Press Release
March 6, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
over DZBB with Mike Enriquez

Q: Ano po ang reaksyon niyo sa pagkakabasura sa EO 464 pero yung executive privilege ay buhay na buhay pa rin?

SPMBV: Tingin ko, nagkalituhan diyan sa EO 464 na iyan dahil sa totoo lang, hindi na naman iyan ginagamit ngayon dahil nga nagdesisyon na ang Korte Suprema sa bagay na iyan. Ang in effect ngayon ay yung Memorandum Circular 108 at ang executive privilege. Kaya nga hindi sincere ang gobyerno sa pagsunod sa kagustuhan ng CBCP at ng mamamayan dahil may excuse pa rin ang mga government officials na huwag mag-appear sa Senado.

Q: Ano po ba itong Memorandum Circular 108 na ito?

SPMBV: Ito ay circular ng Malakanyang na nagde-describe kung paano ang magiging conduct ng mga government officials kapag dumadalo sa mga congressional hearings. Sa ilalim ng circular na ito, kailangang magpaalam muna ang mga government officials sa Malakanyang bago humarap sa mga pagdinig. Kaya balewala rin dahil hindi rin sila papayagang dumalo sa mga pagdinig kapag anomalya na ang pinag-usapan.

Q: So balewala talaga ang pagbasura sa EO 464?

SPMBV: May desisyon na ang Korte Suprema tungkol diyan, na hindi pe-pwede iyan. Kaya lang, dinefine ng Malakanyang ang desisyon ng Supreme Court at naglabas ng MC 108 at iginiit ang executive privilege. Iyan ang nililiwanag namin ngayon sa Supreme Court.

Q: Haharap na raw si Neri sa susunod na pagdinig. Paano po kung sa bawat tanong ninyo ay sabihin niya na hindi ko pwedeng sagutin iyan dahil sakop iyan ng executive privilege. Ang magiging referee ay ang SC, tama ba iyon?

SPMBV: iyon na nga iyong compromise proposal na tinanggihan ng Senado dahil naniniwala kami na ito ay kapangyarihan ng Senado na hindi namin pwedeng i-compromise. Magpapatawag kami ng pagdinig sa lahat ng bagay, pero pwera lang iyong tungkol sa Pangulo. Paano kung talagang nababanggit ang Pangulo at kailangang tumbukin namin ang anomalya? Hindi lang naman ito about PGMA. Maaaring sa mga darating na panahon ay magkakaroon ng mga ganitong isyu at hindi papayagan ang Senado na magtanong tungkol sa mga kontrobersiyal na isyu. Mahirap naman iyon.

Q: Ang executive privilege, nasa konstitusyon po iyan.

SPMBV: Yun nga ang nililiwanag namin dahil ang executive privilege ay hindi pwedeng gamitin sa pagtatakip sa isang krimen. Sinabi mismo iyan ng Korte Suprema. Anytime na may krimen na pinagtatakpan, ang executive privilege ay hindi pwedeng gamitin. Iyan ay isang doktrina na tinatanggap maski ng Supreme Court. Kinikilala nila na ang executive privilege ay di pwedeng gamitin sa pagtatakip sa isang krimen.

Q: Sa inyong pananaw bilang Pangulo ng Senado, ano ang dapat gawin upang mapawi na lahat ang kontrobersiyang ito at lumabas na ang dapat lumabas na iniimbestigahan niyo sa Senado?

SPMBV: Kung walang itinatago, wala sanang problema. Utusan na lang lahat ng opisyales na kapag inimbita kayo sa mga pagdinig, sabihin niyo lahat ang lahat ng nalalaman niyo. Sabihin niyo ang totoo para di na magpatung-patong ang mga problema. Sa nakikita ko ngayon, marami ang nagsisinungaling at dahil sa mga pagsisinungaling na ito, marami ang nagkaka-ipit-ipit, nagiging complicated ang isang bagay na napakadali naman. Noong mga nagdaang Pangulo, wala namang gumagawa nito. Lahat ay nakakapagsabi ng kanilang gustong sabihin. Dito lamang sa ating gobyerno ngayon na talagang sinasagad ang paggamit sa executive privilege at lahat ng mga uri ng memorandum circulars para mapigil ang mga government officials na magsalita.

Q: Sinasabi niyo na isang utos lang ang kailangan, okey na?

SPMBV: Isang utos lang ang kailangan, susunod lahat ng mga iyan.

Q: At sa palagay niyo pag nangyari iyan, huhupa na ang tensyong pulitikal, ang mga protesta at kung anu-ano pang alingasngas para tumahimik naman ng konti ang ating bansa?

SPMBV: Pwera na lang kung ang sasabihin nung government officials ay sangkot ang matataas na opisyal ng ating gobyerno. Ang susunod na tanong diyan, ano ang gagawin natin pagkatapos niyan. Siyempre, kailangan ng hustisya.

News Latest News Feed