Press Release
January 18, 2008

Transcript of interview with Senate President Manny Villar -DZMM

Q. Wala na ho bang atrasan na kayo ay magiging presidente na?

SPMBV: ng Senado. Huwag na muna nating pag-usapan ang halalan.

Q. Mr. SP, mag-report muna kayo sa bayan. Kailan po magbubukas uli ang sesyon at ano ang nangyari sa national budget?

SPMBV: Sa Jan. 28, magbubukas na ang sesyon. Dapat nga next week ito pero nakiusap ang Kamara dahil ginagawa pa yung building na nasabugan ng bomba kaya na-delay kami ng one week. Yung budget naman ay nasa bicam na at magre-report na yung mga chairmen kaya't inaasahan na ito ay mapagtitibay na sa Pebrero. Hindi lang iyan ang nasa bicam sa ngayon. Nandiyan din yung cheaper medicines bill at iba pang panukala na aming pinagtibay bago kami mag-adjourn noong Pasko. Malaking accomplishment para sa Senado ang pagpasa ng 18 panukala sa 1st five months na pagbubukas ng kongreso. Normally kasi, walang gaanong naipapasa sa mga unang buwan ng pagbubukas ng sesyon. Sa 9 LEDAC-identified na priority bills, 8 dito ang napagtibay na ng Senado.

Q. Mayroon pong kontrobersiyal na probisyon ang Cheaper Medicines Bill na inirereklamo ng Phil. Medical Association dahil pagbabawalan na ang mga doctor na mag-reseta ng branded na mga gamot. Puro generics na lang ang dapat nilang i-reseta at sila ngayon ay nagbabanta ng hospital holiday.

SPMBV: Hindi ako nakikialam masyado sa usapan sa bicam. Iyan ay iniiwan ko sa mga kinatawan ng Senado sa bicam. Pero titingnan ko ang probisyon na iyan para hindi maging problema sa mga doctor ang panukalang ito.

Q. Kunsabagay, may sapat din namang pondo ang gobyerno para umangkat ng branded medicines na pwedeng ibenta ng mura dito sa Pilipinas.

SPMBV: Ang mahalaga na mangyari ang layunin ng panukalang ito. Sa akin, hindi importante kung bersyon ng Senado o ng Kamara ang maaprubahan. Ang mahalaga ay ang bersyon na makakatulong sa taumbayan ang mangibabaw. Mahalaga din para sa akin ang kapakanan ng mga doktor.

Q. Mr. SP, isang nakakahiyang balita itong nagkawindang-windang ang ating grado na ibinigay ng US FAA. Ano po ang masasabi niyo dito?

SPMBV: Dapat by now, ay kausap na ng ating mga opisyal yung mga FAA officials kung paano maibabalik yung maganda nating aviation rating. Kailangang may managot diyan ngunit mahalaga na makabawi agad tayo sa ating kahihiyan bilang isang bansa at sa epekto nito sa ating turismo dahil sa ngayon ay apektado na ang mga byahe patungo sa Pilipinas. Nagtataka naman ako na hindi agad ito nalaman ng ating mga concerned agencies. Nababahala ako ng husto sa bagay na ito lalo na at madalas din akong mag-biyahe. Kaya para sa safety ng mga bumibiyahe nating mga kababayan, kailangang bilhin agad ang dapat bilhin, dapat ipagawa ang dapat gawin. Kami naman sa Senado ay handang tumugon. Kaya nga pinagtibay agad ng Senado ng wala ng gaaanong debate yung civil aviation autority bill bago kami mag-adjourn last year dahil ang sabi sa amin, di na tayo mada-downgrade pag ito ay pinagtibay ng kongreso. Nagulat kami na na-downgrade pala tayo.

Q. Kayo sa Senado, ipinasa niyo yung bill, paano sa Kamara?

SPMBV: Hindi ko lang alam kung ipinasa iyan ng Kamara. Basta kami sa Senado pasado na iyan. Palagay ko, hindi lang ganoon ka-simple ang problema. Dapat maging transparent ang gobyerno na sabihin kung ano ang mga kakulangan para magtulungan lahat para mapawi na agad ang downgrade rating natin. Kailangan itong aksyunan agad hindi lamang para makatupad tayo sa FAA standard kundi para na rin sa kaligtasan ng mga biyahero sa eroplano.

Q. Dapat hindi lang ang Pinas ang sini-single out ng FAA. Yun ngang british airlines may nag-crash landing na isang eroplano.

SPMBV: Tama iyan. Bagama't, to be fair, hindi naman ang ating mga airlines ang na-downgrade. Yun nga lang, apektado din ang kanilang operasyon pati na ang ating turismo.

Q. Dito sa mga bali-balitang destabilisasyon, ano po ba ang pulso ninyo Mr. SP?

SPMBV: Ang problema kasi, napakaraming mga balitang destabilisasyon. Minsan, di mo na alam ang totoo sa hindi. Kung ito ba ay tunay na banta, malakihan ba ito o hindi. Tungkulin ng AFP na panatilihin ang kaayusan at katahimikan sa bansa. Baka naman kasi, hanggang dyaryo lang ang mga bantang ito. Ayoko rin namang sabihin na di ito imbestigahan. Maaaring ito ay totoo din. Trabaho ng AFP iyan at palagay ko, alam nila ang dapat nilang gawin.

Q. Si Gen. Esperon po ba ay sa tingin ninyo karapat-dapat na manatili pa sa AFP o dapat nang palitan?

SPMBV: Tradisyon ng AFP na kapag natapos na ang termino ay may bago nang hepe. Pero ang desisyon sa term extension ng AFP chief ay karapatan ng Pangulo. Ako ay nagki-criticize sa Pangulo kung ang kanyang ginagawa ay di sakop ng kanyang kapangyarihan. In In this case, saklaw ito ng kapangyarihan ng Pangulo at ito ay aking iginagalang.

News Latest News Feed