Press Release
September 5, 2007

Transcript of radio interview with Senate
President Manny Villar over DZMM

Ano po ba itong pinirmahan ninyo na naibalita sa Manila Bulletin ngayon?

SPMBV: Iyan iyong subpoena kay Mr. Garcillanompara makapagbigay-liwanag sa gagawing hearing ng senado sa biyernes.

May statement na po si Garcillano sa pamamagitan ng kanyang abogado na hindi na sila dadalo sa senado dahil wala na naman daw silang maitutulong tungkol dito. Ano po ba ang gagawin niyong hakbang kapag nangyari ito?

SPMBV: Iyan ay pag-uusapan ng mga komite, kasi ang susunod na hakbang diyan ay contempt na. Kaya nga sa halip na imbitasyon lang, subpoena na agad ang napagka-isahan ng mga senador para kay Mr. Garcillano. Kung di talaga siya dadalo, mapipilitan ang senado na magdesisyon for contempt.

Katulad din ng nangyari sa kamara, may arrest order kay Garcillano, lumipad ng Singapore pero pagbalik, walang tatak ang passport.

SPMBV: Hindi natin masasabi kung ano ang gagawin ni Mr. Garcillano, nasa kanya iyan. Pero maliwanag naman ang batas na pag may contempt sa isang tao, pwede itong maaresto.

Bakit ho ba si Garcillano ang isa kaagad sa ipina-subpoena ng senado? Di ho ba sa wiretapping nakasentro ang imbestigasyon?

SPMBV: Iyon ang resolusyon ni Sen. Lacson. Pero ang contention din ng ibang senador ay imbestigahan din hindi lamang ang wiretapping kundi iyong pinag-usapan sa telepono.

Iyon pong dayaan sa eleksyon.

SPMBV: Tama iyan, kaya nga nagpalabas ang senado ng subpoena kay Mr. Garcillano.

Bukod po kay Garcillano, sino pa ang kakailanganing i-subpoena ng senado?

SPMBV: Premature pang magsalita sa ngayon. Depende iyan sa sasabihin ni Vidal Doble kasi siya ang mauunang isalang. Iyong mga sasabihin niyang pangalan, ipapatawag din natin.

Panghuli na lang po Mr. Senate President, ang sinasabi po ni Mr Estrada na no deal sa pardon na inihahanda sa kanya. Kayo po ay madalas din sa Tanay, sa tingin niyo po ba ay ayaw talaga ni Erap na humantong na bibigyan lamang siya ng pardon?

SPMBV: Talagang acquittal ang habol ni Pangulong Estrada dahil sa kanyang paniniwala at sa paniniwala ng iba nating taumbayan ay wala namang kasalanan at hindi napatunayan na mayroong plunder. At iyan ay maliwanag sa mga sumusubaybay sa mga hearing ng kaso niya. Maraming naniniwala, isa na ako doon na hindi napatunayan nag-commit ng plunder ang pangulo.

Ang tingin po ninyo hindi siya nag-commit ng plunder?

SPMBV: Sa palagay ko, hindi iyan napatunayan bagamat ayokong pangunahan ang Sandiganbayan dahil iginagalang natin iyan. Kaya lamang, ang plunder ay mahirap patunayan na kaso dahil iyan ay series ng pag-violate ng batas.. Kailangang ipakita ng gobyerno na series ang ginawa na ito. At iyan palagay ko, ay hindi napatunayan ng prosekusyon.

Ang mga naririnig po nating obserbasyon na i-convict si Erap sa mas mababang offense ay gaya din po ba ng natatanaw niyo, kung sakali?

SPMBV: Mahirap kasing mag-speculate. Pero palagay ko, ganoon ang mangyayari at di ko rin masisisi si Pangulong Estrada na naisin niya ang acquittal at ayaw niyang makipag-deal tungkol sa mga bagay na ito.(end)

News Latest News Feed