Press Release
December 3, 2007

Transcript of interview with Senate
President Manny Villar (DZMM)

Q.Ano po ang aksyon ng Senado para sa isang miyembro na ni minsan ay hindi naman naka-attend ng sesyon?

SPMBV: ang problema kasi namin ay nasa judiciary na ang bagay na ito. Nagsumite na ng petisyon si Sen. Trillanes sa SC para makapag-perform bilang Senador. Nagpatibay na rin kami ng resolusyon bilang suporta sa kanya at sana nga ay maghihintay na lang kami sa desisyon ng korte. Ngunit ngayon, baka may mag-file ng resolusyon para sa expulsion o reprimand kay Sen.Trillanes. Hihintayin namin kung may magpa-file ng resolution. Kung wala naman, wala rin naman akong balak gawin kay Sen. Trillanes maliban na lang kung siya ay hihingi ng tulong sa Senado. Nakahanda naman kaming tumulong kung may magagawa kami para sa kanya, at ako bilang Senate President. Pag may nag-file ng resolution, bibigyang daan namin iyan ngunit hindi ito nangangahulugan na ito ay papasa o bibigyan ng prayoridad.

Q.First time ba iyan na isang Senador ang magpa-file ng resolusyon para sa expulsion o parusa sa kapwa Senador?

SPMBV: I'm sure na may mga ganyan na ring nangyari. Kaya lang, di naman masyadong binibigyang pansin iyan ng mga Senador dahil hindi madali na magkaroon ng reklamo against a fellow Senator. Hindi 'hot' ang mga Senador na mag-ubos ng oras tungkol diyan. Minsan kasi, init din ng ulo iyan, na kapag galit na galit ang isang Senador ay magpa-file ng ganyan. Ang normal na gagawin mo, papalipasin mo muna para mawala ang init at galit. Kasama si Sen. Miriam sa Spain kaya hindi ko alam kung matutuloy iyong filing ng kanyang resolution. Mamayang hapon, tatawag ako ng informal caucus para tingnan kung ano ang posisyon ng Senado sa mga bagay-bagay hindi lamang tungkol kay Sen. Trillanes kundi pati na rin yung tungkol sa media arrest at curfew. Nababahala kasi ako doon sa media arrest at curfew. Mas maganda pag-aralan ng Senado kung ano ang gagawin naming aksyon tungkol sa mga bagay na ito.

Q. Nabanggit po ninyo na sakaling humingi ng tulong sa inyo si Trillanes, ano ba ang pwedeng maitulong ng Senado?

SPMBV: Wala namang masyado. Noon pa naman ako nag-ooffer ng maaaring maitutulong ng Senado subalit ni-review na naman ang batas at nag-usap-usap na rin kaming mga Senador, talagang nasa judiciary ang kaso ni Sen. Trillanes. Handa kaming mag-extend ng legal assistance pero may lawyer naman siya. Hindi naman din siya humihingi ng financial assistance. Whatever, kung ano man ang maiisip niya na paraan para makatulong ang Senado. Nagpasa na kami ng resolusyon supporting him at nakasaad doon na naniniwala kami na dapat bigyang laya siya na dumalo sa mga sesyon. Pero mahigit pa diyan, baka pakikialam na sa judiciary at ayaw naman naming gawin iyan.

Q.Sa tatlo pong isyu na Trillanes, media arrest at curfew, ano po ang uunahin at bibigyang prayoridad ng Senado?

SPMBV: baka yung sa media arrest at curfew.

Q.Yung kay Sen. Trillanes, hindi po priority ng Senado iyan?

SPMBV: Hindi siguro. Tatalakayin iyan kung may mag-file ng resolution. Yung sa Ethics committee hindi iyan normally prayoridad lalo na ngayon na naghahabol kami sa budget. Hindi likely na ang pagtalakay tungkol sa isang Senador ay inuuna kaagad. Kasi siyempre, bibigyan mo ng oras iyan para mabigyan mo ng tamang perspektibo ang mga nangyari. Ngayon kasi, sariwa pa ang nangyari. Maraming bali-balita. Hindi pa tapos ang imbestigasyon so parang masyadong maaga kung uunahan mo ang judiciary kung iyan man ay itutuloy. Pagdedebatehan pa iyan kung dadalhin sa Ethics. Baka nga sa Rules Committee muna dalhin iyan kung saan pag-uusapan kung iyan ay ire-refer o mamamatay na lang sa Rules Committee. Pag-uusapan pa lang kung iyan ay tatalakayin. Hindi pa kami aabot doon sa pagtalakay mismo.

