Press Release
December 11, 2006

Transcript of Radio interview with Senate President Manny Villar (DZMM)

Kung tutuusin itong 72 hours masyadong crucial ito na hindi ninyo kakayanin?

SPMV: Hindi naman kami sumusunod diyan sa mga deadline-deadline na iyan at hindi naman nabibigyan talaga ng deadline ang Senado. Pag-uusapan namin iyan sa aming oras at sa aming paraan dahilan sa hindi naman kami naniniwala na iyang pagbabago ng Konstitusyon ay isang bagay na para bang life and death iyang Konstitusyon na iyan. Napakatagal na niyan sa atin at kung iyan ay babaguhin, napakahalaga na iyan ay acceptable sa tao. Kagaya nitong proposal sa con-ass na talagang lumalabas na galit na galit ang mga tao. Mahalaga kasi sa Senado kung ano iyong iniisip din ng tao hindi natin pwedeng balewalain. Kung pag-aaralan namin iyang con-con proposal na iyan, hindi in 72 hrs. Mahalaga sa amin kasi iyong makipag-ugnayan pa sa ibat ibang sector. Marami iyong mga religious sectors, business sectors, mga NGOs, iyong ating mga pangkaraniwang mamamayan, iyong mga nasa lalawigan. Mahalaga na makonsulta sila para kung anuman iyong ating magiging desisyon, kung con-con, kung con-ass iyan o wala tayong pagbabago ng Konstitusyon, dapat ito talaga ay acceptable at sa isang maayos na proseso para naman iyong takbo natin sa gobyerno ay hind nagugulo at maayos.

Iyong takdang panahon kayang ito, kelan kaya ito?

SPMV: Hindi natin pwedeng bigyan ng deadline. Titingnan natin iyan in fairness to the proposal naman ng ating Malaking Kapulungan, tatalakayin naman namin iyan. Pero hindi kami pwdeng may 72-hour deadline. Ngayon pa lang kami magsisimula na konsultahin, mamaya may hearing kami sa kumite, at titingnan namin iyong mga opinion ng ibat ibang sector. Hindi naman namin pinapatagal ito. Sa aming palagay naman, hindi naman ganon kagatal na malaman natin ang sentimyento ng tao. Subalit kung ang sentimyento ng tao ay ayaw nila ng pagbabago ng Konstitusyon, con-con man o con-ass, palagay ko malaki ang kinalaman niyan sa magiging desisyon namin sa Senado.

Na inyong papanigan kung ano ang isinisigaw ng damdamin ng bayan?

SPMV: In the end kasi sila rin ang magdedesisyon niyan. Meron din namang referendum iyan. Magdedesisyon din naman kami, siyempre kami naman din ay magrerekomenda. Di naman namin sinasabing simpleng ganyan lamang. Siyempre baka naghihintay din ng rekomendasyon namin ang ating mga kababayan. Subalit itoy isang bagay na dapat sana pag ginawa natin ng Konstitusyon natin ay buo iyong ating bansa, at least iyong nakararami na ito ay maayos at nagkakasundo para hindi nagkakaroon ng gulo.

Sa dalawang paraan, ano ang inyong paninindigan doon?

SPMV: Pag-uusapan namin mamaya iyan. Pareho naman iyan, ang pagmamadali lang naman ang nakakagulo diyan. Siyempre ang con-con, at least wala iyong suspetsa na ang mga ka-miyembro ng Kongreso ay may kinalaman diyan. Binabalanse lang naman iyan sa gastos dahil ang con-con mas magastos. Itong con-ass naman hindi magastos pero may suspetsa iyong mga mamamayan natin na binabraso o pinipilit. Iyon ang babalansehin namin. Sa akin, ang mahalaga ay may suporta. Either way iyan sa akin pwede basta may suporta lang ng mamamayan. Kung ngayon kasi iyong con-ass ay galit na galit, mahihirapan na iyan.

Pero sa karamihan po ng inyong kapwa senador, ano ang kanilang pinapaboran?

SPMV: Last year, sumubok kami na magtanong kung ano ang kanilang pinapaboran. Last year mas marami ang pabor sa con-con.

Kayo ba ni Speaker de Venecia ay may pagkakataon pa ring mag-usap tungkol dito?

SPMV: Nag-uusap naman kami. Hindi naman totoo na hindi kami nag-uusap from time to time. Ako naman ay willing makipag-usap maski sa Pangulo, kay Speaker de Venecia dahil hindi naman kami nakikipag-away. Anytime, pwede naman kaming makipag-usap kaya lang ayaw namin ng usapan na may mga deadlines tapos sarado na iyong pag-uusapan. Siyempre dapat pag mag-uusap kayo, maliwanag talaga na lahat ay pwedeng pag-usapang mabuti.

Ano reaksiyon ninyo sa sinasabi ng ibang sektor na hindi na dapat baguhin pa ang sistema ng ating gobyerno at ang nakikinabang lang daw diyan ay tropang politiko lang?

SPMV: Marami rin ang naniniwala na hindi naman dapat baguhin ang Konstitusyon. Marami rin iyan. Kaya nga tatlong grupo ito: iyong naniniwala na hindi dapat baguhin ang Konstitusyon, iyong isa naman iyong con-con at iyong isa iyong con-ass. Tatlong grupo ito kaya tayo medyo naguguglo ngayon. Kaya sabi ko anuman iyong landas na tatahakin natin, kinakailangan iyong medyo gusto ng nakakarami para hindi naguguglo itong ating ekonomiya.

Ang pinakamabisang paraan doon ay sa pamamagitang ng referendum?

SPMV: In the end, iyon ang mangyayari. Pero sa ngayon, siguro in fairness sa ating mga proponents ng con-ass, pwedeng pag-usapan iyan sa mga darating na araw para at least naman mabigyan ng tsansa na marinig iyong lahat ng proposal at matugunan kung anuman. Kung meron pang gagawin sa eleksyon ay gawin na sa eleksyon. Kung wala naman, di wala. Huwag lang tayong magulo. (end)

News Latest News Feed