Press Release
November 13, 2008

ROXAS: BOLANTE PILIT INILALAYO SI ARROYO SA FERTILIZER SCAM
FERTILIZER FUND TALAGANG DINISENYO PARA KURAKUTIN

Dismayado si Liberal President Senador Mar Roxas na imbes na katotohanan ang ilabas ni dating Department of Agriculture Usec. Jocelyn "Joc-Joc" Bolante ay puros pambobola lang sa isyu ng fertilizer fund scam noong 2004, para lang ilayo si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo sa pagkakadawit.

"Napaka-makapangyarihan mo naman na ikaw lang at ang DBM ang nag-release ng P728-milyon," tugon ni Roxas sa testimonya ni Bolante na hindi inaprubahan, ni hindi man lang ipinaalam sa Pangulo ang paglalabas ng pondong maaaring nagamit sa kampanya ng administrasyon noong 2004.

"Para masabing hindi ito inaprubahan ng Pangulo, napakahirap tanggapin. Imposible na ang ganitong kalaking halaga ay ini-release na hindi man lang nagkaroon ng approval mula sa Pangulo," diin niya. Aniya, ang P728 milyong inilabas noong Pebrero 2004 ay 25% ng budget ng DA noong taong iyon.

Dagdag ng Ilonggong senador, pilit inilalayo ni Bolante ang pagkakasangkot ng Pangulo sa iskandalo sapagkat sinasabi niyang siya at ang opisina niya lamang ang naghanda ng listahan ng mga distrito at lokal na gobyerno, nagpa-release ng pondo mula sa DBM at nag-disburse nito.

"Masyadong paligoy-ligoy si Bolante. Hindi raw ni-require na magpasa ng listahan ng mga project proponent dahil 'savings' lang naman daw ito. Pero nag-submit daw sila para protektahan yung 'earmark' ng pondo. Siya raw ang nagpa-labas ng pondo mula sa DBM, pero si dating Sec. Lorenzo raw pala ang sumulat sa DBM. Nililito lang ba talaga niya kami at ang taumbayan?" aniya.

"This is really difficult to accept. We hoped for the truth, but we don't have a semblance of it,'" diin niya.

Diin ni Roxas, talagang maanomalya ang proyekto at naka-disenyo para kurakutin at hindi para tulungan ang mga magsasaka. Sa presentasyon niya bago nagsimulang magtestimoniya si Bolante, scam ang fertilizer fund dahil:

  1. Walang public bidding. Sang-ayon sa Commission on Audit (COA), binili ang mga fertilizer sa pamamagitan ng negosasyon.

  2. Napakalaking overpricing. Nahanap ng COA na P128 milyon sa P728 ay overpriced. Sa mga liquidation, lumabas na P1,500 ang isang litro ng fertilizer na binili, kahit mabibili ito sa halagang P150/L sa merkado.

  3. Maling fertilizer. Imbes na solid fertilizer tulad ng urea na kailangan para sa palay, liquid fertilizer na pang-ornamental plants ang ipinamahagi.

  4. Inilabas ang pondo at ipinamahagi ang mga fertilizer noong Pebrero 2004, na panahon ng anihan at hindi planting season.

  5. Bukod dito, may ghost deliveries pa, at hindi nakarating sa mga magsasaka ang fertilizer.

  6. Nagkaroon ng "hatian" sa pondo, sang-ayon sa testimoniya ni Jose Barredo, saksing humarap sa mga naunang imbestigasyon ng Senado.

News Latest News Feed