Press Release
September 27, 2007

Transcript of interview with
Senate President Manny Villar (DZBB)

Q. Kayo po ang unang nakapagtanong kahapon kay Sec. Neri at doon sa pagtatanong niyo lumabas yung tungkol sa 200. Ano po ba ang impression niyo sa 200 na ito?

SPMBV: Talagang magugulat niyan si Sec. Neri dahil sabi nga niya, di naman siya sanay sa ganyan at nakita ko sa mukha niya na nagsasabi siya ng totoo. Mabigat ang akusasyong ito at maraming dapat pag-usapan sa kontratang ito. Dalawa ang nag-aakusa kay Chairman Abalos, si Joey de Venecia at Sec. Neri. Tumigil nga lang si Sec. Neri nang tanungin na siya tungkol sa Pangulo at kung may mas mataas sa kanya na nag-utos sa kanya. Tumigil na siya sa pagsasalita at ginamit ang executive privilege.

Q. Hindi ba kayo nagtaka sa sinabi ni Sec. Neri na noong may bribe na 200 ay sinabi niya sa kanyang staff na mag-ingat sila sa kontratang iyon? We're you not surprised na inaprubahan pa rin yung kontrata kahit may offer na ng bribe?

SPMBV: Ipinaliwanag ni Sec. Neri na hindi yung kontrata mismo ang inaprubahan nila kundi yung proyekto dahil di naman nag-aapruba ng kontrata ang NEDA. Halimbawa, magtatayo ka ng planta ng kotse, maaaring sinang-ayunan ni Sec. Neri yung planta ng kotse pero hindi niya sinabi na yung ganitong brand ng kotse ang kunin niyo para sa planting iyan. Hindi rin ako sumasang-ayon kung bakit inaprubahan pa ang kontrata dahil sa aking pananaw, hindi na kailangan ang proyektong ito. Hindi ako naniniwala na kailangan ng broadband.

Q. Ano po ang gagawin ng Senado sa isyu ng executive privilege?

SPMBV: Mabigat na bagay iyan at pag-uusapan iyan ng Senado. Umaabot sa Supreme Court ang mga ganyang isyu. Medyo pwersahan iyan. Titingnan din muna namin, dahil hindi naman basta-basta nai-invoke ang executive privilege. Sisiguraduhin namin na may karapatan si Sec. Neri na iinvoke ang executive privilege. Hindi lahat nakakapag-invoke niyan. Dapat ay may approval ka ng Pangulo at sinabihan ka ng Pangulo na huwag mong isisiwalat ang tungkol dyan.

Q. Mukhang mga technical experts na ang mga imbitado ngayong araw sa patuloy na ZTE hearing?

SPMBV: Iba ngayon. Pag-uusapan naman ngayon kung talagang kailangan ang proyekto. Wala sigurong masyadong kontrobersiya sa pagdinig ngayong araw. Tatalakayin naman kung talagang kailangan ang proyekto o hindi. P15B ang involved dito at malaking halaga ito. Sabi nga ng iba, sayang daw ang oras ng Senado sa ZTE hearing, ang sabi ko, hindi dahil P15B ang babayaran ng mga Pilipino kapag nagkamali tayo sa kontratang ito.

Q. Sabi nga ni Sen. Santiago, usapan lang daw ng kickback ang hearing.

SPMBV: Hindi naman. Hindi lang ang lagayan kundi ang kabuuan ng proyekto ang binubusisi namin dito. Ini-establish din namin kung kailangan pa ang proyektong ito. Kung kailangan, dapat ba na ganito kamahal ang gastos? At may kumita ba dito? (end)

News Latest News Feed