Press Release
January 23, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar -- DZMM

Q. Pag-usapan po natin ang ating burukrasya. Sabi po ni Civil Service Chair David, nasobrahan na ng pagbibigay ng pabor sa mga taong di kwalipikado na nailagay po sa gobyerno. Ano po ba ang tingin nyo dito?

SPMBV: Totoo iyan dahil sa palagay ko, political survival ang nagiging unang dahilan sa pag-aappoint ng mga tao ngayon. Sa impeachment for example, marami talaga ang na-appoint sa gobyerno dahil sa prosesong iyon at marami na ring military na na-appoint ngayon sa pamahalaan. Tama si Chairman David. Hindi talaga ito maganda at dahil ditto, nawawalan na ng gana ang mga masisipag na nasa ating burukrasya. Nawawalan na sila ng pag-asa na magkaroon ng pagkakataong umasenso.

Q. Di ho ba napakaimportate na ang iyong ilalagay sa posisyon ay yung mga taong kilala mo, loyal at tapat?

SPMBV: Insecurity lamang iyan kasi parang takot na takot kang mapaligiran ng mga magagaling na tao o kaya'y mga taong hindi loyal sa iyo. Yung loyalty naman, makukuha mo rin iyan kahit iyong mga taong nakapaligid sa iyo ay hindi loyal sa iyo. Kapag nakita naman nila na magaling kang lider at ginagawa mo ng mahusay ang iyong trabaho, makukuha mo rin ang loyalty nila over time. Para sa akin, mas magandang paraan iyon at mas simple kaysa ilagay mo ng ilagay ang mga tao mo sa gobyerno.

Q. Ang sinasabi niyo po Mr. SP, kung magaling talaga ang lider, kahit kaaway pa na pulitiko ang nasa paligid niya, makukuha rin nya ang katapatan ng mga taong ito in the end.

SPMBV: Oo. Kung tunay kang lider, pati yung mga taong hindi mo kakampi ay makukuha mo rin ang loob pagtagal-tagal at baka nga lumipat pa sa iyo. Yung mga tao kasi, nag-oobserba iyan at tinitingnan ang kilos at performance ng lider. Makikita nila kung magaling ka at kahit paanoay bibilib sa iyo iyan. Darating ang araw na mawi-win mo ang kanilang loyalty. Mas simple pa nga at walang gaanong pulitika kung pagsisikapan mo na lang na i-win ang loyalty ng mga taong nakapaligid sa iyo. Iyan sa tingin ko ang marka ng isang tunay na lider.

Q. Iyan ho bang strategy na iyan ay nasubukan niyo na Mr. SP?

SPMBV: Hindi ako mahilig ng tanggal ng tanggal. Kapag na-aappoint ako sa isang posisyon, hangga't maaari, iyon na ring aking nadaratnan na mga tao ang maging ka-trabaho ko. Kapag kasi bago ang pinuno ng isang tanggapan, nangangamba iyong mga empleyado na baka sibakin mo sila. Pero kapag nakita nila na nagta-trabaho ka ng maayos, pagtagal-tagal ng panahon, makukuha mo na rin ang loob ng mga tao.

Q. May panukalang batas na ba sa Senado na magsasa-ayos sa burukrasya?

SPMBV: Sumusunod kami sa Civil Service. Ang problema kasi pag nailagay na ang maraming tao sa gobyerno, nag-aaccumulate iyan. Padami ng padami iyan and after a while, magiging bloated na. Hindi mo na maaalis iyon dahil sa sistema natin, protected din ang mga appointees na iyan. Kaya habang tumatagal, dumadami ang mga appointees sa gobyerno.

Q. Sa proposal po ng CSC na isinusulong sa kongreso, sa mga lower positions ay kailangan na ng approval ng CSC maliban doon sa mga secretaries at USEC na saklaw pa rin ng appointing power ng Pangulo.

SPMBV: Maganda rin iyan. Pero may suggestion lang ako sa CSC na dapat may kaunting flexibility din sa paggalaw sa burukrasya. Yung iba kasing empleyado, sobrang tamad at may mga ginagawang kalokohan, pero hindi rin maaalis nung mga namumuno kaya nahihirapan sila sa management. Dapat bigyan din ng CSC ng flexibility ang mga department heads na disiplinahin at desisyunan ang mga kawani na umaabuso para mas maging maganda ang governance at maging competitive at efficient ang trabaho.

