Press Release
February 21, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar
over DZBB with Arnold Clavio

Q: Nag-aaway-away daw ang mga senador, nakasentro sa Senado and imbestigasyon. Paano po ang gagawin natin dito?

SPMBV: Hindi naman accurate talaga na nagaaway-away ang mga senador. Maaring dalawa o tatlong senador ang nag-aaway. Natural lamang iyan sa isang parliament, wika nga, 23 kami doon kaya hindi natin maiiwasan na minsan may mga diperensya, pagkakaiba sa paniniwala kaya nagkakaroon ng ganyan. Generally, buo naman ang Senado kung titingnan natin. Isolated cases lang naman iyong mga nag-aaway.

Q: Bunga siguro ng eagerness.

SPMBV: Kasi lahat talaga ay concerned na magawa namin nang maayos itong trabaho. Iba-iba lamang ang pananaw kung paano mararating ang objective na iyan. Pero isa lang ang objective na kami ay magkaroon ng maayos at magandang resulta itong imbestigasyon.

Q: May mga panwagan na pwede ba itigil na natin iyan sa Senado, meron na daw sa ombudsman, meron na ring ad hoc committee ang DOJ...

SPMBV: Kasi ito ay ibinigay sa ating ng konstitusyon. Ito ay trabaho namin na kapag may anomalyang ganito ay talagang titingnan namin. Kung gusto ng ibang ahensya ng gobyerno na magkaroon ng imbestigasyon, iyan ay nasa sa kanila. Subalit ang Senado ay hindi titigil dito dahilan sa ito po ay ibinigay sa amin ng Konstitusyon. Iyan po ang aming ipinangako noong kami ay kumakandidato. Wala ho kaming choice diyan. Obligasyon naming iyan. Pero gusto ko lang sabihin na iyong sinasabi naman na hindi namin nagagawa ang aming trabaho, mali po iyan. 21 po ang napapasa naming panukala. Pangkaraniwan sa unang taon ng isang Kongreso ay wala pong naipapasa. Subalit ngayon kami, wala pang isang taon ay nakaka-21 na. In fact, noong nakaraang buwan nag-usap sa Malakanyang ang LEDAC. Nagkaisa ang pangulo, ang Mababang Kapulungan at ang Senado na para sa bayan ay magpapasa kami ng siyam na mahahalagang panukala. Doon sa siyam na iyon, walo na ang ipinapasa namin, yung cheaper medicine, UP charter, budget. Subalit iyong isa ay ayaw na namin. Hindi kami sang-ayon sa isa. Pero iyong walo, sang-ayon kami ipinasa na naming agad. Huwag pong mag-alala ang ating mga kababayan na iyong ating Senado ay hindi nakakatrabaho dahil sa imbestigasyon. Hindi po, ginagawa ho namin ang imbestigasyon sa umaga kung saan wala pa kaming sesyon at madalas Thursday or Friday kung saan wala kaming pasok. Kaya hindi po nakakaabala iyan. Tuloy-tuloy po ang pagpapasa ng panukala. Tuloy-tuloy din ang imbestigasyon.

Q: Si Speaker de Venecia ang naging kabayaran sa pagpunta ni Joey de Venecia sa Senado, nawala ang kanyang posisyon. Iyong pagsusulong ng imbestigasyon sa ZTE project, wala ka bang nararamdamang pressure na maging at risk din ang posisyon ninyo?

SPMBV: Meron din. Syempre hindi natin maiaalis iyan na merong nagtatangka din. Subalit hindi naman siguro ganoon dahil meron naman tayong suporta pa rin ng nakararami sa ating mga kasamahan. Hindi ko naman nakikita na malaking panganib. Subalit merong mga isa o dalawa na nag-iisip isip. Nababalitaan ko rin naman iyon pero hindi naman nakakabahala sa ngayon. Sa tingin ko bising-busy ang Senado dito sa aming objective. Pero kapag ikaw ay president ng Senado o speaker of the House, talagang iyan ay regalo sa iyo ng mga kasamahan mo. Kung ikaw ay gusto nilang maging lider nila, ikaw ang mahahalal. Ano mang oras ay dapat handa ka na kapag ayaw na sa iyo, wala kang magagawa doon.

