Press Release
November 11, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' interview on DZRH

On the fertilizer fund probe:

Q: Ano ang napagkasunduan sa inyong caucus kahapon?

MAR: Yung napagkasunduan ay haharap sa Huwebes si Joc-Joc Bolante. Nanaig yung ating resolution na i-renew itong hearing, para malaman ng buong sambayanan yung buong istorya dito sa fertilizer scam na ito.

Q: Baka wala rin tayong mapiga dito.

MAR: Gagawin natin ang lahat para malaman ang buong istorya. Tumakbo siya nang dalawang taong, sinakripisyo niya ang kanyang kalayaan, doon sa detention center sa America . Ang tanong naman, bakit niya ginawa ito kung wala naman siyang tinatago? Tayo naman, bilang taxpayer, bilang kinatawan ng ating kababayan, bilang tagabantay ng pera ng ating kababayan, ay gusto nating malaman, ano ba nangyari rito? P728 milyon ito. Lahat ng testimonya ay ibinigay noon, at si Joc-Joc ang tumakbo at hindi nadinig. Kaya bibigyan natin ng pagkakataon na madinig si Joc-Joc.

Q: Anong gagawin niyo kapag alam niyo nagsisinungaling siya?

MAR: Ico-contempt natin siya. Kung nakapruweba na nagsisinungaling siya ay maaari muling maaresto siya ng Senado. Yung kanyang pag-aresto, dahilan sa hindi siya pumunta noong pinatawag siya. That is the contempt of the Senate, kaya siya may arrest order. Kapag humarap na siya ay maso-solve na ang kanyang contempt. Pero kung hindi niya sasagutin nang tama, o magsisinungaling siya, o hindi gawin ang dapat mangyari, ay pwede muli siyang ma-contempt ng Senado.

Ang isa pang bahagi rito ay walang aksyon kay Merceditas sa Ombudsman. Bakit hanggang sa ngayon, dalawang taon nang nakalipas, ay wala pa ring aksyon ang Ombudsman? Ngayon na madidinig na si Joc-Joc, ay wala nang dahilan kung bakit wala pang aksyon itong si Ombudsman Gutierrez.

Let the axe fall where it may. Dapat malaman natin ang buong katotohanan nito. Masasabi natin na itong mga survey tungkol sa gutom, itong nararanasang gutom ng ating kababayan, sanhi ito ng pangungurakot ng fertilizer. Walang nangyari kay Joc-Joc. Kasi kung tama ang paggastos nito, masagana yung aanihin, at hindi magkakaroon ng pagtaas ng presyo sa palay at bigas. Hindi ito teorya lamang, ito ay diretso sa tiyan ng ating mga kababayan. Ang lahat ng buwis na ito, sa VAT, sa income tax, sa lahat, papaano naman na nagbabayad tayo ng buwis tapos ganito na lang ang pag-abuso sa ating pera?

Q: Pwede bang ipatawag itong Ombudsman dahil sa bagal nilang umaksyon?

MAR: Isa iyon sa mga kahinaan sa Ombudsman Law. Sa pagnanais na maging independent, na magkaroon ng pansariling kaisipan ang Ombudsman, binigyan natin ng independent powers. So sa ating mga batas at reglamento, walang review. Ang kaisa-isang kasangkapan ay yung pag-impeach sa Ombudsman. Kaya mahalagang-mahalaga yung pagpili ng Ombudsman. Ang Pangulo, binigyan ng warning ng napakaraming sektor, dahil si Merceditas, kaklase ng First Gentleman, at close sa First Couple. Kahit anong gawin ni Ombudsman Gutierrez, ay malalagyan ng kulay dahil close nga sila, at dapat huwag iyan ang i-appoint diyan. Hindi nakinig ang Pangulo, at may pananagutan ang Pangulo rito.

Q: Sino ba ang ipapatawag niyo sa imbestigasyon?

MAR: Unang-una, si Joc-Joc sa Huwebes. At bunga ng kanyang testimonya, malalaman kung sino pa ang iimbitahin natin. Ang pinakamahalaga rito ay si Joc-Joc mismo, dahilan sa yung committee report na ginawa nina Sen. Magsaysay at Arroyo, nagsasabi doon na yung buong istorya ng fertilizer scam ay hindi malalaman, hanggang humarap si Joc-Joc, at sang-ayon naman tayong lahat diyan.

Q: Gusto rin atang ipatawag ng mga congressman si Joc-Joc.

MAR: Si Joc-Joc haharap sa Senado sa Huwebes. Si Joc-Joc ay nasa Senate custody ngayon, at may interparliamentary courtesy naman.

News Latest News Feed