Q.Kaya ko pa iyan naitanong dahil may mga observation na ang Senado, palibhasa ay dominated ng opposition ay dinepensahan o ipinagtatanggol niyo daw si Sen. Trillanes. Parang coddler daw po ngayon ang Senado ng isang kinakasuhan at obviously ay lumabag sa batas na isang Senador?

SPMBV: Hindi naman. May kaso na si Sen. Trillanes. Nais kong ulitin na siya ay nakakulong. May kaso siya at dinidinig ng SC ang kanyang petisyon na makapagtrabaho siya bilang Senador. Wala pang desisyon ang SC tungkol diyan. May kaso din siya sa AFP. Ayaw na naming dumagdag. Hindi dahil tinotolerate namin ito. Kung may problema man siya, ayaw naman naming husgahan siya. Ang punto ko lang, sa ngayon, marami na siyang trial na pinagdadaanan at nakikita namin na baka mag-overlap lang. Pero hindi ho kami nagpoprotekta.

Q.Hindi po kaya ang pagbalewala ng husgado doon sa inyong Senate resolution na payagang makapagtrabaho si Sen. Trillanes ay naka-contribute para gawin niya ang kanyang mga ginawa?

SPMBV: Posible. Hindi ko maiaalis na isa iyan sa maaaring nakapag-pagalit sa kanya. Maaring isa iyan sa mga dahilan kung bakit niya ginawa ang nangyari. Nauunawaan ko iyan. Kami naman sa Senado, marami kaming nakikiisa sa mga nakikita niyang korapsyon sa gobyerno, ayaw rin namin iyan. Doon sa puntong iyon ay nakikiisa kami sa kanya pero doon lamang sa Manila Peninsula incident, hindi kami nakikiaayon.

Q.Hindi niyo po ba irere-iterate yung inyong resolusyon supporting him o baka naman bawiin niyo?

SPMBV: Mamaya open kami sa lahat ng posibilidad. Inaamin ko na talagang divided ang Senado tungkol dito. May gustong i-reprimand siya, may gustong i-expel siya, mayroon din namang tutol sa mga ganitong aksyon kaya magkakaroon ng magandang usapan mamaya at ayoko namang pangunahan ang Senado sa isyu na ito.

Q. Hindi iyong personal na gusto ng Senate President ang masusunod?

SPMBV: Hindi. Ang Senado ay isang body. Kapag mga ganitong sensitibong isyu. Mahalagang kunin ang opinyon ng lahat. Magbobotohan din kami kung ano ang gagawin namin. Tulad ng expulsion, 2/3 votes and kailangan diyan. 16 votes. Kaya mahirap makuha iyan.

Q.Bakit niyo po nasabi na intresado kayo doon sa isyu ng media arrest?

SMPBV: Ang Senado, palaging ang parapatang pantao ang isinusulong kaya nga pabalik-balik kami sa Supreme Court sa pagtatanggol sa mga karapatang iyan. Hindi natin hahayaang masanay ang gobyerno na labagin ang mga karapatan ng publiko. Tulad ng media arrest at curfew, baka sinusubok na kung walang nag-reklamo ay maging SOP na iyan sa darating na panahon. Bilang isang Pilipino at isang Senador, nababahala ako sa mga bagay na iyan.

Q. Marami ang naghihintay sa mga taga oposisyon na magpunta sa Manila Pen pero ang naka-turn off daw lalo na sa mga presidentiables ay di naman daw sila bida doon, ang bida doon ay si Sen. Trillanes at kapag nagtagumpay si Trillanes ay baka mawala ang eleksyon sa 2010.

SPMBV: Naniniwala ako na tama iyong objective pero iyong paraan, di ako sumasang-ayon. Maliwanag ang posisyon ko from the very start tungkol sa bagay na iyan. Laban din ako doon sa ginawang pag-aresto sa media at sa pagpapatupad ng curfew.

Q. Gusto niyo bang magtagumpay ang isang bloodless coup kung pag-uusapan po iyong 2010?

SPMBV: Walang kinalaman ang 2010. Ang mangyayari, talagang mangyayari. Ang punto ko lang, labag sa batas ang nangyari. Consistent ako diyan, hindi naman ako sasama na labag sa konstitusyon.