Q: Doon sa ilang affairs, syempre bilang Senate president, nakakasama mo rin ang pangulo, wala bang mga pagkakataon na napag-usapan ninyo itong imbestigasyon ng Senado?

SPMBV: Bihira naman kaming magkita ng pangulo. Sa lahat naman ng social functions, kami ay nagkikita. Wala naman kaming napapag-usapan na ganyan. Nalalaman naman ng pangulo na ito ay trabaho ng Senado dahil sa siya ay naging senador din. Nalalaman naman niya na sa Senado, kapag may resolusyon kami po ay walang choice kundi talakayin iyan. Ipinangako ko naman na habang ako ay pangulo ng Senado, ang Senado ay magiging independent. Naipangako natin na hindi tayo papaimpluwensya kaninuman dito sa pagapapatakbo ng Senado.

Q: Ano ang nararamdaman ninyo sa mga nakikita ninyo, mass action kabi-kabila. Nararamdaman n'yo ang sakit na nararamdaman ng pangulo ngayon?

SPMBV: Kasi kami naman ay nasa larangan ng pamamahala ng bansa, nasa larangan ng pulitika. Alam namin na iyang mga ganyang bagay ay kasama na iyan. Kung ikaw ay sundalo, talagang nasa panganib ang iyong buhay. Naiintindihan namin na sa mga ganyang pagkakataon ay mahirap na. Nakita natin kay Speaker de Venecia na iyong kanyang inaasahan na hindi siya iiwanan ay iniwanan siya ng lahat. Iyan talaga ang pulitika. Hindi ka dapat magugulat. Kapag ikaw ay tumakbo sa pagkapangulo, talagang nakahanda ka dapat sa mga ganyan.

Q: Sinasabi na hindi papasa ang snap elections dahil may mga personalidad na sa Kongreso na naka-focus na sa 2010. Ano ang nakikita ninyo dito. Kailangan bang tapusin ng pangulo ang 2010 at makihalok na lang ang iba sa darating na eleksyon o it's about time na time out na raw.

SPMBV: Ang Senado ginagawa ang tungkulin at tuloy-tuloy ang imbestigasyon namin. Hindi namin alam kung ano ang lalabas diyan. Hindi namin alam kung ano ang sasabihin ni Mr. Lozada. Hindi namin alam kung bukas biglang may lalabas na witness sa amin. Iyan naman ay napapanood ng ating mga kababayan sa television, naririnig sa radio. Hindi natin mahuhulaan kung ano ang nasa isipan ng ating kababayan. Hindi natin alam kung sila ay lalabas sa kani-kanilang bahay at magpapakita ng kanilang galit o matutulog na lamang at wala na lang imik. Hindi natin masasabi iyan. Basta kami ginagawa namin ang aming tungkulin. We will do our part at hanggang diyan lamang po kami. Ako, bilang pangulo ng Senado ay hindi puwede halimbawa, na hihingi ng pagbaba ng pangulo sa ngayon dahil baka sabihin ay may bahid-pulitika itong ating ginagawang imbestigasyon. Subalit hindi natin alam kung hanggang saan ang hangganan ng pasensya ng ating mga mamamayan. Nakikita nila sunod-sunod iyang mga anomalyang lumalabas. May mga dayaan sa eleksyon at may mga pamumuwersa na nakikita tayo nitong nakakaraang panahon. Highlighted itong pinakahuli na kidnapping ni Mr. Lozada na sa aming apalagay ay mahihirapan talagang ipaliwanag ng ating gobyerno. Kami ay nag-ocular inspection at talagang mahirap ipaliwanag. Anim na tao, nakita sa video, ang pumik-ap kay Mr. Lozada. Iyan ay hindi maikakaila. Ako ay medyo naiinis doon sa konsepto ng security na ang definition nila ay wala kang karapatan pumunta sa gusto mong puntahan. Nagpapadala daw si Mr. Lozada sa Pasig, dinala siya sa Los Baños at anim na oras siyang pinapaikot-ikot. Pinatigil siya ng paggamit ng cellphone at ni ayaw siyang palabasin ng kotse. Ang tinataw ng PNP, iyon ay pagbibigay ng security. Sabi ko naman, kapag ganyan naman ang security, paano pa ang kidnapping? Tatlong grupo, iba iyong grupo sa airport, iba iyong grupong nag-ikot ikot at iba pang grupo iyong sa Outback. Maliwanag na malaking conspiracy itong nangyari at naiinvolved ang maraming ahensya ng gobyerno. Kaya sa palagay ko nagkakabuhol-buhol ang pagtatakip dahil sa talagang mahirap takpan ang ganitong klaseng operasyon na nakita na sa video at napakarami nang nakakaalam.

