Press Release
February 13, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar over DZRH
with Deo Macalma and Ruth Abao

Q: Bukas ho ba o sa Lunes ang ocular inspection sa NAIA?

SPMBV: Bukas natin gagawin iyan. Kasi napakarami, iba't ibang istorya kaya nai-suggest ko sa committee na para matapos iyan, mas maganda talagang doon mismo ipakita kung saan dumating iyong mga kumuha kay Mr. Lozada at saan sila umalis, kung saan naghihintay ang asawa at mga kapatid. Para maliwanag na mismo sa paningin ng bawat isa iyong nangyari.

Q: Dito rin ba makikita ninyo, kasi may alegasyon na ito daw po ay dinuktor?

SPMBV: Palagay ko makikita naman dahil sa titingnan namin ang oras. Halimbawa, masyadong maikli ang panahon na nasa CCTV, parang tumakbo na si Lozada doon. Kung makikita naman na siya ay lumalakad, that means may nawalang portion. Titingnan namin iyong kumpleto nang sa ganoon ay ma-validate namin iyong monitor at iyong nangyari. Pero sa tingin ko, may ideya na kami, konti na lamang na aktwal para hindi na drawing-drawing.

Q: Ayaw daw ninyo ng surprise inspection dahil kung bukas pa, maaaring marami na ang mababago doon?

SPMBV: Baka hindi na kami mag-surprise inspection, hindi naman nila maaalis ang tunnel saka iyong iba hindi na mababago.

Q: Usually ho ba kapag ang mga opisyales ang sinusundo, mula ba sa tunnel sinusundo na kayo?

SPMBV: Iyong tunnel mismo, walang nakakapasok doon except iyong may wheelchair. Kapag nag-request ka, iyon yung mga nandoon.

Q: Kakaiba po talaga ang sitwasyon na iyon?

SPMBV: Kakaiba saka mahirap talagang ipaliwanag iyong anim na oras kang iniikot. Napakahirap talaga, naaawa na rin ako dito sa pagko-cover ng ating kapulisan, siguro nautusan, sapagkat talagang anim na oras. Sabi ko nga, kapag pinadalhan ka ng security, normally sumasama sa iyo ang security mo at hindi sila magdidikta kung saan sila dadalhin. Pangalawa, hindi daw siya pinababa sa kotse at pinatigil ang kanyang cellphone at gabi. Gusto daw niyang padala sa Pasig, pinadala siya sa Los Baños. Medyo kakaiba namang pagbabantay iyong nakikita ko na iyon. Hindi kapani-paniwala na sini-secure lamang si Mr. Lozada.

Q: Paano magkakaroon ng talagang reenactment, itong si Sgt. Rodolfo Valeroso ay hindi pa lumilitaw?

SPMBV: Hindi naman kailangang reenactment, ituturo lang ang steps para malaman kung gaano katagal, kung paano talaga. Tama ka roon, hindi naman necessary na bukas namin gawin iyan. Baka iyan ang tentative.

Q: May mga sinasabi na itong ginagawang imbestigasyon ay puro grandstanding, wala naman daw pong nangyayari. Bilang Senate president, ano po ang maaasahan namin dito sa pinagagagawang imbestigasyon sa ZTE-NBN deal?

SPMBV: Unang-una, bagama't puwede naming kupkupin si Mr. Lozada, actually mga pari at madre and kumukupkop kay Mr. Lozada. Sinasabi nila na talagang kinukupkop namin, hindi po. Ni hindi ko alam kung nasaan siya ngayon. In a way, hindi naman kami parang gumagastos din diyan. Unang-una, ni hindi ko kilala iyan. Bagama't ngayon alam ko na nakita ko na siya before, pero hindi ko alam ang pangyayari na iyan kaya nagulat ako nang tumawag ang asawa sa akin at hysterical at sinasabi na nawawala iyong kanyang asawa at humihingi ng tulong. Doon lamang ako medyo na-involved dito kaya mali naman iyong sasabihin na ito ay matagal na naming pinaplano. At least, ako, bilang pangulo. Of course, maaring merong ibang senador na nakausap, okay naman iyon, talagang naghahanap ng witness. Subalit hindi naman parang witness namin ito na parang all the way na sa Senado. Ako personally as Senate president, nakita ko lang itong si Mr. Lozada nitong taon na ito nang sumerender siya sa Senado.

