng official notice niyan.

Q: Ngayon, sinasabi na wala naman talagang sakit si Joc-Joc. At cool na cool siya.

MAR: Palagay ko, napaghandaan niya yung kanyang testimonya, at inabisuhan siya na dapat cool lang siya. Pulido masyado, at alam natin yung buhay hindi ganitong kalinis o hindi kapulido. Kaya isa iyan sa mga hudyat na nagsasabi na talagang napaghandaan itong istorya.

Q: Hindi naman bawal na mag-coach ang laywers kay Joc-Joc?

MAR: Hindi naman. Basta hindi sila pwedeng magsalita. Kahit hindi sila nag-coach sa likod ni Joc-Joc, dalawa't kalahating linggo 'ata siyang naghanda. Malalaman din sa records ng St. Luke's kung sino ang mga bisita niya, anong oras pumasok, anong oras lumabas, na sa ganoon malalaman natin ang kanyang pagtuturo at paghahanda dito sa testimonya. Kahit anong coaching, kahit anong abiso na nagmumula sa kanyang mga abugado, kung mali ang dinedepensa ni Joc-Joc, talagang sa dulo, lilitaw at lalabas ang katotohanan.

Q: Dapat bang bantayan pa ang sasabihin pa ni Joc-Joc.

MAR: Palagay ko, hindi naman gaanong kaimportante si Joc-Joc. Parang naging entertainment ito, super blockbuster road show presentation itong si Joc-Joc. Binitin, dalawa't kalahating taon e, diba? Para sa akin, dito sa Senado, gagawin namin ang aming trabaho, dahilan sa ang laking pera nito. At ang administrasyon, hingi ng hingi ng bagong buwis. E kung ganito naman pala ang paggastos ng aming pagbayad na VAT o income tax, aba'y huwag na nating ibigay yung buwis na hinihingi ng administrasyon.

Ang pinakamahalaga rito ay hindi na mauulit ang pangyayaring ito. Yung sobrang pagmahal ng bigas sa bansa, mate-trace natin dito, kasi ganitong kahalagang perang ito, kung gagamitin sa tama, halos 1 million bags of fertilizer ang kayang bilhin nito. At that time, P700 per bag lang ang urea. Ngayon, P2,000 na. Kung 6 bags na sinasabi ng Irrigation Research Institute, that's about 160,000 hectares ang dapat nilagyan ng abono. Kaya dapat itong shortage sa bigas na naranasan natin ngayong taon ay hindi natin naranasan. Nagkaroon sana ng bumper crop, hindi na kinailangan na bumili ng bigas sa abroad. Kabit-kabit lahat ito, kaya ang laking perwisyo, ang laking impact talaga nitong fertilizer scam bukod doon sa anomalya sa sentro nitong scam.

News Latest News Feed