Q: Kumusta ang relasyon ng Malakanyang pagdating sa imbestigasyon, kasi dumaan tayo sa EO 464. Pero ngayon parang maluwag na sila na pinapapunta iyong mga iniimbitahan ninyo. Magandang development ito.

SPMBV: Sana. Nagulat nga ako nitong huling hearing namin na hindi naman dumating ang mga pulis dahil nakaisip sila ng paraan na sasabayan ang imbestigasyon. Sabi ng mga pulis, kasi iimbestigahan na rin kami ng isa. Iyan po sa akin ay maliwanag na para magkaroon lamang ng kadahilanan ang mga witness na hindi pumunta sa Senado. So hindi pa rin. In fact, maaaring nagsisisi ang Malakanyang sa pagpapapunta sa iba dahil nakikita ng mga tao na namimilipit sila sa pagtatakip. Bagamat ayoko munang gumawa ng konklusyon, hahayaan ko ang mga tao na gumawa ng kani-kanilang konklusyon. Dito mahalaga kasi na mabigyan namin ng patas na laban iyong iba. Inimbita naman namin iyong mga pulis para magpaliwanag ng kanilang panig at sabihin ang kanilang panig sa mga akusasyon ni Mr. Lozada subalit ayaw naman nila. Paano naman ang gagawin natin diyan? Ako naman po ay hindi nakikipag-away sa presidente. Sinasabi ko nga hindi naman ako galit na galit na kailangang bumaba ang pangulo. Ang sa amin lang, ginagawa naming an gaming tungkulin. Binibigyan naming sila ng pagkakataon na pumunta sa hearing para sagutin ang mga akusasyon sa kanila para maging fair.Ayaw naman naming si Mr. Lozada lang tatanungin namin. Marami namang umattend doon at nagpaliwanag. Palagay ko naman nakita ng ating mga mamamayan iyan at alam na nila sa kanilang isipan kung sino ang nagsasabi ng totoo.

Q: Sabi ninyo kanina hindi natin alam kung ano ang takbo ng isipan ng Filipino sa ngayon, pero iyong reason na ito ba ang government that we deserve?

SPMBV: Halimbawa napatunayan natin, nakita naman natin ang nagyari sa magkabilang panig, kidnapping halimbawa. Kung tayo makakapayag na ang isang Filipino ay makikidnap sa airport, sa NAIA at hindi tayo kikibo, baka dumating ang panahon mangyari sa atin ito, mangyari sa ating mga mahal sa buhay, mangyari sa mga anak natin. Wala na tayong masisisi kundi mga sarili natin dahil noong unang malaman natin iyan, hindi naman tayo nagsikibo.

Q: Ano ang puwedeng gawin kung sakaling maunahan tayo ng military take over?

SPMBV: Napakahirap naman noon na ia-assume natin na dahil magkakaroon ng military take-over, tayo ay uupo na lamang. Kung nakikita natin na maliwanag naman na nagkakaroon ng nakawan sa gobyero at kidnapping tayo ay walang gagawin dahil natatakot tayo na maaaring magtake-over ang military. Masyadong kawawa naman ang ating bansa. Ako naman ay naniniwala na ang ating Armed Forces ay responsableng mga tao iyan. Kung sila ay gagawa ng aksyon na ganyan. I'm sure na nalalaman nila ang kanilang ginagawa at naiisip nila kung paanong magiging beneficial sa ating bansa ang kanilang gagawin.

