Press Release
September 14, 2007

Transcript of interview with Senate Senate President Manny Villar over DZXL-RMN Manila with Erwin Tulfo and Doris Bigornia

Q: Reaksiyon niyo sa sinabi ng pangulo na igalang ang lahat ng kontrata na pinasok ng gobyerno. Siyempre kasama na diyan ang ZTE.

SPMBV: Alam ko natatandaan ko sa PIATCO ang sabi ng pangulo mahalaga na masugpo yung corruption kaya hindi nabubuksan yung PIATCO. Hindi nao-honor yung agreement. Eh ngayon biglang iba naman. Huwag naman ganon kasi napakahirap naman na yung 320 million dollars ang babayaran ng ating mga kababayan. Malalaki-laking pera yan 15-16 billion pesos at lahat naman ng eksperto ay nagsasabing hindi naman kailangan, at lahat ng eksperto ay nagsasabing medyo may kamahalan. At saka ngayon, hindi ko naman sinasabi kung sino, pero maraming involved sa anomalya. Mahalaga siguro na ma-establish natin na hindi gusto ng gobyerno ang corruption sa pamamagitan ng pagkansela ng mga deal na ganito.

Q: Ibig bang sabihin sir na pag sinabi ng Malakanyang na itutuloy at igagalang ang kontratang napirmahan na, dahil kahihiya naman daw ang Pilipinas na uurong dun, eh abswelto na sina Abalos?

SPMBV: Well, ayokong mag-comment sa isang partikular na tao dahilan sa baka magkaroon ng impeachment proceedings, kami ay hindi allowed na mag-comment diyan dahil kami ang tatayong judges kung saka-sakali. Subalit kung sa deal, mahirap yan kasi marami pa yan. Paano kung magpapasok na ang gobyerno sa kung anu-anong klaseng deal na mababahiran ng anomalya, pagkatapos sasabihin na kailangang i-honor ng gobyerno dahil tayo ay tumutupad sa mga commitment na ganyan. Lalakas ang loob naman, particularly dahil wala namang naparusahan dahil sa deal na 'yan. Ang maganda siguro, halimbawa kunyari may naparusahan tapos sinabing, well nagkataong ganyan, sorry pero i-honor namin 'yan, pero at the same time naparusahan ang mga involved, medyo may kredibilidad yan.

Q: Irerekomenda niyo ho ba na ibasura. Yun na po ba'yon? Hindi na matutuloy kapag inirekomenda niyo kay pangulo, diba siya pa rin ang final and approving authority para aprubahan ang mga kontrata?

SPMBV: Sa akin kasi, itong partikular na deal na ito tingin ko dapat ibasura na lang. Kasi ang ganyan kalalaking deal dapat diyan talagang matagal na iniaanunsiyo, pinag-uusapan at hinihingi ang comment ng lahat. Hindi yung very secretive na walang nakakaalam, pag nahuli nawawala yung dokumento. 16 bilyong piso nawawala ang mga dokumento. Di ba't tayo ay nakakatawa. Kaya sa akin ang ganitong practices, ito ang medyo nagpapasama ng loob sa paghatol kay Pangulong Erap, ang ganitong mga pangyayari . siguro kung gusto ng administrasyon na ipakitang desidido sila at patas dapat walang mga ganyan.

Q: Reaksiyon niyo sir sa pagmamatigas pa rin ng Malakanyang at mga gabinete ni Pangulong Arroyo sa E.O. 464 sa Hello Garci.

SPMBV: Kami ay naninindigan din sa pagdedeklara ng Korte Suprema na unconstitutional 'yan. Ipaglalaban namin ang desisyon ng Supreme Court, ipaglalaban namin ang karapatan ng senado na mag-imbestiga at magpatawag ng mga inaakala namin ay nagkasala. 'Yan po ay ibinigay sa amin ng konstitusyon at wala namang personal diyan kaya lamang ay kailangang gawin namin ang aming tungkulin at ang senado sa ilalim ng aking pamumuno ay magiging isang independent at hindi kayang diktahan ng sinuman.

News Latest News Feed