Press Release
January 18, 2008

MALAYO PA ANG 2010! MAGTRABAHO MUNA TAYO NGAYON! --- KIKO

Matapos na i-downgrade ng US Federal Aviation Administration o US FAA ang Pilipinas pagdating sa aviation operations o panuntunan pagdating sa kaligtasan sa mga panghimpapawid na transportasyon, nanawagan ngayon si Senate Majority Leader at Independent senator Kiko Pangilinan sa mga lider ng bansa na kalimutan muna ang 2010 at sa halip ituon muna ang pansin sa mga pinakamahahalagang problema ng bansa ngayon.

Hirit ni Pangilinan, "Maraming problema sa 2008. isa na rito ang downgrade ng US FAA sa atin. marami pang ibang mga problema liban dito na kailangan ng solusyon. Ang kailangang bigyang pansin at busisiin ng mga lider at mga namumuno ay ang 2008 at mga problema nito at hindi 2010."

Ayon sa FAA hindi sumunod ang Pilipinas sa alituntunin ng International Civil Aviation Organization o ICAO pagdating sa safety standards at dahil dito bumaba sa Category 2 ang ating rating kabilang ang mga bansang Bangladesh, Ivory Coast, Ghana at Indonesia.

Pagtatapos ni Pangilinan, "Kailangan natin sa lalong madaling panahon na maipasa ang batas tungkol sa civil aviation authority. Bagamat mahalaga na may pananagutan sa mga nagkulang, mas mahalaga ngayon ang solusyon at resulta kaysa sa pagturo kung sino ang may kasalanan. Ang pag-downgrade ay isang matinding paalala na kailangan natin ng resulta sa larangan ng pamamahala at serbisyo publiko sa 2008 at hindi resulta sa pamumulitika at maneobra para sa 2010."

News Latest News Feed