Q: Kayo ay nangunguna rin sa tinatawag na moral revolution

SPMBV: To be honest about it, ako po ay sumusuporta sa anumang programa sa kagalingan ng bansa. Ako naman ay sumusuporta sa programa ng ating kaibigan na si Speaker de Venecia. Subalit hindi ako puwedeng mag-active doon bilang pangulo ng Senado.

Q: Kumusta naman ang relasyon ninyo sa bagong speaker?

SPMBV: Okay din naman. Ako naman ay may paggalang din sa ating Mababang Kapulungan. Sila ay nagdesisyon na magpalit ng speaker. Hindi naman fair na bagaman kaibigan ko si Joe. Kaibigan ko rin naman si Speaker Nograles. Ang aking aksyon diyan ay institutional. Bilang pangulo ng Senado, mahalaga na maganda pa rin ang relasyon ng Senado at ng Mababang Kapulungan. Ako ay nagsabi sa kanya na tuloy dapat ang ating kooperasyon para sa bayan. Kinakailangan tuloy ang ating kooperasyon para mas mabilis ang paglabas ng mga panukala. Hindi naman tayo kailangang maapektuhan ng pulitika sa paggawa ng ating trabaho.

Q: Is there any pressure coming directly from Malacañang for you to stop the probe? Kung meron, what form did it take, phone ba, letters?

SPMBV: Mahirap sabihin iyan pero maliwanag na syempre... But to be fair with the, wala namang diretso pa so far. Puro mga pahaging lang...

Q: Anong pahaging? Itigil na iyan?

SPMBV: Mga ganoon. Hanggang kelan ba iyan? Ano ba ang dulo niyan?

Q: Kayo ba nakakatanggap ng text na walang pakinabang ang Senado?

SPMBV: Naiintindihan naman namin iyon. Pero ako naman kasi hindi naapektuhan niyan dahil sa tingin ko iyon ang trabaho namin talaga. Basta dire-diretso ka lang. mahirap kapag nagpaapekto ka.

Q: Hangga't hindi nasasagot ang inyong katanungan, tuloy-tuloy ito?

SPMBV: Oo. Ako naman, malinis ang kunsensya ko diyan. Hindi ko naman kilala itong si Mr. Lozada. Hindi ko naman alam na susuko siya. Hindi ko naman alam kung ano ang kanyang sasabihin. Prior to that, hindi ko naman siya kinakausap. Talagang hindi naman masasabi na ito ay inayos o grandstanding o para sa 2010.

Q: May nakasuhan na ba sa mga imbestigasyon ng Senado?

SPMBV: Nais kong sabihin na ang pangunahing layunin nito ay in aid of legislation. Sa ZTE, napakaraming nang dapat kong mai-file na bill. Unang-una iyong sa wiretapping na sinabi ni Mr. Lozada na nakikinig ang mga pulis sa usapan sa Senado.Naba-bug kami. Pati iyong text. Ibig sabihin marami talagang dapat i-reporma sa ating wiretapping law. Pangalawa dito sa ZTE, can you imagine procurement ng mga kontrata napakadali naman at para namang bumili lang ng house and lot. Nawawala ang kontrata sa hotel room iyong mga ganoong $330 million. Ano ba iyon. Nagiging napakaliit na bagay iyong napakalaking pera sa kabila ng ating kahirapan. Iyong witness protection program. Ang WPP under DOJ, paano kung ang tao ay bibirahin ang gobyerno o kakalabanin ang DOJ? Wala na siyang pag-asang magkaroon ng WPP? Kaya nararapat na magkaroon ng ibang klaseng WPP para naman sa mage-expose laban sa pamahalaan... Kaya mali po na sasabihin na dahilan sa aming mga imbestigasyon walang lalabas na imbestigasyon na ito, walang lalabas na legislation. Madami na. Ako nga, apat na ang aking ipa-file dahilan dito sa ZTE. Ako pa lang iyan. Pwera pa iyong ibang senador. Apat na ang naiisip ko, iyong sa wiretapping, WPP, itong sa airport kung paano ang sistema na parang nakikidnap. Ano ba ang ibig sabihin niyang pagbibigay ng security? Parang kidnapping ang tingin ko doon sa pangyayari.

