Press Release
July 29, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas ' interview on DZBB with Mike Enriquez, Arnold Clavio and Lala Roque

On PGMA's SONA:

MAR: Ang assessment natin ay pira-piraso ang mga pangarap at pangako. Tagpi-tagpi ang mga programa. Kaya ang grado na binigay natin ay pasang-awa. May mga bagay na sinusuportahan ko. Halimbawa, yung pagpasa ng Cheaper Medicines Bill na binanggit niya, at mas mahalaga, yung food and rice security, sa aking palagay, dapat talagang pondohan ng gobyerno na maisakatuparan. Q: Kapag itinigil daw ang VAT, mawawala ang pang-pondo ng mga programa.

MAR: Hindi tama iyan. Maaaring nakatulong ang VAT, pero hindi ito ang 'be all and end all,' ang kabuuan ng salbabida natin. Bakit? Kung gamitin natin ang numero mismo, yung statistika na ginamit ng Pangulo, P80 bilyon daw ang VAT. Kung i-summa total natin, kung ilista natin ang lahat ng pinaggamitan ng VAT, yung sinabi naman ng Pangulo ay P8 bilyon lang. Saan napunta yung balanse?

Pangalawa, itong VAT na sinasabi ng Pangulo, sabihin natin ginamit itong lahat sa tama, okey, P80 bilyon. Ano naman ang nangyari sa P1.2 trilyon? Kasi ang kabuuang budget ng gobyerno sa taong ito ay P1.3 trilyon. Kung P80 bilyon ang VAT, mayroong P1.22 trilyon na budget ang gobyerno. Hindi maaaring masasabi na titigil lahat ito kapag nawala ang VAT.

On the rice crisis and the need to boost fertilizer spending for farmers:

MAR: Kung bawas ang application ng fertilizer, bawas din ang aanihin, bawas ang inani, bawas yung supply, at kapag bawas ang supply, sa darating na mga buwan, sa December at January, tataas presyo. Kaya ngayon pa lang, dapat agapan na natin ito. Tulungan na natin ang ating mga magsasaka, na makapag-apply ng wastong fertilizer, nang sa ganoon yung ating rice security ay masigurado natin.

Q: Sinabi niyo pasang-awa ang SONA. Ano ang ibig sabihin nito?

MAR: Pasado, pero sa awa lamang. Okey na rin lang, pero kulang talaga. Ito namang SONA, supposed to be, ito yung pamamaraan para sabihin kung ano ba ang problema natin. Ano ba tutukuyin natin? Ano ba ang ipa-prioritize natin? E samu't sari, pirasong bagay ang nabanggit, parang litanya lamang.

Nare-recognize naman natin na mahirap talaga ang sitwasyon ngayon. Nagmahal ang krudo, wala tayong kontrol diyan. In a tough environment, sinisikap naman ng Pangulo ang kakayahan niya na maiahon niya ang bansa. Sa grado, may effort man, mali ang mga prescription. Halimbawa, dito sa VAT, iba ang aming pananaw diyan.

Q: Inulit ni GMA na pinili niya ang mga tama kahit hindi ito popular.

MAR: Palagay ko yung pagkasadsad ng popularidad ng Presidente ay bunga ng mga maling desisyon na naisagawa nitong mga nakaraang taon. Halimbawa yung desisyon sa fertilizer kay Joc-Joc. Tama ba iyon? Mali naman iyon e. O yung desisyon sa ZTE. Tama ba iyon? Mali naman 'ata iyan. Maraming desisyon na maituturo tayo na siyang pinagmumulan ng mababang rating ang Pangulo.

On the scrapping of VAT on oil products:

MAR: Ipinagtatanggol ng Pangulo yung P80-bilyong collection niya sa VAT, samantala yung supposed-to-be na tinatanggap ng tao ay hindi nararamdaman ng ating mga kababayan. Kung ninanais ng Pangulo na lagyan ng tax ang mga mayayaman, okey iyan, di gawin natin targeted, sa mga luxury vehicles, SUV. Pwede namang lagyan ng tax iyan. Pero huwag yung isang tax na mayaman at mahirap ang nasasaktan, ang nagbabayad.

Halimbawa, isang tao, isang litro ang konsumo niya sa isang araw. Halimbawa, sampu ang kotse mo, malalaking makina, SUV. Sampung litro ang konsumo sa isang araw. Kapag tinanggal ang VAT sa petrolyo, P6 per liter ang savings. Dito sa mahirap, na isang litro ang konsumo, ang savings as kanya at P6. Sa isang mayaman na palagay mo sampung litro ang kanyang konsumo sa isang araw, P60 ang kanyang savings. Dito nagkakaiba ang aming pananaw ng Pangulo. Sa palagay ko, para sa mahirap, sa P6 ay makakabili siya ng de latang sardinas o kung ano pa para sa kanyang hapunan, kasi ang kabuuan niyang kita ay maliit na maliit. Mas malaki ang P6 doon sa total daily income, kaysa sa P60 doon sa mayayaman. Kaya para sa akin, ang VAT ay inefficient as a collection mechanism, in terms of social justice.

Ano yung katumbas na sakripisyo ng gobyerno rito? Yung Customs, nadinig natin, nagbigay sila ng P80 bilyon na bonus. E samantala yung koleksyon ng Customs, batay lamang sa pagtaas ng VAT. Wala naman silang ginawang extra effort, o paghigpit ng sinturon nila, o pagpahusay sa kanilang trabaho, na ma-meet nila ang kanilang targets.

Ang bawat bansa ay dapat gumawa ng kung ano ang angkop sa kanilang sitwasyon. Para sa atin, noong panahon na isinampa yung VAT, yun ang gamot para sa ating karamdaman o sakit noong panahong iyon, na fiscal imbalance, yung kakulangan ng pera, na mababangkarota ang gobyerno. Kaya nagpataw tayo ng VAT. Ngayon, kakaiba na ang sitwasyon. Dapat hindi yung pikit-mata, pikit-tenga, hindi makikinig sa iba pang mga opinyon, na itutuloy ang nakaraang gamot o prescription hanggang sa ngayon. Iba na ang gamot na nararapat o angkop sa panahong ito.

News Latest News Feed