Press Release
September 26, 2007

Transcript of interview with Senate
President Manny Villar (DZBB)

Q. Mukhang kailangan ng mga senador ng matinding convincing power na papagsalitain si Sec. Neri dahil posible nitong i-invoke ang kanyang executive privilege sa hearing ngayong umaga sa ZTE deal.

SPMBV: Matagal ko nang kilala si Romy Neri bilang isang honest na tao. Yung bang tipo ng taong magsasabi ng katotohan. From the academe iyan. Mag-iiba ang aking pagkakakilala sa kanya kung puro executive privilege ang isasagot niya sa amin sa hearing. Maraming bilib sa kanya ngayon, baka biglang yung kanyang ipinundar na imahe ay masira.

Q. Pagka po ba ginamit ang executive privilege, ano po ba ang mangyayari? Wala po ba tayong malalaman dahil tikom ang bibig niya?

SPMBV: May ganyang pribelehiyo ang Pangulo. Halimbawa, nakipag-usap siya sa kanyang gabinete, pwedeng i-invoke ang executive privilege dahil hindi naman lahat ng pinag-usapan ng Pangulo at gabinete ay pwedeng sabihin sa madla. Maaaring yung iba ay in confidence na sinabi. Ang Pangulo, ay binibigyan ng ganyang karapatan.

Q. Mayroon po bang option na gagawin ang Senado kapag ginamit ni Neri ang executive privilege?

SPMBV: Wala kaming magagawa diyan kasi parang magre-rely lang kami sa integridad ng aming kausap. Pero halimbawa yung sa pagitan nina Sec. Neri at Chairman Abalos, wala naman silang relasyon sa isa't-isa at hindi sila sakop ng executive privilege dahil iyan ay usapan sa pagitan nilang dalawa. Nag-aaplay lang ang executive privilege kapag ang kausap mo ay ang Pangulo.

Q. Si Chairman Abalos po ba ay pwede ring mag-invoke ng executive privilege?

SPMBV: Hindi. Di naman sila magkasama. Ang mangyayari niyan, ay the words of Abalos against the words of Neri. Sila lang ang nag-usap. Sasabihin nung isa na ganito ang sinabi mo sa akin, sasabihin naman nung kabila na wala akong sinasabing ganyan. Since, walang ibang nakarinig sa usapan nila, yun ang mabigat.

Q. Naiulat po sa media na parang nai-report yata ni Sec. Neri kay PGMA yung tangkang panunuhol sa kanya, pero ang sabi daw ng Pangulo na "don't accept it, just approve the contract".

SPMBV: Kung talagang sinabi niya iyan, medyo mabigat iyan. Baka iyan ay impeacheable crime. Although pwede niyang ipagtanggol iyan sa pagsasabing naniniwala siya sa proyekto. Pero yung direct involvement of the President is impeacheable.

Q. Si Chairman Abalos po ay haharap sa ZTE hearing at siya po ay isang impeacheable official. Hindi po ba magkakaroon ng conflict considering na pagka-natuloy ang impeachment sa kanya ay kayo pong mga Senador ang magiging hukom.

SPMBV: Isang grey area iyan. Sa ngayon, di pa namin alam kung ano ang sasabihin niya. Ang mahalaga, binibigyan namin ng pagkakataon si Chairman Abalos na ipagtanggol ang kanyang sarili. Kung hindi namin siya inimbitahan, hindi rin naman magiging fair. May mga nag-akusa sa kanya sa ZTE hearing kaya kami ay obligadong bigyan siya ng pagkakataon na idepensa ang kanyang sarili at ipaliwanag ang mga ibinabato sa kanyang mga akusasyon.

Q. Would this hearing be an exception to the rule na dapat before 3pm ay tapos na para kayo naman ay makapag-sesyon?

SPMBV: Pwede naming pag-usapan iyan. Kung mayorya ng mga Senador ay payag na ituloy ang hearing, walang problema doon.

Q. Nasa panel po ba kayo mamaya?

SPMBV: Pupunta ako. Gusto ko ring marinig ang sasabihin ni Sec. Neri (end)

News Latest News Feed