Q: May sarili silang mga ruta sa airport...

SPMBV: Itong nangyari kay Mr. Lozada, pambihira ang nangyari dito. Normally pagdating mo sa arrival ka darating. Sa kanya, idinaan siya sa departure kaya pasalubong ang mga tao sa kanya. Kaya iyong camera medyo lihis. Biruin mo nga naman iyon. Malaking operation talaga iyon. Alam mo naman sa airport, hindi puwedeng kung saan-saan ka papasok. Para ikaw ay makapunta sa departure at kasama mo ay anim?

Q: Iyong tungkol sa pagsasampa ng kaso...

SPMBV: Kami ay magrerekomenda lang. Pangunahing layunin ay iyong aming ipa-file.

Q: Sinasabi nila pagsampa na lang sila ng kaso...

SPMBV: Hindi, pangalawa lamang iyon. Kung baga isa lamang iyon sa maari mong gawin pero hindi nangangahulugan na iyan ay primary namin na gagawin. Kung hindi nangyari iyong sa ZTE, palagay ko hindi rin namin maiisip iyong sa WPP. Kasi iniisip namin kung paano si Mr. Lozada after, ano ang ibibigay naming tulong dito pagkatapos mag-witness nito? Hindi namin maibigay sa WPP dahil DOJ iyon.

Q: Isa rin diyan, kailangan mabayaran ng Senado ang credit card ni Jun Lozada...

SPMBV: Maski iyan. Isang katanungan iyan. Paano ang gagawin mo sa P500,000? Sabi ni Mr. Gaite pribado daw iyon. Paano mo isasauli iyan? Ibig sabihin, maraming katanungan na kailangang iayos din ang batas. Unang-una dapat i-define ng pulis kung iyong ginawa nila kay Mr. Lozada ay security. Kapag ganoon ang security, talagang nenerbyosin ka.

Q: Habang wala pa iyong WPP, ano ang balak ninyo kay Mr. Lozada?

SPMBV: Actually siya ngayon ay kinukupkop ng simbahan. Umaalalay lang kami. Actually binigyan namin siya ng karapatang pumili kung saan niya gusto. Mas gusto niya roon, mas kumportable siya doon, okay naman sa amin.

Q: Kumusta ang relasyon ninyo kay VP de Castro?

SPMBV: Kami ni Noli ay magkaibigan. Last Wednesday nag-dinner pa kami. Ang Wednesday Club, tuloy naman iyan. Kami naman naiintindihan namin na ito ay matagal pa. hindi namin alam kung kami ay talagang magkakalaban o may mangyayari pa. walang point na ang magkaibigan ay magkasamaan ng loob sa ganitong pagkakataon. Kami ay magkaibigan ni Noli at nananatiling magkaibigan.

Q: Hindi kayo gumawa noong mansion?

SPMBV: Hindi kami gumagawa doon at saka baka hindi naman totoo iyan. Baka sinisiraan lang si Noli.

Q: Sa Wednesday kung magkikita kayo, mapapag-usapan kaya iyon? Mukhang masasakit iyong binitawan ng kapwa ninyo senador kahapon.

SPMBV: I'm sure kaya namang sagutin ni Noli iyan. Siya naman ang dapat sumagot diyan.

Q: Sa tingin ninyo may silbi pa ang COA?

SPMBV: Meron naman dahil kung wala lalong lalakas ang loob ng iba.

Q: On Rep. Cynthia Villar

SPMBV: 18 pa lang ako, magkakilala na kami.

Q: Kung laking mahirap ka, ang pag-ibig itinatabi natin iyan. Mag-aaral muna tayo...

SPMBV: Totoo naman iyon. Iyon ang iniisip mo na rin. Pero syempre noong una kaming magkakilala, hindi ko pa naman nililigawan.

Q: Paano dumating sa punto na eto na, siya na...

SPMBV: Nararamdaman mo lang iyan. Ang mga ganyang bagay mararamdaman mo na lang. Magkakabarkada kayo. Very close kami noon sa college. Kasi maliit lang ang college sa business. Barkadahan lang, dahil sa wala naman akong barkada sa lugar namin.

