Press Release
June 7, 2008

Transcript of Senator Mar Roxas' interview on DWIZ with Cely Bueno

On the Affordable Medicines Act:

Q: Ngayong ganap nang batas ang Affordable Medicines Act, ibig bang sabihin agad nang mararamdaman ang pagbaba ng presyo ng gamot?

MAR: Hindi naman na parang abracadabra o magic ay bababa na agad ang presyo. Ang presyo bababa dahilan sa madadagdagan ang kompetisyon. At iyan naman ay isang proseso na hindi naman mabilisan.

Nakapaloob sa batas na ngayon pwedeng magkaroon ng parallel importation. Kahit sinong grupo, kahit sinong asosasyon, ngayon maaari nang mag-angkat nitong mga gamot na ito na siyang kinakailangan ng kanilang mga kliyente.

Q: So nakabatay ba sa dami ng mag-paparticipate sa parallel importation ang pagtindi ng kompetisyon at pagbaba ng presyo ng gamot?

MAR: Iyon ang pinaka-kasangkapan, iyon ang pinakasandata na nakapaloob sa batas. Yung pangalawang sandata ay yung price regulation. At kung sa akala ng DOH, halimbawa, na may mga gamot na sobrang mahal talaga, maaaring irekomenda nila sa pangulo na magkaroon ng price ceilings itong mga gamot na ito. At nang sa ganoong paraan, magkaroon ng optimum price sa pagbenta nitong gamot na ito.

Q: Sabi niyo nga po, the fight is not yet over?

MAR: Tama ka diyan. Ito yung pagwawakas ng proseso sa pagsasabatas pero ngayon naman ang simula ng laban dahil sa ngayon ay may mga sandata na tayo. At makakaasa kayo na sa pagsulat ng IRR, babantayan natin ito, na walang isang comma, isang salita na ipapasok diyan namalulusaw ang bisa ng batas.

On the grilling of JFC on EPIRA:

MAR: Ang importanteng dapat malaman ng ating mga investors at mga dayuhan na ito ay ang Republika ng Pilipinas, at Pilipino ang dapat nanghimasok ng mga internal na usapin ng ating bansa. Inimbita namin ang mga investors na pumunta rito at mag-invest, at bilang investor, mayroon din silang karapatan magpasok ng kanilang mga pananaw sa mga isyu na may epekto sa kanilang pagnenegosyo. Ito ay pwedeng iabot sa Secretary ng DTI, sa Pangulo, mga kongresista at senador. Okey din lang ito. Kinikilala ko yung kanilang rights na magsalita at magsabi sa kanilang mga pananaw sa kahit anong isyu.

On high prices of goods:

Q: Ano ang tingin mo sa mga subsidy ng gobyerno para sa mga bilihin?

MAR: Kahit anong tulong, of course ina-appreciate ng ating mga kababayan, pero kulang ito. Ang pinakamabisang pamamaraan ay ang pagtanggal sa VAT mula sa mga produktong petrolyo. Agad-agad P5 bawat litro ang maitutulong nito, at halos P60 bawat LPG tank ang savings ni Misis. Hindi naman mawawala sa gobyerno ito dahilan sa magagastos rin ang pera na ito, at sa paggastos ni Juan dela Cruz, kokolektahin muli ang VAT. Kaya para sa akin, imbes na kolektahin pa ito tapos ibabalik din pala, de huwag nang kolektahin.

On the need for the President to use additional 'emergency powers':

MAR: Hindi na kailangang itong 'emergency powers,' at palagay ko hindi ito ang sagot. Ang problema dito ay ang tama o wastong paggamit ng mga policies, hindi yung bagong poder na kailangan pang gamitin. Tanggalin na lang natin ang VAT sa petrolyo.

Q: Kailangan ba maaprubahan ito ng Kongreso?

MAR: Tama iyon. Other than sa mga kalamidad, o may giyera, kailangan ang ratipikasyon ng Kongreso. Noong 1992, nagkaroon ng mga blackout, dose oras ang mga blackout na ito. Nagkaroon ng emergency powers, at ito ay dineklara ng Kongreso, at ipinagkaloob ang dagdag na poder sa Pangulo, at yung poder na iyon ay hindi na kailangan mag-bidding pa. Pwede na ang pangulo, sa pamamagitan ng Secretary of Energy ay maaaring mag-negotiate nitong mga kontratang ito. Ano ang nangyari? Diba hanggang sa ngayon, wala pa nangyayari sa mga IPP na ito? Siguro natuto na rin tayo. Ngayon, sapat ang kapangyarihan ng gobyerno para sa mga problema na hinaharap natin ngayon.

News Latest News Feed