Q. Mr. SP, nakakabahala nap o itong mga balita ngayon tungkol sa pangambang maaaring idulot ng recession sa Amerika sa iba't-ibang ekonomiya sa buong mundo. Bilang isang beterano sa pagne-negosyo, paano po bas a tingin ninyo manu-neutralize ang epekto ng ng pagbagsak US economy sa ating bansa.

SPMBV: Pinagmamasdan ng lahat ngayon kung gaano kalakas ang epekto ng US economy sa buong mundo dahilan may mga nagsabi for the past 3 years na wala ng epekto ang takbo ng US economy dahil humihiwalay na ang ekonomiya ng ibang bansa katulad ng China, India, Brazil at Russia. Kaya lang nagulat na naman ang lahat, dahil biglang nagkaroon ng nerbyos sa paghina ng ekonomiya ng US. Kaya nag-galawan lahat at bumagsak ang stock market. Huwag lang tayong magpa-panic dito. Ako ay beterano na rin sa krisis at nakita ko na sa ganitong mga bagay, dapat ay kalmante tayo. Kadalasan kasi, ang over-reaction ang nagpapalala sa sitwasyon. Huwag tayong gagawa ng mga suggestions na alanganin baka lalo tayong sumabit. Steady lang tayo dapat. Maganda naman ang interest rate natin. Pati yung fiscal deficit natin ay dapat steady lang. Ang magagawa lamang ng gobyerno ay medyo gumastos ng kaunti sa mga infrastructure na dapat ipatupad para sumigla ang ating ekonomiya at makontra ang epekto ng US recession. Sa tingin ko naman, competent ang BSP sa kanilang trabaho at steady ang handling nila sa interests at inflation kahit nahihirapan sila sa peso-dollar exchange rate. Payo ko lang, wag tayong magpa-apekto. Steady lamang tayo.

Q. Iyan ho ay sa panig ng gobyerno, paano naman makaka-apekto sa mga karaniwang mamamayan o mga taxi driver ang pagbagsak ng stock market? Ang alam lang nila ay stock ng sardinas at bigas sa kanilang kusina?

SPMBV: Pag kasi masigla ang stock market, maraming kumpanya ang nag-iinvest sa stocks na magagamit nila sa pagpapalago sa kanilang negosyo. Kung maganda ang takbo ng stock market natin, maraming mga kumpanya ang papasok sa Pilipinas, mag-iinvest ng mga planta at kung anu-ano pa, kaya dadami ang trabaho. Iyong biglang epekto, wala pa, subalit kapag masyadong pangit ang takbo ng stock market, apektado ang mga kumpanya kaya yung trabaho ay hindi na dumadami.

Q. Iyon ho bang mga karaniwang mamamayan ay pwede nating sabihan na maghinay-hinay sa paggastos dahil sa nangyayari ngayon.

SPMBV: Sa palagay ko, hindi tayo masyadong madadamay ditto pero walang masama kung alalay muna tayo sa gastos. Ang mga kumpanya ang dapat na mag-ingat sa ngayon. Dapat maging konserbatibo tayo sa ating mga galaw. Huwag tayong magpa-panic. Marami kasing mawawalan ng trabaho kapag nagkaroon tayo ng recession kaya iyon ang iniingatan at iniiwasan nating mangyari. Ang US naman ay ginagawa ang lahat para resolbahin ang problema ng kanilang ekonomiya. Gumagawa ng mga kaukulang aksyon ang US Federal Reserves Board para malutas ang problemang ito kaya baka sa darating na ilang buwan ay mag-stabilize din agad ang US economy.

Q. Panghuli na lang Mr. SP, kayo pop ala ay bibisita sa Bataan kasama si Dating Presidente Erap?

SPMBV: Pupunta kami doon at bibisitahin naming ang mga bayan ng Bataan. Taga-Orani ang nanay ko. Maganda ito para naman mabisita ni Pangulong era pang aming lalawigan. Very popular siya sa Bataan.

Q. Ano hong mga bayan ang bibisitahin nyo?

SPMBV: Dinalupihan, Orani, Mariveles at Balanga.

Q. Hindi ho ba kampanya na iyan? Itataas na ho ba ni Erap ang inyong kamay?

SPMBV: Hindi naman. Ito ay pagbisita lang sa mga kakilala at kaibigan. Kami naman ay magkaibigan at nagtutulungan sa aming mga ginagawa. Gusto ko ring makita siya ng kanyang mga supporters sa Bataan.

Q. Hindi pa ba dapat kabahan o nerbyusin ang ibang naghahangad sa basbas ni Erap para sa 2010?

SPMBV: Hindi naman siguro. Papasyal lang naman at ilang bayan lang naman ang aming bibisitahin.

News Latest News Feed