Press Release
November 28, 2007

Transcript of interview with Senate President Manny Villar -- DZRH

Q: Amin pong napag-alaman na pangungunahan ninyo itong International Conference tungkol sa HIV?

SPMBV: Alam mo napakahalaga nito Joe at ngayon magsisimula, Ito ay komperensya ng mga parliamentarian ng buong daigdig at dito ay magmi-meeting sila sa Maynila para pag-usapan namin yung HIV Aids na isang problema na hindi masyado pinapansin ng maraming bansa, subalit napakahalaga dahil milyun-milyon ang namamatay dito taun-taon.

Q: Ibig sabihin sa pamamagitan ng legislation kahit papaano ay nais nating makatulong upang sa ganun ay maampat o masawata itong paglaganap ng naturang karamdaman?

SPMBV: Totoo yan, bagama't wala pang theory ito o kalunasan meron namang pamamaraan para pigilin ang paglaganap nito at pahabain ang buhay ng merong HIV Aids kaya maganda rin na kung meron mang meron dito na hindi pa nare-report ay dapat ireport.

Q: Ilang araw po tatagal ang naturang komperensya Mr. Senate President?

SPMBV: Tatlong araw Joe magtatapos ito sa Biyernes at dito ay bibigyan namin ng konting pasyal yung mga delegado, dahil karamihan sa kanila ay hindi pa nakikita itong Pilipinas.

Q: Mr. Senate President, isa po sa mga dahilan kung bakit namin kayo natawagan ngayon umaga dahilan po sa aming nabalitaaan ito pong umuwi na si Nisan Labay na tubo ng Tantangan sa South Cotabato, ito po pala ay ini-smuggle o kaya naman ay ipinuslit , human trafficking ang kaso , at ito po ay nanggaling sa ibang bansa na kayo pa ang gumastos upang maibalik dito sa Pilipinas?

SPMBV: Alam mo Joe nadiskubre ko yan nung ako ay pumunta sa Jordan. Nakita ko doon sa Embassy na merong isandaang mahigit na kababaihan na kinukopkop ng Embassy na ito. Karamihan sa kanila ay pinagmamalupitan ng kanilang mga amo at karamihan sa kanila ay gusto ng umuwi sa Pilipinas, subalit hindi makauwi dahil walang pamasahe.

Q: Ang masama dito ay karamihan yata sa kanila mga menor de edad?

SPMBV: Marami akong nakita na menor de edad. May nakilala ako dun na walo na menor de edad kaya sila ay binigyan ko na lang ng mga ticket at ngayon nga ay isa-isa nang nagdaratingan dito. Ako ay nalulungkot dahil dito may raket akong nadiskubre, sa Bureau of Immigration at sa airport meron parang raket na ini-smuggle nila ang mga menor de edad o walang dokumentong mga OFW. Dito ay nabibiktima dahilan sa sobrang bata at hindi pa talaga pwedeng lumabas ng bansa.

Q: At mukhang ito po ay kagagawan ng isang grupo o ng sindikato dito po sa airport natin?

SPMBV: Yan ang aking hinahanap ngayon, sapagkat dapat matigil ito. Grabe na ang nangyayari at kawawa naman yung mga kababayan natin doon na marami ay pinagmamalupitan at kung sila ay tumakas di naman makauwi dito dahil sa walang pera.

Q: Ang masama pa dito biruin ninyo labing pitong taon gulang napalitan nila sa pasaporte na dalawampu't dalawang taong gulang ?

SPMBV: Totoo yon at napapalitan talaga, at ito'y talagang nakakabahala kaya ako ay nagulat din. Ngayon ay tinatrabaho ko ang isandaan at limampu na nandun pa sa Jordan ay aking maiuwi dito. Naghahanap ako ng pondo sa gobyerno at kung saka-sakali na wala akong mahanap, baka ako na lang.

Q: Yun pong Republic Act 9208 o anti-trafficking in persons act , siguro ay lalo nating palakasin upang sa ganun ay kahit papano ay maiwasan yung ganitong uri ng insidente?

SPMBV: Totoo yan Joe, Talagang itong nakita ko sa Jordan ay nagbukas ng aking isipan. Nakikita ko ngayon na maraming mga bansa na ganito rin ang sitwasyon, marami sa mga embassy natin ang mga OFW na gustong umuwi na pinagmalupitan ng kanilang mga amo subalit hindi makauwi dahil walang pasahe.

Q: Ito ay isa lamang lugar na inyong napuntahan at inyong natunghayan yung ganyang uri ng pangyayari?

SPMBV: Medyo nababahala ako.

Q: Hindi malayo na marami pang kahalintulad na ating mga kababayan na ganyan ang predikamento?

SPMBV: Iyan ay isang isang bansa lang at inamin din sa akin ng mga ambassador dun na talagang maraming bansa ngayon na ganyan ang kalagayan, marami silang kinukopkop na hindi mabigyan ng pondo dahilan sa ang OWWA ay binibigyan lamang ng pamasahe yung documented. Mahigit na kalahati ng ating mga OFW ay undocumented. Yan ang problema natin na dapat harapin.

Q: Mr. Senate Preisdent, nalalapit na po o ngayon po ba ang araw na ito ang pagdiriwang ng Centennial celebration ng Nacionalista Party?

SPMBV: Mamayang gabi ay gugunitain ng Nacionalista Party ang ika-100 taon. Dito ay aming sisimulan na ang pagpapalaganap at paggising muli ng Nacionalista Party para sa mga darating na panahon ay maging aktibo naman itong partido sa pag-ahon sa kahirapan ng ating bansa.

Q: Bilang pangulo ng Nacionalista Party, Mr. Senate President ano po ang mga magiging highlights ng centennial celebration ?

SPMBV: Yung paglo-launch namin ng libro, Gumawa kami ng libro ng Nacionalista Party at ito ay idi-distribute namin sa mga miyembro at yung iba ay ipagbibili namin. Maganda yung launching ng libro na yan sapagkat dito ay makikita mo talaga ang kabanata ng Nacionalista Party na sinimulan nila Quezon at Osmeña.

Q: Nung unang hawakan ninyo ang pampanguluan nito pong Nacionalista Party halos mabibilang lang po nating ang mga kilalang miyembro nito ano ho, pero ngayon mukang marami ang sumasapi sa Partido Nacionalista.

SPMBV: Marami na Joe, dati ay ilang Congressman lang subalit ngayon ay halos dalawampu na ang Congressman niyan at may Governors at mga Mayors. Hindi pa kami nagsisismula at marami pang gustong sumama. Kasalukuyang naghihintay dito sa Zamboanga ang marami ring gustong sumama rito. Sa lahat ng lugar ay makakatanggap na kami ngayon ng mga tawag mula sa gustong i-revive ang kanilang membership sa Partido Nacionalista.

Q: So ibig sabihin nakahanda ang secretariat ng Nacionalista Party upang tumanggap ng mga bagong miyembro o kaya naman ay re-activation ng membership ng dating miyembro ?

SPMBV: Nakahanda na kami at ito na ang simula.

Q: Mr. Senate President baka meron kayong mensahe para sa aitng nakikinig ngayong umaga?

SPMBV: Sa ating mga kababayan , bagama't ngayon ay bumibilis ang tiyempo at marami na mga dumarating na trabaho sa amin sa Senado at mga panukala, hahabulin po namin lahat yan. Ipapakita po namin na ang Senado ay magandang halimbawa ng isang masipag na ahensya ng gobyerno.

News Latest News Feed