Press Release
July 17, 2008

Transcript of interview with Gerry Baja of Dos por Dos With Sen. President Manny Villar

Nakatutok po ang Arroyo administration sa pagbibigay ng subsidy pero sabi ng mga kritiko, ito daw ho ay limos at di dapat sanayin ang mga Pilipino sa limos na ganito.

VILLAR: Ilagay natin iyan sa tamang perspektibo. Halimbawa yung pagtatanggal sa VAT. Kinakailangan diyan ang amendment na dadaan sa kongreso. Hindi naman ito namin basta magagawa dahil sa July 28 pa ang opening ng sesyon. Pwede muna itong subsidy basta't ito ay hindi pangmatagalan at maliwanag na makakarating sa dapat paroonan. Kagaya halimbawa sa sektor ng pamamalakaya, mahihirapang maka-survive ang mga mangingisda kung walang subsidy sa ngayon. Kaya lamang, ang subsidy ay hindi dapat pangmatagalan. Kailangang harapin natin ang isyu ng buwis at kung paano magiging permanent ang solusyon sa mga problemang ito. Agad na tatalakayin ng Senado sa pagbubukas ng sesyon ang mga panukalang may pangmatagalang lunas sa mga problema ng ating bansa.

Ang ibig niyo pong sabihin, bigyan muna ng isda ang mga mangingisda hangga't hindi pa sila nakakapunta sa laot para maghanapbuhay?

VILLAR: Bigyan natin sila ng subsidy sa diesel at gasoline dahil hindi sila makapangisda. Dahil sa mataas na presyo ng gasoline, hindi talaga sila makapaghanapbuhay sa ngayon. Hindi rin nila mababawi ang kanilang gastos dahil nga bumaba ang presyo ng isda dahil sa paglubog ng barko. Ito ang mga sektor ng lipunan na hindi makakapaghintay sa pangmatagalang solusyon. Kaya dapat muna silang bigyan ng subsidy ngunit ito ay dapat na pansamantala lamang habang hindi pa nalalagay sa ayos ang mga bagong batas na kailangan natin para malutas ang mga problema ng bansa sa pangmatagalang pananaw.

Hanggang kailan po kaya dapat na magbigay ng subsidy Mr. Senate President?

VILLAR: Sa pagbubukas ng sesyon, agad na aatupagin ng Kongreso ang mga panukalang makakapagpagaan sa hinaharap na pasanin ngayon ng taumbayan. Pag-uusapan namin ang tungkol sa VAT. Maaari naman kasing alisin ang VAT at palitan ng ibang measures na hindi makakaapekto sa mga mahihirap. Pwede nating i-reform iyan. Dapat ding magpatibay ng mga pangmatagalang panukala para sa sektor ng agrikultura. Kami sa Senado, siguradong ito ang aming pagtutuunan ng pansin bagama't ang usapin ng VAT ay dapat na magmula sa Kamara.

Ang sabi po ng Pangulo, itong kanilang ginagawa ay mas mainam dahil sa pangongolekta ng VAT, parang ang nangyayari ay kumukuha ng pondo mula sa mga may kaya o mayayaman at ibinibigay ang pera doon sa mga mahihirap o walang-wala sa buhay.

VILLAR: Ang implementasyon kasi ng mga subsidy ay di pa natin nakikita kung paano ginagawa. Hindi pa natin alam kung ito ba ay nakakarating talaga sa dapat kapuntahan. Ngunit ang mga subsidy na ganyan ay pansamantala lamang, dapat talagang maglatag ng pangmatagalang solusyon para sa mga problema natin.

Panghuli na lang po Mr. Senate President, napanood po namin sa telebisyon yung mga relief goods na galing sa inyong opisina na may mga pangalan at picture pa ninyo na ipinamigay sa mga biktima ng bagyong Frank. Ano po ang masasabi niyo tungkol dito?

VILLAR: Wala akong nakikitang masama sa bagay na iyan. Tuloy-tuloy ang aming pamimigay ng tulong sa mga apektado ng bagyo hindi lamang sa Region 6 at Mindanao .Matagal na natin itong ginagawa. May mga nagbibigay din kasi ng tulong sa akin na mga businessmen at minsan sila na ang naglalagay ng pangalan ko doon sa ibinibigay nilang tulong. Paano ko naman tatanggihan iyon, sayang din naman. Ang mahalaga, nakapagbigay tayo ng tulong., Huwag na nating masyadong punahin yung mga tumutulong sa ating mga kababayan.

News Latest News Feed