Press Release
March 6, 2008

COMPROMISE FORMULA MAHIRAP MAGING DAAN PARA MAISIWALAT ANG KATOTOHANAN -- KIKO PANGILINAN

Dinepensahan ngayon ni Senate Majority Leader at Independent senator Kiko Pangilinan ang desisyon ng senado na ibasura ang inalok na "compromise formula" ng korte suprema na naglalayon sanang muling makabalik sa senado si Commission on Higher Education (CHED) chairman Romulo Neri para maglahad ng kanyang nalalaman kaugnay ng maanomalyang NBN ZTE deal.

Ayon kay Pangilinan, "Napakailap ni Neri at pilit na kinukubli ang katotohanan hinggil sa pinag-usapan nila ng Pangulo, ayaw niyang sumagot sa aming mga tanong nang walang takot na makulong. Ano pa ang saysay na makikipag-cooperate siya ngayon kung saan hindi na siya puwedeng arestuhin at ikulong dahil sa restraining order?"

Dagdag pa ni Pangilinan, "Ang desisyon ko na hindi suportahan ang "compromise formula" ay nakabase sa prinsipyong hindi natin mailalabas ang buong katotohanan kung ang kapangyarihan ng senado na mag-aresto at magkulong ng mga testigo na ayaw sumagot sa aming mga katanungan ay pipigilan."

Giit pa ni Pangilinan, "Ang mga sangkot sa NBN ZTE at ang Malakanyang ang higit na makikinabang kung patuloy na mapipigilan ang senado na gampanan ang kanyang tugkulin. Hindi natin dapat hayaan na magtagumpay at maging kasangkapan tayo ng Malakanyang para itago ang katotohanan.

Pagtatapos ni Pangilinan, "Umaasa ako na dedesisyunan ng Korte Suprema ng buong katapatan ang problemang ito para sa sambayanang Pilipino at hayaan ang senado bilang co-equal nito na magampanan ang aming mga trabaho. Ang compromise formula sa aking tingin DI MAN ITO ANG SINASADYA ay naglalayon lamang na pigilan ang senado upang maging instrumento ito ng katotohanan at dahil dito higit na makikinabang lamang ang Malakanyang para gawing inutil ang senado. Hindi kame maaaring pumayag sa ganitong kasunduan at umaaasa ako na mauunawaan ito ng korte suprema bilang co-equal nito."

News Latest News Feed