Q: Si Sen. Joker Arroyo pinupulaan po ang mga imbestigasyon na ginagawa ng Senado, ang gusto niyang mangyari, sana hindi matulad sa mga naunang imbestigasyon tulad ng Joc Joc Bolante, walang committee report at walang recommendation.

SPMBV: Dito sisiguruhin natin na may report. Iyon namang kay Joc Joc Bolante, may report iyon. In fact, hinahanap talaga si Joc Joc Bolante. May report iyon, hindi nga lamang naka-appear si Mr. Bolante. Subalit nagpe-prepare ng report ang committee. Meron din namang imbestigasyon na hindi maayos, naiintindihan natin iyan. Kasi sa Senado, committee system. Ang committee ang nagde-decide kung paano ang patakbo. Karamihan naman okay, to be fair. Bagamat syempre, may mangilan-ngilan na hindi maganda ang kinakalabasan subalit karamihan naman ay nagbubunga rin ng magagandang lehistasyon.

Q: Ano po ang reaksyon ninyo sa recent SWS survey na nagsasabing kayo po ay number two sa gusto ng mga tao na pumalit kay GMA sa 2010?

SPMBV: Syempre medyo masaya naman tayo diyan dahil sa dati ay mas mababa tayo. Pero sabi ko nga, matagal pa naman iyan.

Q: Umakyat po kayo?

SPMBV: Before, matagal na. Kaya okay ako, happy tayo diyan. Natutuwa naman ako at nakita ko nga kanina kaibigan ko rin ang number one. Bagamat sabi ko nga, matagal pa iyan at hindi pa natin puwedeng panghawakan ang ganyang popularity. Syempre marami pang mga bagay-bagay ang mangyayari sa mga darating na panahon. Subalit personally, sa aking nakita happy naman ako diyan. Iba naman iyan kasi sa approval rating. Ang approval rating ay parang approval nila sa tinatrabaho mo, sa iyong performance sa iyong tungkulin.

Q: Kaliwa't kanan po ang humihiling ngayon na mag-resign ang presidente, magpatawag ng snap election. Sang-ayon ba kayo sa snap elections?

SPMBV: Kasi alam mo, ayokong masabi ng tao na ang imbestigasyon ng Senado ay pulitika o grandstanding kaya ako ay hindi humihingi ng resignasyon ninuman. Basta sinasabi ko lang na kami ay tuloy-tuloy. Papangatawanan ng Senado itong imbestigasyon na ito. Hindi ako humihingi ng resignation ninuman subalit iginagalang ko ang kapasyahan ng sinoman na humingi ng resignation ng namumuno sa pamahalaan. Naiintindihan ko kung bakit ganoon. Ako lamang ay bagama't meron akong naiisip, minamarapat ko na huwag magsalita ngayon sapagkat baka sabihin na itong ginagawa namin ay para sa 2010 o para sa pulitika.

Q: Pero ano ang gagawin natin kasi hindi naman natin pwedeng pabayaan itong allegations left and right? Kayong political leaders namin, how should we look at all of these?

SPMBV: Lumabas kasi, hindi naman natin maitatanggi at hindi natin pwedeng maiiwasan na talagang merong nangyaring kidnapping. Tatlong tao na ang nagde-describe ng ZTE deal, si Joey de Venecia, si Mr. Neri, si Mr. Lozada. Napakahirap naman na iisipin mo na tatlo sila, iba't iba naman ang character, iba't iba naman ang personalidad, ay nagsama-sama ng isang istorya na parang pang-komiks lamang. Hindi naman po siguro kapani-paniwala iyon. Hindi namin kagustuhan itong nangyaring anomalya. Ayaw po namin ng ganitong anomalya kaya lamang kami ay may tungkulin. Ang tungkulin namin ay ginagawa namin nang buong sipag. Desidido kami, hindi kami natatakot. Nalulungkot kami kung merong madadamay, hindi namin gusto iyan. Subalit meron po tayong batas na dapat igalang at meron tayong mamamayan na dapat pangalagaan.

Q: Sa Biyernes po magra-rally ang nasa oposisyon. Sasali po ba kayo diyan?

SPMBV: Titingnan ko muna kasi baka pupunta kami sa Laoag. Baka hindi po muna tayo makakasama diyan, pangit kasing tingnan bilang pangulo ng Senado. Kami kasi ang nag-iimbestiga.

News Latest News Feed