Press Release
February 8, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villa rover DZBB
with Mike Enriquez

Ano po ang mangyayari ngayon sa Senado?

SPMBV: alas dies ang hearing at ang imbitado lamang naming ay si Mr. Lozada, unless may ibang biglang dumating na resource persons. Gusto na rin naming matapos agad ang testimonya ni Mr. Lozada para in fairness to him, pagkatapos niyang mag-testify ay free man siya at anytime na gusto niya ay pwede na siyang umalis sa Senado,

Paano po ang security ni Mr. Lozada matapos tumestigo sa Senado?

SPMBV: Hindi ko alam kung ano ang plano niya. Kung magrerequest ba siya na mananatili muna sa Senado o gusto na niyang umalis sa aming pangangalaga. Basta libre na siya pagkatapos ng kanyang testimonya. Ang turing namin sa kanya ay isang guest o bisita. Siguro pag-aaralan din niya kung kailan siya aalis sa aming poder. Kami naman ay handang magbigay ng seguridad hangga't gusto pa niya,

Bukod po sa nasabi niya sa presscon, may inaasahan pa ba kayong ibang sasabihin si Mr. Lozada sa pagdinig ngayong umaga?

SPMBV: Ayokong pangunahan si Mr. Lozada pero lahat ng gusto niyang sabihin ay pwede niyang ihayag sa hearing. Depende din iyan sa pagtatanong. Sa presscon kasi, yung gusto mo lang sabihin ang iyong sasabihin. Normally, sa pagtatanong sa mga hearing lumilitaw ang mga detalye. Pero pakiramdam ko, marami pa siyang alam na maari niyang sabihin sa hearing.

Pati pala yung nangyari sa pagdating ni Mr. Lozada sa airport ay iimbestigahan din ng Senado.

SPMBV:Tama iyan. Hindi lamang ang ZTE deal ang bubusisin ngayon ng Senado. Mahalagang malaman kung ano ang nangyari sa airport nang dumating si Mr. Lozada. Karapatan ng bawat isa sa atin na magbantay dahil nakakatakot na ang isang tao ay basta-basta na lamang mawawala sa airport. Hindi malaman ng kanyang pamilya kung nasaan siya. Ito ay isang bagay na gusto naming tingnan. Gusto ko ring pag-initan ng tanong ito dahil nangyari ito sa Metro Manila , at sa NAIA pa man din. Noong una kasi, lahat ay nagdi-denay. Ang NAIA, ang mga otoridad, hindi nagsasalita habang nagpa-panic ang pamilya ni Mr. Lozada,

Sinabi po ni Sec. Bunye na dapat ipina-file na lang ang kaso sa korte dahil in aid of grandstanding ang ginagawa ngayon ng Senado.

SPMBV: Ang ZTE ay matagal nang usapin at hindi pa tapos ang imbestigasyon ng Senado ukol dito. Lumabas si Mr. Lozada bilang witness at obligasyon ng Blue Ribbon at ng iba pang komite ng Senado na imbitahan ang sinumang testigo lalo na at di pa tapos ang imbistigasyon. Hindi namin kagustuhan at hindi naming inaasahan ang nangyari sa airport. Ako nga ay nasabihan lang na darating siya noong parating na siya galing kay Hong Kong . Nag-umpisa akong mabahala nang makasusap ko si Mrs. Lozada na umiiyak at nag-panic dahil nawawala daw si Jun. Hanggang narinig ko sa radyo yung mga report. Almost 2 and half hours after na dumating si Jun Lozada, doon na ako nabahala dahil hindi raw nila alam kung nasaan si Mr. Lozada. Kahapon din, nakausap ko si Mr. Lozada at bagama't ayaw ko siyang i-preempt, sinabi niya na hindi niya alam na siya ay pipik-apin sa airport.

Sinabi po ni Ma'am Carmen Lozada na may pinapirmahang papeles sa kanila ang PNP na nagsasabing sila ang nag-request ng security.

SPMBV: Hindi ko alam ang detalye tungkol diyan pero may sinabi si Mr. Lozada sa akin na may pimirmahan siyang dokumento. Sabi niya na siyempre naman, kapag ikaw ay hawak, at may papirmahan sa iyo ay pipirmahan mo. Hindi ko alam kung sasabihin niya iyan mamaya sa hearing pero maliwanag ang sinabi niya sa akin, di niya alam na siya ay pipik-apin. Ano ba namang klaseng humingi ng proteksyon ito, hindi niya alam na siya ay pipik-apin sa airport.

Kitang-kita ngayon na ang nagbibigay ng proteksyon kay Mr. Lozada ay iyong mga religious people. Mga madre.

SPMBV: Noong unang mga oras na kanyang pagkawala, hindi religious ang may hawak sa kanya. Sa mahabang oras, ibang tao ang may hawak sa kanya at hindi niya kilala. Saka na lang siya binigyan ng proteksyon ng mga madre at pari noong nasa La Salle na siya. Kasi noong mga 2 and a half hours matapos dumating si Lozada, hindi pa siya nakikita at hindi pa siya tumatawag sa misis niya.

Importanteng impormasyon yan. Malalaman ba namin iyan sa hearing mamaya?

SPMBV: Iyan ang kwento niya sa akin kahapon at sinabi ko sa kanya na sabihin sa hearing para opisyal at under oath ang kanyang statement.

Ano po ang papel ng mga madre at pari sa lahat ng ito, kung meron man?

SPMBV: Well, sila ang nagbibigay ng proteksyon kay Mr. Lozada. Hindi nila ito hinihiwalayan. Syempre, napik-ap na iyong tao, kinakabahan na sila siguro na baka mapik-ap uli siya.

Sinabi naman po ng pamilya Lozada na sila talaga ay humingi ng proteksyon sa religious groups.

SPMBV: Iyan lang naman talaga ang pinagkakatiwalaan ni Mr. Lozada. Naiintindihan namin iyan. In fact, pinayagan namin na di humiwalay sa kanya ang mga madre at all times. Pinayagan din namin si Mr. Lozada kung sino man ang gusto niyang makasama sa loob ng Senado.

Ano po ang mensahe niyo sa taumbayan na pihadong tututok sa gagawing imbestigasyon ng senado sa araw na ito?

SPMBV: ito kasi ay tungkulin na ibinigay sa amin ng konstitusyon at ito din ang tungkulin na sinabi namin sa ating mga kababayan noong kami ay humarap at mahalal na senador. Hindi kami naga-grandstanding dito at hindi rin namin ito ginagawa dahil sa pulitika. Ito ay trabaho namin. Ngayong araw ay magsasalita si Mr. Lozada at ang intension namin ay marinig ang kanyang sasabihin. Papag-aralan namin ang kanyang testimonya, gagawa ng mga kaukulang hakbang at maririnig lahat iyan ng taumbayan. Ang taumbayan na ang bahalang maghusga kung papaniwalaan nila o hindi si Mr. Lozada. Kung mae-establish sa pagdinig na siya ay talagang dinukot sa airport, ito ay isang bagay na dapat nating ikabahala dahil hindi dapat nangyayari ang mga ganitong insidente sa isang demokrasya na katulad ng Pilipinas.

News Latest News Feed