Q: Ano ang gustong-gusto ninyo kay Ma'am Cynthia?

SPMBV: Basta nararamdaman mo lang, iyon na. walang specific na reason. Basta kapag nakikita mo ang tao, alam mo na iyon.

Q: Long engagement ba kayo?

SPMBV: Matagal din. Ang una muna ay magkabarkada lang kami. Magkaibigan lang. Noong pagka-graduate, nagde-deliver ako ng isda, siya ay nagtuturo sa FEU. Sinusundo ko noon sa FEU at ang date namin ay matamis na saging na may yelo.

Q: Saan kayo nag-date?

SPMBV: Actually magkabarkada kami noong college so maraming beses na iyon, among mga dates simple lang, jumbo pao. Matipid noon.

Q: Una't huling babae siya?

SPMBV: Kasi 18 pa lang kami noon. Before that naman, wala ka namang time talaga. Medyo seryoso ang trabaho noon. Noong kolehiyo, noong pa-graduate na ako, lumuwag-luwag na kaya nakakaligaw-ligaw na.

Q: Ano ang pinakamatinding trial na dumaan sa inyo? Wala bang ibang babae na umeentra?

SPMBV: Hindi namin masyadong nagiging problema iyan. Kasi noong mga bata pa kami nag-business na kami, nagtutulungan kami. Mahirap kapag nagsisimula ka at wala kang pera, kulang na kulang. Wala kang puhunan, tapos nagpupundar kayo. Kaya natawag na sipag at tiyaga dahil kapag nagsisimula ka sa business, talagang maraming problema, wala kang pasweldo.

Q: Ano ang pagkakaiba kung bakit mas maunlad ang Chinese sa mga Filipino?

SPMBV: Unang-una sila kapag nagsimula ng kahit na anong hanap-buhay, nangangarap sila na balang-araw sila ang pinakamalaki sa Divisoria, pinakamalaki sa Maynila. Ang pinoy kapag nagnegosyo, sasabihin mapag-aral ko lang ang anak ko mgreretiro na ako. Saka kapag kumita na, bibili na ng alahas, bibili na ng bahay. Ang mga Chinese ibinabalik agad ang kinikita dahil sa kanila masaya iyong makita nila na lumalaki ang kanilang negosyo. Parang ang tingin nila doon, baby nila. Parang artist ka na iyon ang painting mo. Marami sa kanila simpleng-simple, hindi nakakabili ng damit para lang magkapuhunan ang negosyo nila.

Q: Bukod sa moral revolution, kailangan din natin ng entrepreneurial revolution?

SPMBV: Ang totoo kapag ako naman ay magkakaroon ng sariling rebolusyon, iyan ang gagawin ko entrepreneurial. Iyon ang makakapag-angat ng ating kabuhayan. Hindi ito iyong malalaking negosyo kundi iyong mga nagtitinda ng mani, ng hipon na para sila ay mangarap na lumaki at maging desidido. Kasi mararamdaman nila na masarap. Akala mo lang kapag ikaw ang nanonood, kawawa naman ito nagpapakahirap. Pero ang totoo niyan kapag ikaw na ang nandiyan, iyong hirap na iyon masarap din. Syempre kaya lang masarap ang isang bagay kapag dumaan ka sa hirap. Kapag naranasan mo ang hirap, napakasarap kapag ikaw ay nagtagumpay.

Q: Paano po kayo magtinda ng hipon noong araw?

SPMBV: Aalukin mo lang na, Ale, hipon ho baka gusto ninyo. Ia-assume naman na sariwa iyon. Lahat naman kasi sariwa ng kahilera mo dahil area-area. May area ng hipon, lapu-lapu. Sasabihin mo lang, Ale, Ale baka gusto ninyo ng hipon. Madali namang mahila kung bibili talaga.

Ang totoo niyan, maski hindi mo suki, suki ang tawag mo. Maski na pangalawang beses mo pa lang nakikita, suki na ang tawag mo doon. Ang masarap sa palengke, hindi ka magugutom kasi maraming makakain. Kapag may natitira, magpapaluto ka sa mga kaibigan mo.

News Latest News Feed