Press Release
October 2, 2007

Transcript of interview with
Senate President Manny Villar (DZRH)

Q: Ano ho ang inyong reaksyon sa biglaang pagbibitiw ni Chairman Ben Abalos?

SPMBV: Nagulat kami diyan. Bagamat syempre, pinapupurihan natin si Chairman Abalos sa desisyon na iyan dahil sa panahong ito ay usong-uso iyong walang nagre-resign na public official kapag nai-iskandalo. Magandang halimbawa iyan. Dangan nga lamang at tuloy pa rin ang imbestigasyon ng Senado sapagkat iba naman ang iniimbestigahan ng Senado rito. Hindi naman si Chairman Abalos lang kundi iyong buong ZTE Broadband deal. Kaya bagamat ako personal ay humahanga rin kay Chairman sa kanyang ginawa, pero kami po ay tuloy sa pag-iimebstiga sa Senado.

Q: Ibig sabihin, meron pang pagkakataon na maaaring ipatawag siya sa joint committee hearings?

SPMBV: Iyan ay isang bagay na pag-uusapan namin mamaya bago kami mag-adjourn. Mag-aadjourn na kami sa Huwebes. Marami kaming tatalakaying mga baga-bagay tulad nitong hearing dito sa ZTE Broadband, nagkaroon ng bagong twist kaya iyong mga pinag-usapan namin noong nakaraang meeting ay palagay ko hindi na puwede at kinakailangang baguhin na, pati iyong sa Garci ay titingnan namin kung puwede na ring wakasan iyon.

Q: What about the priority bills na sinisikap na mapagtibay ng Senado?

SPMBV: Maganda at itinanong mo iyan. Kahapon nagpasa kami ng dalawang panukala, iyong sa bilanggo na kapag sila ay mabait sa kulungan ay meron silang bonus o kabawasan sa kanilang sentensya, iyan ay may formula. Pangalawa iyong pagbibigay ng mas maraming retirement benefits sa ating judges at justices. Inisponsor na rin kahapon iyong tulong sa ating mga small and medium scale enterprises para doon po sa mga negosyanteng pinoy. Palagay ko maaaprubahan na namin ito bago matapos ang linggo. At pati ho iyong sa murang medisina ay ilalabas na rin at ihahabol namin bago kami mag-adjourn. Meron pa hong mga dalawa o tatlong panukala.

Q: Iyon pong inyong pet bill na anti-cellphone theft?

SPMBV: Personal ko kasing bill iyan, nira-rush ko talaga iyan at inihahabol ko bago matapos ang linggo. Iyan ay inaasahan kong maaprubahan kung hindi man bukas ay sa makalawa.

Q: Ibig sabihin, bagamat mapapaaga ang inyong bakasyon, itong mga naturang panukala ay sisikapin pa ring mapagtibay bago kayo tuluyang maghiwa-hiwalay?

SPMBV: Oo. Ito ay bilang pagpapatunay sa aking sinasabi na bagamat kami ay nag-iimbestiga ay tuloy ang aming trabaho dtto, hindi po tumitigil kasama ng report na ang budget ay tumatakbo nang maganda at matatapos na ang diskusyon. Ang JPEPA naman ay lagpas na sa kalahati. Maganda naman po ang ating outcome at ang progreso ng mga panukala natin na iba dito sa mga iniimbestigahan namin.

Q: Ibig sabihin nito kahit tuloy-tuloy itong mga hearings, iba't ibang imbestigasyon na ginagawa ng iba't ibang komite ng Senado, hindi naman napapabayaan itong pagsulong nitong mahahalagang panukalang batas?

SPMBV: Oo at iyon ang aking patakaran bilang pangulo ng Senado na sabay sa mga imbestigasyon, lalong pag-iigihin namin ang pagpapasa ng mga panukala para nang sa ganon ay maipakita naman namin na tuloy ang trabaho rito. Inuulit ko uli na ang ambisyon namin ay maging pinakamasipag na ahensya ng gobyerno.

Q: Mukhang talagang iba kapag hasa sa management ang pangulo ng Senado, ano ho?

SPMBV: Maganda naman iyan, at least medyo masaya ang mga senador at maganda ang report nila sa kani-kanilang mga kaibigan.

Q: Kumusta naman po ang budget hearing?

SPMBV: Maganda naman at umaasa kami na mapapasa ito bago matapos ang taon. Halos tapos na, eh. Kaya lamang, syempre officially bago ang pagtatalakay niyan sa floor ay obligado kaming hintayin ang Mababang Kapulungan. (end)

News Latest News Feed