Press Release
October 11, 2006

Transcript of Senate President Manny Villars Interview
(with Jerry Baja and Anthony Taberna / DZMM)

Kelan ba iyong Senate anniversary celebration?

SPMV: Weeklong celebration iyan, itong buong linggo na ito ay sine-celebrate namin. Pero iyon naman ay pwede namang ma-move ng kaunti iyong petsa ng selebrasyon na iyan, hindi naman namin pinupunto talaga na kailangan this week.

Iyon po bang mga tagpo sa Senado ay bahagi ng celebration?

SPMV: Alam mo iyang sa Senado, siyempre mga passionate ika nga ang mga tao sa kani-kanilang mga panukala. Talagang naniniwala naman ang bawat isa na iyong kanilang panukala ay talagang makakabuti sa bayan kaya talaga siyempre habang lumalapit na ang adjournment ay talagang medyo nagiging mas passionate sa away, ika nga. Pero siyempre lahat naghahabol na maaprubahan ang kani-kanilang mga panukala at iyong iba naman ay talagang desidido naman na ayaw nilang ipasa. Talagang inaasahan naman natin na tuwing ganitong panahon, umiinit ang panahon sa Senado. Pero magandang balita iyan kasi mas pangit naman iyong hindi mainit dahilan sa ibig sabihin noon ay wala kayong ginagawa. Kaya mas okay sa akin naman din iyan at sa ngayon kasi medyo maraming mga panukala na tinatalakay namin. Nira-rush namin halos lahat. Nandiyan iyong biofuel ngayon iyong sa Pamantasan ng Pilipinas, iyong sa anti-terrorism, iyong sa automation ng eleksyon, iyong sa public attorneys office at medyo marami-rami ang mga nakasalang ngayon pati mga local bills na gagawing siyudad iyong Navotas, magkakaroon ng sariling distrito iyong Marikina.

Ngayon ang pag-aani?

SPMV: Oo. Of course iyong hindi makakaabot ngayon, panibagong paghihintay na naman iyan sa Nobyembre hanggang Disyembre.

Nakapag-usap-usap na ba kayo dahil sa sobrang passion nagkakabantaan na ng sampalan, meron pa yatang ipapa ethics. Kahapon si Sen. Jamby medyo mabigat na iyong sinasabi kay Sen. Enrile ?

SPMV: Nakikita ko na iyon naman ay tungkulin natin na palamigin ang ulo ng ating mga kasamahan. Ngunit ako ay lalong humahanga sa kanila dahil talagang nakikita mo naman ang kanilang mga posisyon ay kanilang dinadala at ipinaglalaban. Iyon lamang talaga ang posisyon normally dalawang panig iyan at hindi na nagkakatugma. Madami-daming panahon, madaming pagkakataon at dito nga marami talagang mangyayaring hindi pagkakatugma ng mga posisyon at iyan ay maaaring mangyari ngayon hanggang bukas. Subalit healthy pa rin iyan at kami naman ay kapag nandoon ay okay naman. Nagkakaroon lang ng kaunting init ng ulo from time to time pero iyan ay mga isa o dalawang minuto lamang. Pero pagkatapos noon, maayos pa naman ang samahan sa Senado.

Kumusta iyong clinic ninyo diyan sa Senado? Nakaready po ba ang mga gamot?

SPMV: Iyon naman ay mukha lang talagang nag-aaway pero totoo niyan, pag nasa Senado naman, di naman tumataas ang blood pressure ng mga senador.

Bilang timon ng Senado, maipapasa po ba ngayon hanggang bukas itong anti-terrorism bill?

SPMV: Hindi naman talagang anti-terrorism lang nakasalalay lahat. Ang sabi ko nga kanina, napakaraming napakagandang panukala na nakasalang ngayon at hindi naman fair na isa lamang ang parang pinag-uusapan. Iyan naman ay ang magandang balita. Lahat halos ng major na panukala ngayon ay nasa last stages na, iyong tinatawag nating period of amendments. Maging ang anti-terrorism ay nandiyan na sa amendments. Halos lahat ng mga major na panukala ngayon ay naitulak na namin sa huling yugto ng proseso. Decision time na lamang ang ating hinihintay. Ayoko na muna magsalita; mahirap magsalita dahilan sa bawat isang panukala ngayon ay napakainit lalo na iyong anti-terrorism, iyan ay napakainit ngayon sapagkat nahihirapan kami na gumawa ng bersyon talaga na makaka-satisfy sa lahat ng tao. Subalit maraming nakasalang na magaganda at ayokong ilagay ang Senado doon lamang sa isa. Siguro mga anim iyang mga iyan at siguro makapasa kami ng kalahati ay maganda na. (end)

News Latest News Feed