Q. May mga nagsasabi po na kaya walang masyadong sumuporta sa ginawa ni Sen. Trillanes dahil maliban sa illegal ay gusto pa nilang magkaroon ng caretaker government na mamumuno sa bansa.

SPMBV: Hindi ko na tiningnan yung aspetong iyon. Kung ano ang plano nila. Doon pa lang sa act na nangyari, di na ako sang-ayon. So hindi ko na inisip kung ano ang maaaring mangyari kung sakaling nagtagumpay iyong pagkilos. In the first place, makikita mo na agad na sa simula pa lang ay walang mangyayari sa ginawa nilang iyon.

Q. Sa analysis ninyo, makapagbibigay ba ng takot ang ginawang ito ni Trillanes doon sa iba pang may pagtatangka laban sa Arroyo administration?

SPMBV: Yung kay Sen. Trillanes, hindi masyado dahil wala namang masyadong nagulat. Doon ako mas natakot sa naging reaksyon ng gobyerno baka ito ay maging normal. Natatandaan niyo yung calibrated pre-emptive response, dispersed kaagad yung mga nagra-rally. Tapos eto naman, ngayon lang na naman nangyari ang pag-aresto sa media at pagpapatupad ng curfew. Noong Martial Law lang nangyayari iyan.

Q. May impormasyon po mula sa Southern Police District na may isang mama na nakapula na nakatakas, ito daw po ay Legislative Officer IV, sa special office ng Senate President. Ang sabi daw po ay ang nagpadala daw po sa kanya ay isang Manny Villar at may narecover na pang Gloc sa kanya.

SPMBV: Wala kaming taong ganyan.

Q. Amor Lanto daw po ang pangalan. Sa Special ops daw po ninyo naka-assign.

SPMBV. Wala kaming Special Ops. Mabuti at nabanggit niyo iyan na may mga gumagamit pala ng aking pangalan. Hindi naman tama iyan.

Q. Iwan natin iyong Tillanes issue. Marami po kasi ang nagtatanong kung paano kikita ng P100, 000 sa Nacionalista Party?

SPMBV: Battlecry ngayon ng NP na magkaroon ng kalayaan, kalayaan mula sa kahirapan kaya isa itong paraan para makatulong kami sa mga tao at di kami puro salita lamang.

Q. Di naman po kalayaan sa Arroyo government?

SPMBV: Kung kahirapan ang ibig sabihin noon, yun na nga iyon. Anyway, magbibigay kami ng P100,000 sa makakagawa ng magandang proposal tungkol sa negosyo sa kanilang komunidad. Gagawa lang siya ng proposal sa paghahanapbuhay. Pipili kami from among these proposals ng maganda at creative. Pwede po kayong tumawag sa aming secretariat (722-4727). Yun lang ang gagawin nila, susulat sila at ipapaliwanag ang kanilang business proposal. Gusto kasi namin sa NP na makatulong sa ating mga kababayan. Yung mga nanalo, ilalathala naming para makapag-inspire sa iba. Kahit anong negosyo, pwede basta legal.

Q. Baka isipin ng mga makakatunggali niyo na inooras-oras niyo na sila?

SPMBV: Hindi naman. Ito ay selebrasyon lamang ng 100th year ng isang partido na malaki rin ang naitulong sa ating bayan. Ayaw din naman namin na puro salita lang kami sa NP. Dapat pag magsasalita ka, pagpakita ka rin ng gawa.

Q. Kumusta na po ang Nacionalista?

SPMBV: Binabaha kami ng application ngayon mula sa iba't-ibang kapuluan. Lalo na iyong mga anak at apo ng mga dating Nacionalista. Natutuwa sila dahil buhay na naman ang partido. Noon kasi, ugali na ng mga Nacionalista na ipasa sa anak hanggang sa apo ang membership ng partido.

Q. Mas pabor ba kayo sa 2-party system?

SPMBV: Hindi naman kailangan let's say sa 2010 na iyon na ang mangyari, subalit mas maganda na ang 2-party sa isang presidential system. Nagkakaroon ng pagpili sa magiging standard bearer gaya ng nangyayari sa Amerika. Kinopya natin ang sistema sa Amerika, hindi pa natin kinopya ng tama. Dati kasi, Liberal at Nacionalista, iniba pa natin. Noong 2-party system tayo, no. 1 tayo sa Asia, ngayon kulelat na tayo.

End of interview

News Latest News Feed