Press Release
February 12, 2008

TRANSCRIPT OF INTERVIEW WITH SENATE PRESIDENT MANNY VILLAR OVER DZMM WITH NEIL OCAMPO

Yun po bang 10 hours na ibinabad ng Senado kahapon sa hearing, sa palagay niyo ba, hindi pagsasayang ng oras iyon?

SPMBV: Hindi. Medyo mahirap nga lang dahil kailangan bigyan mo ng pagkakataon ang bawat senador na magtanong at magsalita at bigyan din ng chance ang lahat ng witness na magsalita at sagutin ang mga itinatanong sa kanila. Kaya okey lang, kahit medyo humaba ang oras ng pagdinig.

Sa nangyaring pong pagdinig kahapon, ano po ba talaga ang nangyari kay Jun Lozada? Siya po ba ay kinidnap talaga?

SPMBV: Unang-una, iba-iba ang opinyon ng mga senador. Pero isa ako sa mga naniniwala na nakidnap si Mr. Lozada. Wala kasi sa kanyang control ang sitwasyon. Nagpapahatid siya sa Pasig pero di siya pinagbigyan. Ang mga nangyari noong gabing iyon ay labag sa kalooban niya. Medyo mabigat at iyon ang hindi na-disprove ng mga taong gobyerno.

Lumutang din po sa pagdinig kahapon yung kawalang koordinasyon ng mga otoridad.

SPMBV: Maliwanag sa hearing kahapon na hindi makakapasok sa NAIA ang mga pulis na walang approval ang airport officials. Napansin ko kahapon na pinipigil nila si Mr. Lozada na humarap sa Senado kaya ako ay nagagalit dahil ang Senado naman ay walang tangkang masama sa sinumang iniimbita sa mga pagdinig. Yung mga may warrant of arrest, pagdating nila sa Senado ay binibigyan sila ng maximum tolerance. Kaya yung may mga saubpoena at arrest warrant from the Senate ay hindi dapat mabahala at matakot para sa kanilang buhay.

Si Chairman Neri po ba ay pipilitin niyo pa ring dumalo sa hearing?

SPMBV: Sa kaso ni Chairman Neri, sinabihan kami ng Supreme Court na i-hold muna ang arrest order at magkakaroon pa ng argumento tungkol dito sa Korte Suprema. Pag-aaralan pa ng korte kung ide-declare na valid ang arrest order kay Chairman Neri. Sumunod kami sa Korte Suprema at hindi muna naming ini-implement yung order at libre si Chairman Neri kung anuman ang kanyang gustong gawin. Pero kapag sinabi ng Supreme Court na valid yung arrest order, wala kaming choice kundi ipatupad iyon. Pero pag sinabi din na hindi valid, susundin din namin ang korte.

Ano ang susunod na eksena sa Blue Ribbon?

SPMBV: Magkakaroon ng ocular inspection sa airport at saka mag-e-schedule din kung kailan ang next hearing. Marami pa kasing nabanggit na mga pangalan at gusto na rin naming magkaroon ng tuldok ang chapter sa isyu ng kidnapping o kung anuman iyan ng walang alinlangan.

Sa palagay niyo ba may kinalaman sa mainitang ZTE hearing ng Senado ang pagbagsak ng merkado at piso?

SPMBV: May mga magsasabi talaga ng ganyan pero naniniwala ako na kaya bumagsak ang stock market ay dahil sa pagbagsak ng Dow Jones dahil talagang ang pagbagsak ng ekonomiya ng Amerika ay lumalala. Pag bumabagsak ang Dow Jones, bumababa din ang merkado nito.

Hindi po ba naaapektuhan ang paggawa ng batas ng Senado sa ginagawa niyong hearing ngayon?

SPMBV: Hindi naman. To date, 19 bills na ang naipapasa natin. Pinagbubuti namin ang aming trabaho sa Senado para walang masabi tungkol sa paggawa namin ng panukala. Ina-assure ko ang ating mga kababayan na ina-aksyunan ng Senado lalo na ang mga mahahalagang panukala. Baka magtrabaho kami ngayon hanggang Biyernes para mapagsabay ang mga pagdinig at pagpapatibay ng mga panukalang batas.

Si Chairman Abalos po ba ay ico-compel din na dumalo sa Senado? Siya po ba ay ipapa-aresto niyo rin?

SPMBV: Hindi ko pa alam. Magmi-meeting ang mga komite na humahawak sa ZTE investigation at yung mga ipapatawag nila ay depende sa mga nagdaang hearing at sa kanilang mapag-uusapan.

News Latest News Feed